Pages

Thursday, March 29, 2012

Pasabook (13)



'Nak gising na

Tinignan ko ang orasan.

6:15. 

Konti pa. 

6:30 pramis babangon na ako. Sabay talukbong ulit ng kumot.



'Nak gising na. Mas malakas ang boses ni inay ngayon.

'Nay, opo babangon na. Inaantok ko pang sagot sa kanya.

6:28.

Dalawang minuto pa.



6:30

Kinusot ko ng ilang ulit ang aking mga mata. Nagtanggal ng muta sabay bangon. Sinuot ang tsinelas para pumunta sa banyo. Bago ko pa buksan ang pinto ng aking kwarto ay narinig kong muli ang sigaw ni ina.

'Nak gising na
'Nak gising na
'Nak gising na

Nay gising na ho. Maliligo na nga.

Subalit hindi pa rin natigil si inay sa pag-gising sa akin. Maya-maya pa'y narinig ko na ang paghagulgol niya. 

'Nak gising na
'Nak gising na
'Nak gising na
Michael gumising ka, wag mo kaming iwan. Anak!!!!!!!!!!!!!!!


Tumakbo ako pabalik sa kama. Nagtalukbong ng kumot at pumikit.

Ngunit hindi na ako muling nakatulog.

At hindi na rin ako muling nagising.


**************

Hindi ka naliligaw, tama ang title ng post na ito. Ang ipapasa ko kasing libro ay naglalaman ng kwento na katulad na halimbawa ko sa itaas. 

Pero wag niyong isipin na kinopya ko yan dun, kasi sarili kong gawa yan :P.  

Eto nga pala yung librong sinasabi ko: 





So kung wala pa po kayong kopya nito, madali lang namang sumali. Sundin lang ang mga sumusunod:

1. Open po ito sa lahat ng blogger na nasa Pilipinas.

2. Mag-iwan lamang ng comment sa post na ito. Kahit anong comment basta lumabas lang pangalan niyo. :D 
 
3. One entry per blogger lang po.

4.Hanggang March 30, 2012 (Friday) lang po na mga comments ang kasali sa bobolahin.

5. Para sa resulta, bumalik na lang po dito sa March 31, 2012 (Saturday) at kung ikaw ang nanalo paki-email na lang po  (hartlesschiq@gmail.com) ang inyong contact details (syempre kasama na yung buong pangalan :D).

Friday, March 23, 2012

Minsan Pinangarap kong maging Makata :)








*ang ginamit na larawan ay mula dito.

Thursday, March 22, 2012

Blackout



 Mahirap buuin ang tiwala sa sarili, hindi lang kasi isang beses kang magkakamali ng iyong mga desisyon sa buhay. Sa bawat pagkakamali mo pa, nababawasan ang katiting na tiwalang pilit mong binubuno upang lumago. At mas nagiging mahirap magkaroon ng tiwala sa sarili kung madalas kang inilulugmok ng iba sa kahihiyan at lugami. Manananggal ang tawag ko sa kanila – manananggal ng tiwala.

Maraming pagkakataong nilalabanan ko ang kawalan ko ng tiwala sa sarili atmaraming pagkakataon ding nagugupo ako ng aking sarili mismo. Ang hindipagsagot sa panahong ipinapahiya ka ng maharlika mong guro dahil sa iyong paniniwala ay isang malaking pag-amin ng kahinaan. Tila inilalabas ang tunay na kulay ng iyong kuyukot. Kahit alam mong dapat ipinaglaban ang nangangalumata mong prinsipyo sa buhay, mas pinili mong magtago sa yungib ng iyong pagkatalo.

Kung may paligsahan nga sa mga taong kulang ang tiwala sa sarili, malaki ang tsansang hindi pa rin ako makakakuha ng gantimpala. Kasi kahit sa ganitong pakontes ng mga dikya, wala pa rin akong tiwala sa sarili ko na mananalo ako. Isang malalim na buntung-hininga at halinghing lang ang kaya ko.

Ngunit ni minsan, hindi ko naisip na sukuan ang panibugho kong kinasangkutan. Sa mga pagkakataong, nagagapi ang aking sarili, doble ang isinusukli kong pagod upang mag-aral ng matuwid at matutunan ang bawat pagkakamali at ipagpatuloy ang aking munting banal na adhika. Ilan taon ko ring pinilit na palaguin ang aking tiwala sa sarili, upang kumawala sa peklat ng aking kahinaan ng loob.

Sa ngayon, malago na ang aking ipinunlang tiwala sa puso ko. Minahal ko kasi muna ang aking sarili bago sila. Nagsisilbing alingawngaw ito upang pagkunan din ng tiwala ng ibang tao sa paligid ko. Sabi nga ng kaibigan kong si Luwalhati sa akin, hindi mo maibibigay sa iba ang bagay na wala ka. Siniguro ko munang mayabong na ang aking puno, hitik na sa bunga at nakahanda nang ipamahagi sa ibang nangangailangan.

Hinog na ang pulot-pukyutan ko, kanya-kanya na kayong hugot.


*Napadaan ako kanina sa isang blog na gumagawa ng blackout poetry. Mula sa isang akda ay kukuha ka lamang ng ilang salita na siyang bubuo sa iyong tula. Sinubukan ko lang :D Natatawa ko sa resulta, ang sabaw!

*Ang akda ay isa sa mga lahok sa nakaraang Kamalayang Malaya ni J.Kulisap :)

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design