‘Huwag mong sanayin yung sarili
mo na mag-isang bumibiyahe. Baka mamaya dahil sanay ka na, hindi ka na
maghahanap ng kasama.’
Nakalipas na ang isang buwan ng
sabihan ako ng ganito ng kaopisina/housemate ko. Hindi ko siya makalimutan
dahil paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na walang masama sa ginagawa ko. Una,
hindi naman ako nakakasakit ng tao. Pangalawa, karapatan ko naman yun di ba? Pero
ewan ko ba, apektado pa rin ako. Paulit-ulit ko pa ring dyina-justify sa sarili
ko na tama yung ginagawa ko, na masaya akong mag-isa.
Nagsimula ang lahat noong
Valentine’s day. Nagkaroon ng seat sale sa isang airline. Matapos makapagbook
ng family trip, dumale na naman ang pagka-impulsive ko. Sinubukan kong magbook
ng bakasyon na ako lang mag-isa. Na-enjoy ko naman. Sa sobrang enjoy ko nga
nasundan pa yun, di lang domestic kundi pati international na trip.
Ano ba ang nakukuha ko sa
pag-iisa kong ito at parang sakit siya na ayoko nang mawala?
Oras. Mula pa lang sa pabubook ng biyahe hanggang sa itinerary ito
talaga ang hindi ko ipagpapalit sa pagbibiyahe ko nang mag-isa. Kung kailan ko gustong
umalis, kung kailan ko gustong puntahan ang isang lugar, kung kailan ko gustong
kumain etsetera etsetera. Lahat ng yan ay nakadepende sa akin.
Ex. Walang maninisi dahil late
nagising at hindi na nakapunta sa isang tourist spot. Na akala mo eh maliit na
issue lang pero sa next na bakasyon nila eh hindi ka na isama.
Unwind. Kaya ako nagbabakasyon, pumupunta sa ibang lugar ay dahil
gusto kong magpahinga. Maaaring sabihin mo na ‘Paano mo masasabing pahinga iyan
kung bumibiyahe ka pa rin?’ Ok wag maging literal guys. Haha Ang ibig sabihin
ko dito ay yung makakita ka naman ng iba sa nakikita o ginagawa mo na sa
pang-araw araw. Break baga. Unwind lang, ganun.
Ikaw lang ang maselan. Again,
ang bakasyon ay pahinga at hindi panahon para makipagdeal o makipagcompromise
sa mga kasamang hindi gusto ang ilan sa mga desisyon o gusto mong gawin sa araw na iyon. Sa mga solo
travel, ikaw lang ang pwedeng magcancel sa itinerary mo. Do it as you like, ika
nga. Kasi di ka naman araw-araw pinapayagan sa opisina na magleave di ba? So
ayun, might as well itodo o sulitin mo na ang bakasyon.
Meet people. Ito siguro yung
masasabi kong blessing na nakukuha ko tuwing mag-isa akong bumibiyahe. Mapa-driver ng sinasakyan kong tricycle, jeep
o habal-habal, nakatabi ko sa bus o kaya naman katulad ko na turista ay hindi
ako nagingiming kausapin. Na siguro kung
may kasama akong iba, eh hindi ko yun magagawa dahil kami-kami lang ang
magkakaung-ungan.
Spontaneity . Hindi
ko alam kung ito ang tamang term para dito pero kapag mag-isa ako, andun yung
freedom eh. Mas malakas yung loob ko na gawin o subukan ang isang bagay. Wala kasing judgmental sa
tabi-tabi o kung meron man ok lang kasi hindi naman nila ako kilala. Walang
rules at walang nagdidictate sa kung ano lang ang dapat kong gawin o ikilos.
Pero hindi naman ako plastic para
sabihin kong yan palagi ang nakukuha ko
sa mga biyahe. Nalulungkot din naman ako minsan, katulad kapag kumakain o
lumalangoy ng mag-isa (imagine that, so sad!). Pero minsan lang yun sa buong
duration ng bakasyon ko. Oo, hinahanap-hanap
ko din ang company ng friends at family pero minsan pala kailangan mo ring i-appreciate
yung company ng sarili mo. To be in tune with yourself. Para sa’kin kasi dito
sa mga bakasyon na ‘to mas nakilala ko yung sarili ko. Kung ano ba yung
nakakapagpasaya sa akin at kung ano yung dapat ko nang iwasan at itakwil sa
buhay ko. Mas nagiging totoo ako sa kung ano ang tunay na buhay at drama lang.
Hoy ha, hindi ko ito isinulat
para hikayatin kang magbiyaheng mag-isa. Dahil hindi mo rin naman ako agad-agad
mahihikayat na mamundok, sumali sa triathlon, magbadminton at kung anu-ano pang
hobby na nakahiligan mong gawin.
Sinulat ko ito dahil, ito yung
alam kong ikwento, ito ang expertise ko. At siguro rin kasi, ito yung written
justification na gusto kong malaman ni opismate/housemate kung bakit nag-eenjoy
akong mag-isa.
Mema lang.