Pages

Showing posts with label pamilya. Show all posts
Showing posts with label pamilya. Show all posts

Wednesday, February 2, 2011

Ngayon....Ikaw naman.


“Nay.. nay san po kayo?”

“Andito ako anak sa tagiliran. Kumain ka na muna diyan, may pansit akong binili mainit pa yan”

“Sige po nay, magpapalit lang po ako ng damit”

“Dalhin mo na dito yung pinagpalitan mo nang maisabay ko na”

“Nay wag na po, ako na pong maglalaba mamaya pagkakain.”

Siguradong may pinuntahan na naman itong anak ko. Akala yata niya ay hindi ko nahahalata na ilang araw na siyang ganyan. Umuuwi na parang nagsaka lang sa bukid samantalang andito naman kami sa siyudad. Kinatok ko siya sa kanyang kwarto at hindi nga ako nagkamali.

“Kyle san ka naman bang lupalop nagsusuot, nanlilimahid itong damit mo ah. Mahihirapan na naman akong magtanggal ng mantsa nito.Hindi na nga ako matapos-tapos sa mga nilalabhan ko…
“Nay, ako na lang….”
“Inuulit ko rin naman yang nilalabhan mo, nagsasayang ka lang ng tubig. Tumigil-tigil ka na diyan sa ginawa mo at ako’y nakukunsumi na”

Bago pa lumabas ay napansin ko ang bulaklak sa bag ni Kyle, napailing na lamang ako.

“Unahin mo muna yang pag-aaral mo, hindi yang mga babae. Makakapaghintay yan. Lumabas ka na diyan, lalamig yung pagkain. Mamaya na tayo mag-usap”

Ibinabad ko muna ang damit ni Kyle at pinapatuloy ang pagkusot ng damit nila Aling Guada. Nagbibinata na si Kyle, mukhang may napupusuan siyang dalagita. Naiintindihan ko naman na lahat ay dumadaan dito kaya lang parang gusto kong maiyak tuwing nakikita ko siyang pagod na pagod at maruming marumi ang kasuotan. Isa pa, nag-aalala na rin ako na baka mapabayaan niya ang kanyang pag-aaral.

Kung hindi pa ako napadaan sa shop ni Kadyo nung isang araw ay hindi ko malalaman na madalas palang tumambay dito si Kyle.

“Marissa, kilala mo na ba yung napupusuan ng anak mo ha.”
“Ano yun Kadyo?”
“ ‘Kako mukhang inlab yang anak mo. Aba’y nagprisintang tumulong dito sa shop ko eh. May sosorpresahin daw siya. Natuwa naman ako kaya pinayagan ko na. Aba, ay masipag din yang isa mo ano?”
“Kanya naman pala pag umuwi laging madumi ang damit. Mapagsabihan nga. Sige mauuna na ako Kadyo.”
“Naku Marissa hayaan mo na yung anak mo at nagbibinata. Maigi nga’t pinagttrabahuhan yung pambigay niya sa nililigawan”

Pakiramdam ko tuloy, kulang pa itong ginagawa ko para sa kanya. Wala naman kasi akong ibang alam gawin kundi ang maglabada. Ito lang ang bumuhay sa amin noon nila Inay. Kaya hangga’t kaya ko, tatanggap ako ng labada para lang mapagtapos ko si Kyle. Kung sana nakakaangat lang kami, ako na lang ang magbibigay ng panregalo niya sa kanyang nililigawan. Hindi yung magttrabaho pa siya sa vulcanizing shop para lang matugunan ang pangangailangan na ito.

Pagkatapos kong maglaba ay tinawag ko na si Kyle.

“Kyle, pumunta ka muna dito. Tulungan mo kong mag-sampay.”

“Saglit lang ‘nay may tinatapos lang po ako.”

“Tulungan mo muna ako dito, pag hindi ka bumangon diyan hindi ka na makakabalik kina Kadyo”

Mabilis pa sa kidlat na dumating si Kyle. Hindi na ako muling umimik at nagpatuloy sa pagsasampay ng damit.

“Alam niyo na po ‘Nay?”

“Makakapagsikreto ka ba naman sa akin ha, Kyle?”

Napansin kong namula si Kyle.

“Wala naman masama dun anak. Normal lang yun sa nagbibinatang tulad mo.”

“Nay…”

“Teka sino ba itong nililigawan mo ha anak?”

“Espesyal na tao lang po .Wala po yun ‘nay..”

“Anong wala, e sinabi sa akin ni Kadyo na may sosorpresahin ka daw kaya ka tumutulong doon.”

Napakamot na lang sa ulo si Kyle. “Ang ingay talaga ni Mang Kadyo”

“Basta anak ipangako mo lang na hindi mo pababayaan ang pag-aaral mo ha. Tsaka kung kinukulang ka, magsabi ka na lang sa akin baka magawan natin ng paraan. Marami namang gustong magpalaba diyan. Sige na tapusin mo nang mga ginagawa mo sa loob at baka makatanggap ng lantang bulaklak yung nililigawan mo.”

Inayos ko muna ang mga ginamit ko sa paglalaba bago tuluyang pumasok sa aming bahay. Hahakbang pa lamang ako sa may pinto nang biglang namatay ang ilaw. Nagtaka ako dahil hindi naman brownout sa kabilang bahay at sinugurado ko namang bayad na kami sa kuryente.

“Kyle anak, pakibuksan nga yung ilaw. Ano na naman kinukutingting mo diyan? Kyle…. Kyle….”

Walang akong sagot na narinig kaya naman kinapa ko na lamang ang daan hanggang makapasok ako ng bahay para buksan ang ilaw. Pagdating ko sa may kusina, ay napansin ko ang ilaw na nagmumula sa maliliit na kandila na nakatusok sa isang cake. Mula sa aking likuran ay biglang sumulpot si Kyle dala ang bulaklak na nakita ko kanina.

“Happy Valentine's Day po. Nay, pasensya na po kayo ha, ito lang nakayanan ko. Kaunti lang po kasi naging kostumer namin nila Mang Kadyo sa shop. Huwag po kayong mag-alala nakausap ko na po si Aling Gina, pupunta daw po siya bukas dito. Imamanicure-pedicure daw po niya kayo. ”

Niyakap ko si Kyle. Yung mahigpit na mahigpit. Proud na proud ako sa kanya at sa aking sarili. Hindi ko akalaing mapapalaki ko siya ng ganito. Sobrang saya ko ngayon.Parang lahat ng pagod ko sa paglalaba kanina ay nawala. Naramdaman ko na lang ang pag-agos ng aking mga luha. Ito pala ang pinaghahandaan niya. Ako pala ang sosorpresahin ng anak ko.

Friday, December 17, 2010

SMP: Sa Muling Pagkikita

"Uuwi ka ba ngayong pasko?"

"Hindi po ako sigurado inay, marami po kasi akong tinatapos na trabaho."

"Ilang taon  ka nang hindi umuuwi, nag-aalala na kami ng itay mo sa'yo"

"Nay, huwag po kayong mag-alala hindi naman po ako nagpapabaya dito.Tumatawag naman po ako palagi at tsaka alam niyo naman po na hindi pa natin tapos bayaran yung bahay natin diyan. "

"Anak ang sa amin lang,hindi naman importante yung pinapadala mo. Mas gusto namin na nakikita ka, para napapanatag kami ng iyong itay."

"Sige nay subukan ko na lang pong umuwi, ibaba ko na po ito tinatawag na po ako ng boss ko."

"Sige anak, lagi mong tatandaan mahal ka namin ng itay mo"

"Opo nay mahal ko din po kayo."

Pagkababa ko ng cellphone ay sumakay na ako ng bus. Nasa terminal na ako nang tumawag ang aking inay.Wala sana talaga akong balak umuwi subalit hindi ko na sila matiis. Hindi ko na kayang magpasko na wala sila sa aking tabi. Matapos kong makahanap ng pwesto sa bus ay pumikit ako saglit. Sinusubukan kong matulog subalit parang hindi ako dalawin ng antok. Napatingin na lamang ako sa bintana sabay haplos sa aking tiyan.

"Henry,buntis ako"

"Mica, sinabi ko naman sa'yo na hindi pa ako handang magkapamilya. Sana nag-ingat ka."

"Anong gusto mong gawin ko? Nandito na Henry, bakit hindi na lang natin ituloy? Nagtatrabaho din naman ako ah. Kayang nating buhayin 'to"

"Hindi mo ba nakikita Mica, unti-unti ko nang natutupad ang pangarap ko, ng pamilya ko. Ngayon pa ba ko titigil dahil diyan sa laman ng tiyan mo? Mas kailangan ako ng mga nandito na sa mundo Mica, ikaw mas kailangan ka rin ng mga magulang mo. Gawin mo ang makakabuti para sa kanila, para sa atin."

"What are you suggesting Henry?"

"It's for our own good Mica. We can start a family, pero hindi ngayon."
 
Kahit matagal na, pakiwari ko'y kanina lamang ang usapang iyon. Masakit. Hindi ko matanggap na hindi ako kayang panindigan ni Henry.  Pinagpipilitan pa rin niyang wag nang ituloy ang aking pagbubuntis at dumating sa punto sa pinapili niya ako.Mahal ko si Henry ngunit mahal ko rin ang aming magiging anak. Hindi ko alam kung makakaya kong buhayin ang aming anak na wala siya. Subalit hindi ko rin naman kayang mabuhay kasama ni Henry at palaging iisipin ang ginawa namin sa aming anak. Naulit pa ang mga pagtatalong iyon at sa bandang huli ay nagdesisyon na nga ko.

Muli kong hinaplos ang umimpis kong tiyan.  Hindi ko na pwedeng bawiin ang aking desisyon, bagamat hindi ko rin naman ito pinagsisisihan. Nahiya akong umuwi at magpakita sa aking mga magulang kaya naman pinili kong magtago ng ilang taon at ayusin ang aking buhay. Minsan, sa aking pag-iisa naiisip ko kung mapapatawad pa kaya niya ako, kung naisip pa kaya niya sa sandaling iyon na mahal ko siya. Yung sandaling pinili ko si Henry.

Nakangiti akong napatingin sa salamin habang pinagmamasdan ang pamilyar na lugar na madalas kong daanan. Para akong bumalik sa pagkabata sa sobrang pangungulila sa aking mga magulang.Sabik na sabik ako sa kanila, gusto kong hilahin ang oras para makarating na ako sa amin at sa wakas ay mayakap ko na ang aking mga magulang. Sana sa pagdating kong iyon ay mapatawad nila ako, lalo na't gusto kong ipakilala ang lalaking pinakamamahal ko. Pinagmasdan ko siyang muli. Mahimbing ang kanyang tulog sa aking tabi. Gusto ko man siyang gisingin para ipakita ang tanawin sa labas, hinayaan ko na lang siya na natutulog. Alam kong pinaghahandaan niya rin ang pagkikita nila ng aking mga magulang. Pumikit na rin ako at sinubukan matulog.

"Diversion na po, lumapit na yung mga bababa"

Nagising ako sa sigaw na iyon ng konduktor. Ginising ko na si Henry at sinabing andito na kami. Mabilis niyang inayos ang kanyang sarili. Pagbaba namin sa bus ay sumakay na kami ng tricycle pauwi sa amin . Madilim sa labas ng bahay, subalit sa tahol ng aso ay biglang bumukas ang ilaw sa harapan. Halatang nagulat si inay, umiiyak siyang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahipit.

"Anak, akala ko hindi ka darating. Miss na miss ka na namin."

"Inay,miss ko na rin po kayo"

Matagal kaming magkayap ni inay nang biglang may humigit sa aking kamay.

"Inay, may gusto nga po pala akong ipakilala sa inyo."

"Siya ba ang dahilan sa hindi mo pag-uwi ha anak?"  Nakangiting tanong ng aking ina habang nakatingin kay Henry.

"Opo inay, patawarin niyo po ako.Saka ko na po ikukuwento ang nangyari sa akin sa Maynila. Siyanga po pala Inay si Henry po, ang apo niyo." 

"Lola, Merry Christmas po!"

Tuesday, December 7, 2010

Date with Maui

"Tita, bibili na pala ako ng damit"
"Sige after nating kumain bibili na tayo"

Pag-akyat sa department store, humanap na kami ng damit ng pamangkin ko. Buti na lang isang pilian lang ay nagustuhan niya agad.

Sa loob ng fitting room...


"Tita magkano?"
"4xx"
"Tita may bibilhin pa ko"
"Ano yun?"
"Tita damit pangmayaman"
(Napacartwheel ng 2 beses) "Damit pang mayaman?!?!? San mo nakita?"
"Nadaanan na natin tita kanina, tinuro ko pa nga sa'yo."
"Sige sukat mo muna 'to tapos babalikan natin"


After magfit ng damit, nacurious naman ako sa sinasabi niyang damit. Lakad kami pabalik dun sa nadaanan namin kanina. Maya-maya may kinuha siya sa hanay ng mga damit. 


"Tita eto oh"
(Napatawa naman ako) "A iyan ba? Sige tanong natin kung may size mo"
"Magkano tita"
"4xx"
"Ayun may sukli pa, bibili ako pajamas"

After ulit magfit ng damit, minadali ko na siya kasi dadalaw pa kami sa tita ko sa hospital. Pagdaan naman sa mga infant wear ay may naalala si Maui.


"Tita, wala akong pasalubong kay Charles (kapatid niyang bunso)"
"Ayan oh may take out naman tayo sa KFC"
"E bibilhan ko na lang siya ng damit, pa-11th month gift ko sa kanya. Isoli ko na lang 'tong pajamas ko."
(Tutyal si Maui, parang bawat buwan may gift sa kapatid) "Sige ikaw bahala."

So ayun tumingin kami ng damit. At ang gusto niya din ay "damit pangmayaman" para sa pamangkin kong isa. Hinayaan ko siyang makipag-usap sa sales lady.


"Miss, may iba kayong style"
"Ma'am eto po (may binigay na damit)"
"Meron na niyan si Charles eh"
"Eto po ma'am new arrival po itong mga 'to (tinuro yung iba)"
"Ayoko niyan gusto ko yung may butones sa harap"


Umaandar yung oras kaya naman sumingit na ako sa usapan nila. Nakailang suggest pa kami ng saleslady bago siya makapili ng pinaka-type niyang pasalubong. Binayaran na namin lahat ng binili niya at noong may sukli pang kwarenta pesos nasabi na lang niya:

"Bibili na lang ako ng pencil dito"


Dahil late na at baka hindi na kami papasukin sa ospital, sumakay na lang kami ng tricycle pagdating sa bayan. Habang nasa loob ng tricycle ay nakipagkwentuhan ako kay Maui nang bigla siyang umimik:


"Sayang tita hindi tayo one big happy family"
(Nagulat naman ako sa statement niyang iyon) "O bakit naman?"
"Kasi wala dito sina mama (nanay ko), si lola fe at si tita eli"
"Eh di yung mga nandito na lang, di ba masaya pa rin naman?"
"Hindi pa rin yun, kasi dapat nandito sila. Sabi yun ng teacher ko pag one big happy family daw magkakasama lahat"
(Speechless na ko dun)


Maya-maya...


"Tita kelan lalabas ng ospital si lola?"
"Malapit na yun."
"Eh kelan nga yung malapit na yun?"
(hindi ko rin naman alam kung kelan) "Oh nagtxt na si tita mo, what time ka daw niya susunduin?"
"Ako na lang tetext sa kanya kapag magpapasundo na ko"
"Ok"

Pagdating namin doon ay ibinalita ko sa tita ko na nagshopping galore si maui at pinakita namin sa kanya yung mga damit na pinili niya. Tawang tawa yung tita ko nung pinakita ni maui yung "damit pangmayaman" na sinasabi niya. Tinanong din niya kung kelan si tita makakalabas. Katulad ng sinabi ko, yun din lang ang naitugon ng tito ko "malapit na". Maya-maya dumating na rin ang tita ni Maui at umuwi na rin siya. Siguro after an hour nagpaalam na rin ako sa tita ko para umuwi kasi hindi pa ako nakakapagprepare ng damit pagluwas ko sa Maynila.



****Naisipan kong ipost ang date na ito with my pamangkin dahil sa tagal na hindi ko siya nakita (mga ilang buwan din siguro), napansin ko na malaki na yung pinagbago niya. Dati kasi sobrang spoiled siya at lahat ng magustuhan niya ay gusto niyang makuha or else... Tapos yung conversation namin, kumbaga naglevel up na, mas aware na siya sa mga nangyayari sa paligid and she started to care for others lalo na nung dumating ang kapatid niya. Sobrang tuwa lang siguro ako na I had this special moment with her or maybe dahil din narealize ko na tumatanda na nga talaga ako. LOL Anyways, eto nga pala pics namin at yung sinasabi niya na damit pangmayaman :)




Meet Maui :D




Eto pala yung "damit pangmayaman", isang set pala ng pantulog (at dapat talagang  de-butones ang pang-itaas)















Thursday, November 4, 2010

Sa Wakas... ^_^

My, gusto mo hanapin natin papa mo?

Oo naman. Paano?

Gawa tayo ng account sa FB tapos lagay natin na hinahanap natin siya.

Eh makikita niya ba yun? Tsaka wag na nakakahiya.

Anong nakakahiya dun? Malay mo di ba makita natin.

Nakakahiya kasi baka makita ni mama.

Nge, e malay mo matuwa pa si mama na hinahanap mo papa mo.

....sige ikaw bahala



So ayun dun nga nagsimula ang kwento ng paghahanap namin sa papa ko. Dahil sa kakulitan ng aking bf ay nagcreate siya ng account para sa papa ko at ibinalandra ang picture na nahukay ko sa aming bahay. Eto yun oh:





Sa totoo lang, parang skeptic talaga ako sa planong niyang ito. O sige nega na kung nega, pero kasi di ba parang yung napapanood lang sa tv ang nagkakatotoo. Pangalawa, iniisip ko kasi na baka magalit ang mama ko, di ba napalaki naman niya akong mag-isa bakit kailangan ko pang maghanap. Pangatlo, hmmmm ano nga bang pangatlo?? Basta negative talaga ang vibes ko sa plano niyang ito. Pero dahil makulet ever ay si bf pa rin ang nasunod. Nakita ng family ko ang account na yun pero taliwas sa inaasahan hindi nagalit si mama. :D


Mga ilang linggo pa lang nakabalandra ang account ni papa ay meron na agad nagreply. Siyempre ibinalita agad ito sa akin ni bf at chineck namin ang message ni ate. Kinulit ako ni bf na replyan ang gurlalu. Pero sabi ko check ko muna ang profile niya at baka bogus acct lang ito. So chineck ko naman, ayun medyo nag-alangan ako kasi parang wala naman siyang connect kahit kanino na nasa Pinas. Sabi ko ke bf wag na lang replyan kasi mukhang naligaw lang siya sa profile ni papa. So ayun back to zero kami. Napapaisip talaga ako na tanggalin na yun kasi parang suntok sa buwan ang ginagawa namin. Sa dami kasi ng naghahanap sa mga family nila na nawawala parang imposible talaga na matagpuan ko pa ang papa ko.


Siguro ilang buwan na yun at parang tanggap ko na rin na mukhang tanga lang yung ginawa namin. Parang sinabi ko na lang sa sarili ko na kung nasan man ang papa ko ngayon, sana masaya na lang siya. So ayun, hindi na namin ito masyadong napapag-usapan ni bf pero hindi pa rin namin dineactivate ang kanyang account.

Mga ilang linggo pa ang sumunod nang may nagmessage ulit sa account ni papa. Kilala daw niya ito. Nabuhayan ulit ako ng loob kasi  nung chineck namin ang profile ni ate , same lang ang location nila ni papa. Pero after nung message niyang iyon, hindi na nasundan. So ayun mega antay lang kami kung magpaparamdam pa ba siya.


NOV 3, 2010 - Habang nasa ospital ay nagtext si bf, sabi niya nagtext daw sa kanya kagabi yung nagsabi na kilala si papa. Kaya lang walang atang load si bf o tulog na kaya hindi na niya nareplyan. Mayamaya pa, nagtext ulit si bf at sinabing katext na daw niya ang papa ko. Ako naman itong si ate nega ay hindi pa rin naniniwala. Binigay ni bf ang number ko at binigay din naman sa akin ang number ng sinasabi niyang papa ko. Wala akong ginawa kasi hindi pa nga ako naniniwala pero sinave ko na rin ang number niya at nakalagay na pangalan niya doon ay papa.Tapos bigla siyang tumatawag. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya hinayaan ko na lang magring ng magring. Actually natatakot akong makausap siya. Hindi ko alam ang sasabihin ko  at isa pa hindi pa nga kasi ako sigurado na siya na nga yun. After ng missed call ay nagtext siya at nagpapakilala na siya nga daw ang papa ko. Ako naman na duda pa, nagreply na paano niya mapapatunayan na siya nga papa ko. Ayun sabi niya may picture daw ako sa kanya yung buhat buhat niya ako. Tapos itanong ko pa daw sa mama ko. Nung sinabi niya iyon biglang pumasok sa isip ko yung picture na sinsabi niya. Ito kaya yun?:




Hindi pa rin ako naniniwala. Ewan ko ba siguro marami lang akong napapanood sa tv na mga naloloko sa ganito. Naisip ko isang tao lang naman ang pwedeng makapagpatunay kung siya nga papa ko. Si mama. So tinext ko siya at ibinigay ang number, sabi ko tawagan niya para maconfirm kung totoo nga. Nagreply agad si mama, sabi out of coverage area daw try niya daw ulit (sorry mama kung nagising kita ng maagap, 3am lang kasi sa Italy nung nagtext ako). Naisip ko, o tignan mo di na makontak, for sure di yun totoo.

Mayamaya pati si ate nakikigulo na. Ito palang si bf ay ibinalita rin kay ate ang mga kaganapan at ibinigay din ang number. Ayun tinawagan pala ni ate at nung tumawag sa akin ay confirmed daw na yun ang papa ko. Sabi ko saka ako maniniwala pag si mama na ang nagconfirm. hahaha sori naman nanninigurado lang.


So ayun, mayamaya tumwag na si mama, confirmed na daw. Sabi ko paano niya nasabi. Sabi niya, siyempre sa boses at yung iba pang details about sa family. Sabi nga ni mama bakit hindi ko daw sinasagot yung tawag ni papa. Sabi ko hindi ko naman alam sasabihin ko. Anong pag-uusapan namin di ba?


Buong umaga kinulit nila akong lahat (bf, ate, mama, tita) na sagutin ko daw ang tawag ni papa.Si ate nga napaiyak pa kasi daw ang saya-saya niya para sa amin ng papa ko. Pero hindi ko naman masagot kasi hindi na tumawag ulit. Buti na lang nakatext ko pa si papa. Sabi niya sa gabi na lang daw siya tatawag dahil lobatt na (chinika kasi ng tita ko, sobrang naexcite tinawagan si papa).


Pagdating ko sa bahay, inisip ko kung anong sasabihin ko sa tatay ko. Paano ba kami mag-uusap ng walang dead air. At isa pa anong pag-uusapan namin. Narealize ko  pati kung bakit kanina hindi ako naniniwala. Natatakot pala ako. Naisip ko kasi na paano kung hindi pala siya yun, masasaktan lang ako. Pero ngayon na totoo na nga, kailangan ko ng harapin.Kumain muna ako siyempre, alam mo na mag-iipon ng lakas. Tapos ayun, sa hinahaba haba ng araw e nakausap ko din ang tatay ko. Getting to know stage ang nangyari, basta secret na lang kung anong napag-usapan namin :)

Salamat kung nakaabot kang magbasa hanggang dito sa part na ito. Gusto ko lang kasing ikwento kung papano ko nakilala ang tatay ko. Biruin mo yun after 24 years, nakausap ko ang tatay ko. Nagpapasalamat ako na kahit palagi akong duda, ay nandiyan pa rin si bf na kumokontra sa akin. Dahil sa kanyang kakulitan at pagiging positive sa lahat ng bagay, ayan nakilala ko na ang tatay ko.Kina mama, ate at tita na nagconfirm na hindi na ako nananaginip, na talagang nahanap ko na siya thank you talaga. At sa INYO po, maraming salamat kasi nadinig niyo po yung pinapanalagin ko matagal na.

Masayang masaya ako ngayon. Lalo na siguro kapag nagkita na kami. Hayaan niyo po, mag-iipon na ako ng pamasahe parang naman makabisita na ako diyan sa Bohol. Nga pala, eto picture ng tatay ko pinadala niya kanina. Pogi pa rin di ba? :)






YEHEY!! SA WAKAS, MAY TATAY NA 'KO!!




Monday, October 11, 2010

Penpal


Mag-isa ako noon sa pwesto sa bus. Kahit nahihiya, hindi mapigilan ng aking mga mata na lumuha. Inaliw ko na lamang ang aking sarili sa mga natatanaw ko sa bintana.Napakabilis ng byahe, hindi tulad kanina na gapang pagong ang eksena ng mga sasakyan. Narating ko ang Cubao, at nagsimulang maglakad upang makauwi sa aking tinutuluyan nang marinig ko ang pagtunog ng aking telepono. Unknown ang numero na lumabas, subalit lalo itong nakapag paiyak sa akin. Hindi ko na ininda kung sino ang nakakakita, dahil alam ko pagsagot ko ng telepono kong iyon, iisa lang ang magsasalita sa kabilang linya. Ang aking penpal.

Alam niyo kasi bago nauso ang mIRC, ym at skype e may nakahiligan akong gawin at yun ang naging daan para magkakilala kami ni penpal. Mahilig akong magtupi ng papel, hindi yung basta-bastang papel lang ha. Yung mabango na parang nakakahilo ang amoy at syempre sa papel na iyon ay madaming kwento na nakasulat. Si penpal lang ata ang nagtyaga at nakasaksi sa pagdevelop ng aking handwriting. Madami akong kwento sa kanya, madalas ay tungkol sa school at sa mga nakikilala ko. Hindi naman siya nagsasawa na basahin iyon, palagi niya pa nga akong pinapayuhan at may bonus pang sweet nothings sa hulihan ng sulat.  Nung una hindi ko alam kung dapat ko bang sagutin yung mga paglalambing niya dahil hindi ko pa naman siya nakikita Pero dahil baka hindi na siya sumulat kaya sinasagot ko na rin. Matagal din kami na ganun. Palitan ng nararamdaman sa pamamagitan ng mga letra at salita. Laging may pagbati sa mga okasyon na dumadaan sa kalendaryo.Nga pala, nakita ko na siya sa picture, in fairness maitsura siya. Sabi nga ng iba para daw kaming magkamukha. Pero siyempre dahil iba rin naman sa picture, tinanong ko siya kung kelan kami magkikita. Ang lagi niya lang sinasabi ay malapit na.

At last dumating din ang araw na pinakahihintay ko, makikilala ko na siya sa personal. Excited na excited ako, alam mo yun yung parang masusuka ka na at sobrang lakas ng tibok ng puso mo. Ganun ang pakiramdam ko sa mga oras na yun buti na lang sinuportahan ako nang aking pamilya at sinamahan nila ako sa airport kung hindi baka nagcollapse na ako. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin o iakto sa kanyang harapan. Para bang gusto kong bumalik sa sasakyan at isulat na lang na masayang masaya ako sa kanyang pagdating. Maya-maya pa ay sumigaw na ang tita ko, andito na pala si penpal. Andito na ang mama ko.

Masaya ako subalit hindi pala magiging ganun kadali ang lahat. Akala ko para pa rin kaming nagsusulatan sa isa’t isa, simpleng magpenpal. Subalit mas komplikado pala kapag nagkasama na kaming mag-ina. Noong una, ingat na ingat ako sa aking kilos at mga salita. Nakikita ko kasi yung reaksyon niya, parang natatakot ako na hindi siya matawa sa mga kwento ko o kaya naman magalit siya kung may ginawa akong kalokohan. Highschool pa naman ako noon. Medyo napapabarkada at nais subukan ang lahat ng makitang bago sa paningin.

Minsang nagkamali, inasahan ko na makakarinig ako ng sermon o dili kaya nama’y malalatayan ang aking mga hita. Subalit wala man lang nangyari sa dalawa. Tinanong lang niya ako na para bang nirereverse psychology. Hinayaan lang niya akong nakahiga at mag-isip. Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot kasi iniisip ko bakit yung iba konting mali lang inuulan na ng sermon at palo. Bakit ako yun lang? Pagtagal-tagal naintindihan ko din siya. Effective nga naman, mas natatakot akong gumawa ng mali kasi alam kong wala namang dahilan para magrebelde. Kakaiba rin itong penpal ko, wais. :-D  

Marami kaming nabuong alaala sa bahay na kasama ko siya. Pareho kaming tahimik subalit nakahanap kami ng paraan para magkalapit. May mga bagay na idinadaan ko pa rin sa sulat pero sinubukan ko rin naman na magkausap kami. Magsisimula sa simpleng kwentuhan na hahantong sa pagsasabi ko sa kanya ng aking mga problema at mga nangyayari sa akin sa labas ng aming bahay. Siya naman ay magkkwento rin ng mga pangyayari sa buhay niya at kung anu-ano ring kalokohan nung highschool pa siya. Para kaming naging magkapatid. Walang mga sikreto at parehong kinikilig sa buhay pag-ibig. Napakasaya ng bawat sandaling iyon. Parang nabura na sa aking puso si penpal at may pumalit na sa kanyang lugar. Ang aking mama.

Akala ko habambuhay na kaming ganoon. Na sa kanyang pagtanda ay magkakasama kami. Hindi pala. Dumating ang panahon na kailangan naming maghiwa-hiwalay.Nagkaroon ng problema na sumubok sa amin at ang nagsilbing haligi ng aming tahanan ay bumigay. Dagdag pa dito, nagkapamilya na ang aking kapatid at nagtrabaho naman ako dito sa Maynila. Naramdaman ko ang naranasan niya nung nasa ibang bansa pa siya. Yung gugustuhin mong umuwi pero hindi pwede kasi magastos, kasi kailangan mong magtipid para sa Pasko ay may maiiuwi ka sa iyong pamilya. Yung titiisin mo na hindi makapunta sa mga espesyal na okasyon ng iyong pamilya kasi tatama sa araw na may trabaho, na babawi ka na lang sa susunod. Yung alam mo na may dinaramdam ang isang miyembro ng pamilya ngunit idinadaan mo na lang sa iyak at dasal kasi may mas magagawa ka kapag magkakalayo kayo.  Ilang buwan din kaming ganito at nag-aadjust sa bagong set up nang magdecide ang aking mama na umalis muli. Bumalik sa ibang bansa hindi para magtrabaho kundi para magpagaling at magpahinga. Yun kasi ang mas makakabuti, yung malayo siya, malimutan ang lahat ng nangyari.

Araw ng kanyang pag-alis, naghalfday ako sa aking trabaho. Inisip kong aabot naman siguro ako dahil gabi pa ang kanyang flight.Ngunit nagsungit ang tadhana sa akin, naging mabagal ang andar ng mga sasakyan. Nang makarating ako sa airport, wala na siya. Umuwi akong hindi man lang siya nayayakap at nasabihang maghihintay muli ako sa kanya.Kaya naman ng tumunog ang aking telepono pagbaba ko sa bus, hindi ko na napigilang umiyak.
             Oo, talagang iniyakan ko ang tawag na iyon.Maraming bagay ang pumasok sa aking isipan. Na sana umabsent na lang ako. Na sana naiparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Na sana ganon kadali malimutan ang masasamang pangyayari para hindi na lang niya kinailangang umalis. Na sana hindi na lang dumating ang mga taong sumira sa masaya naming pamilya para hindi kami ganito. Magkalayo. Ang tagal na panahon bago kami nagkakilala tapos sa isang iglap magkakahiwalay na naman.  

             Tinanong niya kung nasaan ako. Sabi ko naglalakad pauwi. Sabi niya, pasensya na daw at hindi ako nakaabot. Hindi na daw kasi sila pinalabas after magcheck-in ng luggage. Natahimik kami. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko sa kanya. Tapos sabi niya baka naman daw mag-asawa na ako, wag daw muna. Napaiyak lalo ako. Siyempre pag dumating yung part ng yun ng buhay ko gusto ko kasama ko siya. Madami pa kaming napag-usapan pero hindi ko na maalala  ang tangi ko na lang naalala ay ang pangako niya. Pangako na sa tamang panahon ay uuwi siya at magkakasama-sama na kami ulit.. Panghahawakan ko ang pangako niyang iyon, kaya ko namang mag-intay katulad ng pag-aantay na ginawa ko noon. Para lamang makilala ang aking penpal. Ang aking mama.


***

            Mag-iisang taon na siyang nasa Italy. Hindi pa rin naman kami nawawalan ng komunikasyon. Bagamat hindi na sa paraan na aming nasimulan, yung nagsusulatan, mas naging madali sa amin na maging magkatawagan naman. Atleast doon, naririnig ko ang kanyang tinig. Nararamdaman kong unti-unti na siyang nagiging handa sa kanyang pagbabalik. Sana hindi na magtagal, sabik na kasi ako sa kanya. At kapag dumating ang araw na iyon, hindi na ako malalate. Hindi ko na palalampasin ang araw na iyon. Paghahandaan ko na ang pagbabalik ng aking mama. Ng pansamantalang phonepal ko.








Thursday, September 23, 2010

Tanti Auguri Mama!

Mama,

     Haberday mama!! Anong handa natin dyan??Pag may natira, wag po akong kalimutan ha? hehe Nakow sayang naman wala u here, i thought of buying u pa naman ng walang kamatayan na duster at sandals. Remember, ito ang madalas kong bilhin para sa'yo? Don't think na tinitipid kita, alam mo naman kung gaano ka kaselan sa mga gifts.hahahaha  Kaya naman palagi akong on the look-out sa mga nagugustuhan mong items para swak na swak, makikita kong masaya ka. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung anong trip u, alam mo naman ur there, i'm here..so layo.

    Miss ko po kayo. Sana by next year, magkakasama na tayo ulit. Para macelebrate na natin yung mga ganitong klaseng okasyon na magkakasama. Actually namimiss ko na po kasi ang lasagna niyo at idamay niyo na po yung grilled porkchop, monggo with talong, breaded lomo at baked mussels, baked chicken with potatoes,pacham at marami pa pong iba na hilig niyong ihain sa amin. Miss ko na kapag pinapagalitan niyo ako kasi i'm so very messy in the kitchen, at kapag palpak ang lumalabas sa oven tuwing nagtatangka akong magbake. Haist sa kitchen pa lang natin sa bahay ang dami ko nang namimiss sa inyo.Paano pa kaya kapag inisa-isa ko na yung bawat sulok ng bahay natin. So daming memories, hindi kasya here sa post ko.  :(

  Ano beh so arte ko naman today. Nagbabakasali lang naman po na macurious kayo na alamin kung anong nangyari sa bunso niyo at maisipang umuwi. Nakow, I'm sure happy happy na ulit us kapag nangyari yun lalo na at may makulit na batutang napadagdag sa family. Hindi na tayo all-girls, may maton na sa family. At sana someday, kapag may nabighani po sa kagandahan ng inyong paboritong anak, ay madadagdagan pa ang mga tsikiting sa bahay. :D

  Kaya naman po habang magkalayo pa tayo,  ito po muna ang regalo ko sa inyo:
  
  


 
  Sa ngayon po picture pa lang yan, pero malapit na rin yan. heheh Sana...

HAPPY BIRTHDAY MAMA!

I LOVE YOU 



                                                                                                                       Mutya


P.S. 

  May gusto pong humabol ng pagbati sa inyo :)





 Pati sila...


 



   

Saturday, July 24, 2010

Reunion

Mag-isa akong pumasok ng kwarto. Maaga pa subalit parang gusto ko na agad magpahinga. Pabagsak akong humiga sa kama na parang ginagaya ang isang komersyal noon sa tv. Ang kaibahan nga lang pagal na pagal ang aking katawan at ramdam na ramdam ko ito sa paglapat pa lang ng aking ulo sa unan. Tila hinihele ako ng mga tubig na pumapatak sa bubungan, musikang nag-aanyaya sa isang masarap na pagtulog. Unti-unti na akong naiidlip nang malanghap ko ang simoy na palaging nakakapagpatindig ng aking balahibo. Subalit iba ang araw na ito. Pagod ako.

Dad...

Hmmm...

Wala akong balak sumagot subalit automatic na ata na kapag naglambing si Helena, iyon ang aking itinutugon. Naramdaman ko ang pagsampa niya sa kama. Nagkuwanri akong humikab at bumaling patalikod sa kanya. Wala pang ilang segundo, ay nakapulupot na siya sa akin.

Dad... ang lamig noh?

May bagong kumot akong nilabas diyan, nasa ilalim ata ng unan baka hindi mo lang napansin.

Hmmm.. parang human blanket gusto ko dad.

Matagal akong hindi nakasagot sa tinuran niyang iyon. Hindi dahil sa antok kundi dahil sa may pinipigil akong mabuhay sa aking katawan.

Maaga pa tayo bukas Helena. May reunion kayo di ba?

Oo nga.. e tayo ba dad kelan magkakaroon ng reunion?

Ha?

Si dad nabibingi..R-E-U-N-I-O-N ...reunion!

Narinig kita Helena..

Ows?

Oo nga di ba ang sabi mo 'R-E-U-N-I-O-N ...reunion!'

Sus mukhang hindi eh..teka nga tignan ko baka may nakaharang...

Nakaharang sa....

Bago ko pa matapos ang aking sinasabi naramdaman ko na ang malalim na paghinga niya sa aking mga tenga. Nasmistulang kendi ang aking mga tenga sa kanyang ginawa at para naman akong ice cream na natutunaw sa init na dulot ng pagdampi ng kanyang mga dila.

Helena...Alam mo naman mainipin sina Mama baka malate tayo bukas...

Dad... ako rin hindi na makapaghintay...

Unti unting bumaba ang kanyang mga labi, ang kanyang mga halik ay tumutulay pababa sa aking mga balikat, sa aking batok, sa aking likod...

Pagod ako Helena matulog ka na...

Ang KJ mo Dad, reunion lang ayaw pa...malamig pa naman...

Bigla niya akong naitulak at kahit hindi naman ganun kalakas ay nalaglag ako sa kama. Dala ng sobrang pagod ay madaling nag-init ang aking ulo.

Ano ka ba naman Helena, pagod na nga yung tao tapos ilalaglag mo pa. Pwede bang sa ibang araw na yang sinasabi mong reunion, alam mo naman tambak yung nilabhan ko kanina. Kundangan naman kasi...

ANO? Na hindi ako marunong maglaba? Aba Mr. Policarpio Marquez, mamili ka, ako ang maglalaba o may maisusuot kang damit araw-araw? Buti nga hindi nahawaan ng kulay yung polo mo nung sumubok akong maglaba. Malay ko ba naman na humahawa pala ng kulay yung isang bra ko. Sana kasi katulong na lang ang pinakasalan mo!!!

Sabay talikod niya sa akin at humalukipkip sa gilid ng kama. Ayos talaga ako na nga ang naglaba at nalaglag sa kama, ako pa ngayon ang masama. Nag-antay pa ako ng ilang minuto sa sunod niyang tirada subalit wala na akong narinig bagkus umayos lang siya ng higa sa kama. Pambihira talaga 'tong misis ko. Hindi ko maintindihan kung nagagalit o sadya lang nanggagalit sa pwesto niyang iyon. Halos makita ko na ang kanyang....*&^%&^#$ nasisilip ko na nga!! Parang instant na nawala ang kaninang nararamdaman kong pagod at naghahanap na muli ng papagod sa aking katawan. Umupo ako sa gilid ng kama malapit sa kanya.

Ma....

O bakit?

Ummmm...

Abay, ang tagal mo namang magsalita diyan, inaantok na ko.

Mukhang may nalimutan kang isuot, alam ko na kung bakit nilalamig ka.

E ano naman ngayon sa'yo? Nakita ko na yung kumot...

Manipis ata yung kumot na nakuha ko, gusto mong palitan ko?

E di palitan mo...

Talaga? Papalitan ko??

Bingi talaga...OO NGA PO PALIT...

Mabilis na gumapang ang aking mga kamay upang kumutan ang kaninang naghuhumiyaw lumabas.

Dad... ano bang ginagawa mo?

Lumambot na ang kanyang mga tinig. Parang ang kaninang galit at unti-unti nang naglalambing.

Di ba sabi mo palitan ko yung kumot. O eto na pinalitan ko na. Ako muna ang kapalit. :D

Hindi ko na inantay ang kanyang sunod na itutugon. Automatic nang tinungo ng aking mga kamay ang kanilang destinasyon at gumalaw na ang aking katawan upang maging ganap na human blanket ng aking misis. Kasabay ng malakas na ulan ay ang pag-ingit ng aming higaan habang nakikipagpaligsahan naman ang mga dagundong ng kulog sa mga impit naming tinig na unti-unting nagiging sigaw. Ilang reunion din ang naganap nang tuluyan nang bumigay ang nanghahapo naming katawan.

Bago pa man ako tuluyang mawalan ng ulirat ay muling yumakap si Helena.

Dad...

Knocked out na Ma, hindi na makakatayo...

Hindi yun dad...may nalimutan ka ata...

Anu yun Ma?

Alas-kwatro na, magluluto ka pa ng dadalhin natin mamaya.

Wednesday, April 21, 2010

Sorry na...Please




“Tsk tsk, sino na naman kaya nangialam ng gamit ko.
Pati stationary ko pinakialaman oh. Pambihira paborito ko pa naman yun”


Salubong na ang mga kilay ni ate habang nag-iikot sa kwarto hanap-hanap ang nawawala niyang stationary. Sinasadya niya atang lakasan ang kanyang boses para marinig naming magpipinsan. Nagkakatinginan lang kami, yung parang nagtatanong sa isa’t isa kung sino ang salarin. Pero sigurado akong wala sa kanila ang aamin. Paano ba naman wala naman sa kanila ang kumuha. Dahil ako, ang nag-iisang kapatid at bunso ng ate ang siyang pasikretong umumit ng stationary niyang mabango.

Maganda ang stationary na iyon. May nakadrawing na pusong pula sa pagitan ng isang boy at girl. Feeling ko inlove sila sa isa’t isa. Tapos may nakasulat yata sa bandang itaas. Hindi ko nga maintindihan kasi parang stick lang na pinagdikit dikit o pinagpatong patong yung nakalagay. Bagay na bagay kasi kapag susulatan ko na ang crush kong si Darwin dahil kamukha ko yung babae sa papel. Para atleast pagkabigay ko kay Darwin lagi niya kong makikita sa stationary na yun. Kinikilig na tuloy ako kahit hindi ko pa nasisimulan yung sulat ko. Actually, nag iisa na lang ‘yun kaya nga kinuha ko na. Mukha namang makakalimutan na ni ate yun, last piece na nga di ba? Pwede ulit siya bumili ng bago.


“Sino ba kasi sa inyo ang kumuha nung stationary ko. Bakit hindi pa umamin. Nakakaasar e. Isusumbong ko kayo kay tita”

Wala pa ring natinag sa aming magpipinsan. Tuloy pa rin kami sa paglalaro ng bahay-bahayan. Mukhang walang naniniwala sa panakot ng ate ko. Palibhasa nasanay na kasi kaming si ate pa ang nasasabihan ng napakakalat kaya nawawalan ng gamit. Sa isang banda nakokonsensiya na ko habang pinapanuod ko si ateng naghahalungkat ng mga gamit niya. Kaya lang ayokong umamin baka kunin niya ulit sa akin yun. Medyo kinakabahan na nga ako kasi baka maghalungkat naman siya sa mga gamit namin. Patay, baka hindi na maamoy ni Darwin ang mabangong stationary ko. Buti na lang tinawag na kami ni tita para maghapunan.

Ate: Tita …
Tita C: O bakit?
Ate: Tita yung stationary ko po nawawala. May kumuha po sigurado nun sa mga ‘to
Tita C: Ang hilig mong magbintang, napakakalat mo kasi kaya hindi mo alam kung saan mo nilalagay.
Ate: E nawawala naman po talaga e. Hinanap ko na sa kwarto. Wala talaga.
Tita C: Hay naku kumain ka na nga lang. Bumili ka na lang ng panibago
Ate: Paborito ko nga po yun. (Nagmamaktol sabay tingin sa amin) Hay naku kung sino man kumuha ng stationary ko, pagdadasal ko na dalawin ng mumu at tsaka…
Tita C: Immaculada, tumigil ka na nga. Alam mo namang matatakutin yang mga yan, mapapalo kita eh
Ate: Basta! Malalaman ko kung sino kumuha nun mamayang gabi… awooooohh (sabay tawa)

Naku po. Sa lahat ng ipapanalangin ng ate ko, multo pa ang naisip niya. Ok lang sana kung mapaihi sa kama kasi pwede ko namang itago yung salwal ko pagkagising. Pero multo??? Siguradong hindi ako makakatulog nito. Isipin pa lang na mamaya may lalapit sa akin na babaeng nakalutang, pinaninindigan na agad ako ng balahibo.

Bigla akong nawalan ng gana sa pagkain. Sayang paborito ko pa namang munggo ang ulam. Umiiyak akong pumasok sa kwarto at inilabas ang stationary na inumit ko. Sorry Darwin ha, hindi mo malalaman na crush kita. Sana maging magkakklase na lang tayo sa susunod na pasukan. Hayaan mo tita ko naman ang titser, sasabihin kong gawin tayong magkagrupo. Pero teka paano ko ito isosoli kay ate? Kailangan maisoli ko na ito sa kanya bago kami humiga. Baka maipanalangin pa niya, natatakot na ako ngayon pa lang.

Naisipan kong gumawa ng sulat:

Dear Ate,

Sori, ako yung kumuha ng stationary mo. Sana mapatawad mo ako. At sana wag mo nang ipanalangin na dalawin ako ng multo. Ibabalik ko na naman sa’yo. Please. I Love you.

Love,

Mutya


Habang nanonood siya ng tv ay dali-dali kong tinapon sa harap niya ang sulat at nagtalukbong na ako ng kumot sa kwarto pagkasara ng pinto. Nag-antay ako ng sisigaw pero wala akong narinig. Pinakiramdaman ko kung may lalapit pero walang yabag ng paa o anumang kaluskos. Maya-maya biglang bumukas ang pinto, pero wala pa rin nagsasalita. Natatakot na ko, baka maagap nagdasal si ate ah. Nalate yata ako sa pag - amin. Katapusan ko na.


“Nagbigay na ko ng sulat kay ate, umalis ka na. Patulugin mo na ko. Maawa ka. Ibabalik ko na yung stationary niya” Umiiyak na ko nito kasi feeling ko lalapit na siya. Hindi nga ako nagkamali, lumapit nga siya. Nagsisigaw ako habang umiiyak, kasi naman eh, isosoli ko na naman.


“Sa susunod kasi magsasabi ka, ibibigay ko naman sa’yo ‘yun eh. Tignan mo tuloy natakot ka pa”

Pahikbi-hikbi pa rin akong nakatalukbong ng kumot kahit alam kong si ate na yun. Nakakahiya kasi, bistado na. Inantay ko pa ang kanyang susunod na sermon, pero sa halip niyakap niya ako at hinalikan sa noo. Matagal ding ganon ang itsura namin nang bumulong siya:


“Sa’yo na yung stationary ko, kunin mo na rin yung sobre na natitira. Huwag mong kalimutan dikitan ng sticker ha. Balitaan mo ako kung anong sasabihin ni Darwin.”


***** Para sa kapatid ko, alam kong pamilyar sa'yo ang istoryang ito. :P Ate Dimple Happy Birthday!!! I Love you!!! Mwaaaaaaaaaah

Thursday, April 15, 2010

Napahimbing

Malamig ang umaga. Sumiksik ako sa iyong tabi subalit wala akong naramdamang init bagkus isang unan lamang ang napuluputan ng aking mga bisig. Pimilit kong imulat ang aking mga mata, nakita kong maayos na nakatiklop ang ating kumot at wala ka na. Alas kwatro pa lang iyon ng umaga, nakakapagtakang maagap ka ngayon gumising. Bumaba na ako upang magtimpla ng kape nang makita kitang mahimbing na natutulog sa sofa. Ginigising kita para palipatin sa kwarto, pero pagkakita mo sa akin tinalikuran mo lang ako. Nakupo, mukhang masisimulan ang umaga ko nito a. Ano na naman kaya ang nagawa ko?

Hindi ka nagsasalita habang nag uumagahan tayo. Actually OA naman kapag sinabi kong hindi ka nagsalita. Parang ganito lang naman tayo kanina:


Ako: Ba’t sa sofa ka nga pala natulog kanina?

Ikaw: Wala lang.

Ako: Galit ka ba?

Ikaw: Hindi.

Ako: E bakit nga?

Ikaw: Ewan ko. Ikaw baka alam mo kung bakit.


Konting katahimikan.


Ako: Ang sarap ng kape mo ah.

Ikaw: (kibit balikat)

Ako: Siyanga pala restday ko ngayon. Pinayagan ako ni Boss ng dalawang araw na pahinga. Anong gusto mong gawin? Gusto mo lumabas? Manood ng sine? Mamasyal sa mall?

Ikaw: Ayoko.

Ako: Mahal, galit ka ba? (sabay hawak sa kamay mo)

Ikaw: Hindi sabi. (sabay tanggal ng kamay mo)


Akala ko nag cool down ka na nung tanghalian kasi habang niluluto mo ang paborito kong humba ay pakanta kanta ka pa. Tinigtignan kita habang kumekembot kembot ang iyong balakang, sumasabay sa iyong pagkanta. Hindi ko tuloy alam kung saan ako mas natakam. Sa humba na niluluto mo o sa’yo mismo. Pero hanggang sa matapos tayong kumain ay hindi mo pa rin ako iniimik. Halos buong araw mo na akong hindi pinapansin maliban lang noong pinagtimpla mo ako ng kape. Nagkuwanri pa nga akong matabang para mapaimik ka pero inabot mo lang sa akin ang isang kutsarita at lalagyan ng asukal.


Ako: Mahal ano bang problema, buong araw mo na akong hindi pinapansin a.

Ikaw: Wala naman a.

Ako: Wala ba yan? E parang kanina pa ko sayo invisible e. Sabihin mo na kasi para hindi na lumaki.Ayan nasayang pa yung araw imbes na naipasyal kita.

Ikaw: May problema ba? Wala naman e. Ayoko naman pati lumabas kaya hindi nasayang yung oras. May sasabihin ka pa ba? Maliligo na muna ako bago matulog.

Ako: Wala na.

Ikaw: Sa susunod kasi kung may sisimulan ka tapusin mo.

Ako: Ano???

Ikaw: Wala. (sabay pasok sa banyo)



Saglit nga, wala naman tayong pinag awayan kagabi di ba? Maagap pa nga akong umuwi at may dala pa nga akong isang kilo ng green apple na paborito mo. Sabay pa tayong kumain tapos naglalambingan pa tayo habang naghuhugas ka ng pinggan. Napapangiti tuloy ako. Hinahalikan ko ang iyong batok habang yakap yakap kita mula sa likuran. Muntik mo pa ngang mabasag ang pinggan mabuti na lang mabilis ang mga kamay ko. Sabay nating natapos ang hugasin at pinagpatuloy ang kulitan sa kwarto. Teka…. Kwarto? Kulitan? Halik sa batok habang yakap yakap ka? Bakit wala na akong maalalang kasunod? Tinamaan ng magaling, alam ko na kung bakit masama ang loob mo. Takte, nakatulog pala ako.

Ikot na ang pwet ko kaiisip kung pano ako makakabawi. Ipagluluto ba kita bukas, bibilhan ng bulalak, alahas, damit o cellphone? Damn, malapit ka nang matapos sa paliligo pero wala pa akong naiisip. Tinignan ko ang kwarto, wala namang unan sa gitna at may nakalagay din na unan sa side ko sa bed. Ayos, mukhang walang matutulog sa sofa. Pero teka, anong gagawin ko para makabawi? Ayan, lalabas na siya. Sa sobrang katarantahan hinarang ko siya sa may pinto.


Ikaw: O may problema ka ba?

Ako: (Walang imik)

Ikaw: O ano? Padaanin mo na nga ako jan. Gusto ko nang matulog.

Ako: (Wala ulit imik)

Ikaw: (Wala na ring imik kasi naglapat na ang ating mga labi)


Kinabukasan, pag gising ko maayos na ulet ang higaan sa kama. Tiklop na rin ang kumot at nakahanay na ang mga unan. Hindi ko alam kung kakausapin mo na ako ng maayos o kung galit ka pa. Pero kahit ganun masaya pa rin ako. Abot tenga nga ang ngiti e lalo na kapag naalala kong muntik nang masira ang sofa. :P

Sunday, April 11, 2010

Awtsayd de Kulambo

Dali-dali ako sa pag-uwi. Sumakay na ako ng tricycle para maagap akong makarating sa amin. Bawat hampas ng hangin sa aking mukha ay nalalanghap ko rin ang aroma ng manok na binili ko sa bayan idagdag mo pa ang dalawang kilong lansones na alam kong paboritong paborito niya. Siguradong matutuwa si misis sa ibabalita ko, mukhang hindi ako maa outside the kulambo ngayong gabi.

Pagod na pagod na ako sa paglalakad kanina. Tagaktak na ang pawis ko habang sinusuyod ng tingin ang bawat establisyimentong nadaraanan ko. Naisin ko mang bumili kahit ice tubig ay hindi ko magawa dahil baka kulangin ako sa pamasahe pag uwi ko mamaya. Bakaw pa man din ang mga nagttricycle sa amin lalo't madilim na. Dalawang buwan na akong ganito, walang trabaho at walang lambing mula kay misis. Ni hindi ko na nga alam ang itsura ng aming kwarto sa gabi. Umiilaw pa rin kaya ang mga idinikit kong glow in the dark sa kisame? Minsan tuloy gusto ko nang manapak kasi ang sex life ko parang ng coke. Kung hindi LIGHT,ZERO.

Hindi ko na matagalan ang init na nararamdaman ko, kaya ipinasya ko munang magpahinga sa may plaza. Napakasarap mag-inat habang lumalapat ang likod ko sa upuan. Hay, kelan ba darating ang swerte sa isang tulad ko? Saktong baba ng kamay ko mula sa pagkakainat ng may madakma akong pitaka. Agad ko itong inusisa sa pagbabakasakaling may iilan na lilimang daanin na laman.HIndi ako nagkamali, namumutok ang pitaka sa salapi. Ibubulsa ko na sana, nang makita ko ang ID ng mama, #%@&*@ kasi bakit kelangan ko pang makita yun. Nakonsensiya ako, naisip kong baka maoutside the kulambo din siya pag-uwi. Matapos ang ilang buntong hininga, nagpasya akong isoli na lamang ito.

Walang pagsidlan ng tuwa ang may-ari. Sa sobrang tuwa tinanong niya ako kung ano ang gusto kong reward. Kapalan na ito ng mukha, sinabi kong kailangan ko ng trabaho. Mukhang ito na yata ang hinihintay kong swerte, dahil hindi lang trabaho ang inalok ng mamang mataba. Binigyan din niya ako ng dalawang liman daan mula sa pitaka. Ayos, maibibili ko na si misis ng masarap na ulam.

Karipas na ako sa pag-uwi. Kulang na lang liparin ko ang bahay sa sobrang pananabik. Una kong nabungaran ang iyong repleksyon sa may bintana at umaalingasaw pa ang paborito mong pabango hanggang sa labas. Putek, talagang napakaswerte ko nama't pinaghandaan mo pa ang aking pagdating. Dahan-dahan kong binuksan ang gate, nag iingat na hindi mo marinig ang pag-ingit. Tatawagin na sana kita, nang biglang may yumakap sa repleksyong nakita ko lang kanina. Para akong tuod habang pinapanuod ang isang palabas, palabas na dapat ay ako ang bidang lalaki.

Ilang minuto rin akong nakatayo sa may gate nang mamatay ang ilaw sa ating kwarto. Mabilis kong tinungo ang pinto at dumiretso sa kusina upang ihanda ang aking napamili. Iniisip ko kung naramdaman ninyo ang aking pagdating. Dahil ako hindi ko alam kung paano ako nakatulog sa sofa, sa sala, sa ating bahay. Marahil dahil na rin ito sa pagod o kaya'y nais kong isipin na panaginip lamang ang aking nasaksihan. Panaginip na sana'y mananatiling panaginip hanggang sa aking paggising.

Bukas na tayo mag-usap. Hayaan ko munang mamatay ang aking pananabik na hindi ma outside the kulambo ngayong gabi. Good night. Sana'y mahimbing ng tulog niyo ni pare.

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design