Pages

Showing posts with label pangyayari. Show all posts
Showing posts with label pangyayari. Show all posts

Thursday, January 20, 2011

Hanggang Dito na Lang (6) - ENDING

This can’t be her. Ang bilis naman atang sumagot ni Dianne at si Jade pa mismo ang binigay nya. Dahan dahan akong tumayo at humarap kung saan nanggaling yung boses.

“A…anong ginagawa mo dito Jade”

“Hindi ko rin mapaliwanag, maybe it was because of Dianne kaya nandito ako or dahil sakin o pwede ring para sa’yo. Para sa’tin.”

“Sa’tin?”

“Una, gusto kong magpasalamat for taking me home that night. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin nung gabing yun if it weren’t for you. Pangalawa, I’m sorry na hindi man lang kita nadamayan. Masyado akong nafocus kay Carlo na nakalimutan ko na may nag-eexist pang ibang tao. Hindi kita napuntahan noong panahon na kailangan mo nang kaibigan. Sorry talaga. At yung pangatlo.... hindi ko alam kung ito yung lugar para sabihin ko sa’yo.” Napatingin si Jade sa puntod ni Dianne.

“Huwag kang mag-alala maiintindihan niya kung ano man yung sasabihin mo.”

“Mahal naman kita noon eh. Natakot lang ako na mawala ka. Marami lang akong nakita na magkaibigan na naging sila tapos nagkahiwalay at hindi na bumalik sa dati nilang relasyon as friends. Hindi ko kayang i-risk tayo, yung friendship, kaya pinili ko si Carlo. I tried to forget what I feel for you through him. Minahal ko siya but it didn’t work out. Karma nga siguro kasi sinaktan kita.”

“Isipin na lang natin Jade na hindi para sa atin yun kaya nangyari. Na binigyan tayo ng chance para lawakan yung mundong ginagalawan natin at makakilala nang mga taong pwede pala nating mahalin, maging maganda o pangit man ang kahihinatnan. I was hurt. Pero thankful pa rin ako kasi nakilala ko si Dianne at hinding hindi ko pagsisisihan yun.”

“Mahal mo talaga siya no?”

“Si Dianne? Oo. She’s very special to me…
 Parang ikaw, hindi ka naman nawala dito” Sabay turo sa aking puso.

“Paolo…”

“Naiintindihan ko Jade. Handa naman akong mag-intay hanggang kaya na ng puso mong tumanggap nang panibago. Sana lang payagan mo ako na mapalapit muli sa’yo. Yung tulungan kang makabangon.  Para mapatunayan ko na… ”

Nagulat ako ng biglang yumakap si Jade. 

“Paolo mahal din kita.Wala ka nang dapat patunayan. Hindi mo man maramdaman ngayon pero sigurado akong mahal kita.”

Humigpit lalo ang yakap ko kay Jade. Gusto kong masiguro na totoo nga siya,na sa kanya ko talaga narinig na mahal niya rin ako. Matagal ko nang pinapangarap ang pagkakataong ito. 

Maya-maya ay nagpaalam na kami kay Dianne at hawak-kamay na humarap kung ano man ang naghihintay para sa amin. Handa na ako. Alam ko magiging mahirap sa simula pero magiging ok din ang lahat. Sabi ko nga maghihintay ako. Maghihintay na tuluyan niyang tugunan ang pag-ibig ko. Pag dumating ang oras na iyon, ako na yata ang pinakamaswerteng lalaki sa mundo at sisiguraduhing kong hindi na muling masasaktan si Jade...


...magiging masaya na ang babaeng minamahal ko.

**********


Sunday, January 16, 2011

Hanggang Dito na Lang (4)

Ilang beses na akong tumatawag. Lahat na yata ng numero sa keypad ay natry ko na subalit hindi niya sinasagot. Siguro nga napilitan lang siya na ihatid ako. Out of courtesy kumbaga. Kamusta na kaya siya? sila ni Dianne?

Nasaktan ako nung maging sila. Akala ko kasi ako lang ang mamahalin ni Paolo pero hindi pala. Makakakita pa pala siya ng babaeng hihigit sa akin. Kaya naman ibinuhos ko na lang ang lahat ng oras at panahon ko kay Carl. Sinubukan ko siyang mahalin at natutunan ko rin naman agad-agad.

Minsan, kapag napapatitig ako kay Carl napapaisip ako. Paano kaya kung naging kami ni Paolo? Magiging masaya din kaya kami katulad nito o masisira lang ang pagkakaibigan namin dahil pinilit naming magkaroon ng ganitong relasyon. Hindi ko alam kung bahid ba iyon nang panghihinayang o namimiss ko lang siya talaga.

Nagsuklay na ako ng buhok at inayos ang aking sarili. Lumabas ng aking kwarto para maghanap ng makakakain. Nagluto pala si mama ng dinuguan. Kahit paborito ko ang ulam parang wala pa rin akong gana. Alam ko malaki na ang pinagbago ng aking itsura, siguro nga napansin din iyon ni Paolo.

Matapos kumain ay nahiga ako sa sofa at nanood sa TV. Palipat-lipat ako ng channel, bawat commercial ay naghahanap ako ng ibang palabas. Ayokong mabakante, gusto kong maging busy ang aking isip. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.

“Jade, anak gising na. Lumipat ka na sa kwarto mo para makatulog ka nang maayos”

“Mamaya na ma, namiss ko yata ‘tong sofa, ang lambot lambot”

“Nga pala yung bisita kanina ni mareng Fe, pinsan ni Dianne”

“Sino pong Dianne?”

“Yung naging girlfriend ni Paolo”

“Naging girlfriend? Hiwalay na po sila?”

“Hindi anak, namatay si Dianne. May cancer pala yun, nung nagkakilala pa lang sila ni Paolo.”

“Ho?”

“Oo, mga isang taon nang wala si Dianne. Eto palang si Paolo e nagvolunteer sa isang organization supporting cancer victims. Sabi nung pinsan ni Dianne eh hanggang ngayon wala pa daw girlfriend si Paolo.”

Tuluyan akong nagising sa kwentong iyon ni mama. Nagdaan pala sa ganong pagsubok ang kaibigan ko pero hindi ko man lang nadamayan. Tapos ako, isang tawag lang andiyan agad siya. Feeling ko tuloy napakawalang kwenta kong tao.

“Anak tignan mo yang si Paolo, kahit nawalan, nagpatuloy pa rin sa buhay niya. Sana tumulad ka rin sa kanya. Sana buksan mo na ulit yung puso mo sa mga taong gustong magmahal sa’yo”

Matagal din akong nag-isip at nakapagdesisyon. Nagpalit ako ng damit at kinausap si mama paglabas ko ng kwarto.

“Ahmmm ma, naitanong niyo po ba kung saan nakalibing si Dianne”

“Bakit?”

“Hindi po kasi sinasagot ni Paolo ang tawag ko, malamang po andun siya. Gusto ko po sanang magpasalamat.”

“Ang sabi lang sakin nung pinsan malapit daw sa lugar na nagkakilala sila ni Paolo. Sa may Antipolo yata.”


*******

Friday, January 14, 2011

Hanggang Dito Na Lang (3)


Ayoko pang umuwi, gusto kong magpakalasing katulad ni Jade. Isa, dalawa, tatlo…lima…walong bote. Nagbabakasakali akong malilimutan ang tagpo kanina subalit  walang epekto ang alak. Para pang nang aasar at paulit ulit na bumabalik ang naging tugon ni Jade.

“Mahal din kita Carl. Sobra”

Matagal ko nang tanggap na si Carl ang nanalo, ngunit ang marinig ito mismo sa bibig ni Jade sa kalagayan niya kanina para akong papel na kinuyumos at itinapon sa basurahan. Akala ko madadaan sa tagal ng panahon ang paglimot sa kanya, hindi ko alam na ang muling pagkikita namin ang magpapatunay na nagkamali ako. Hanggang ngayon si Jade pa rin ang mahal ko.

Habang tinitignan ko ang mga ilaw sa kamaynilaan, parang nakikita ko ang mga mata ni Jade. Ang mga mata niya noong kapiling ko pa siya, maningning at punong-puno ng kulay. Dati, madalas kaming magpunta dito lalo na kapag nasstress kami sa trabaho. Bagamat mas maraming lugar na pwedeng puntahan sa Maynila, dito namin pinipiling mag-unwind. Presko ang hangin, tahimik at kami lang madalas ang tao. Masaya naman kami noon. Noong kuntento pa ako na hanggang dun lang kami.

“Jade, paano kung mahal kita?”
Saglit siyang napatigil ngunit dagli rin pinagpatuloy ang paghagis ng bato sa may bangin.
“Ok na tayo ng ganito Paolo, mas mabuti pang magkaibigan lang tayo”
“Bakit?”
“Magiging kumplikado lang, madaming expectations at demands na eventually magiging cause ng break up.”
“Bakit ba takot kang magtake ng risk?”
“Because I’m too afraid to lose you, that’s why.”

Pagkatapos nang pag-uusap naming iyon, biglang pumasok sa eksena si Carl. Hindi ko alam kung talagang mahal niya ito o isang paraan lang para sabihing hindi talaga kami pwede. Inintindi ko na lang s Jade tutal lumalabas pa rin naman kami kahit hindi na sa Antipolo. Madalas, sumasabit ako sa mga lakad nila dahil gusto kong makilala si Carl para man lang bago ako bumitaw, alam kong hindi siya nito pababayaan.

Unti-unti na akong umiwas kay Jade nang maging sila na ni Carl. Napansin ko kasing medyo seloso ang huli at masayang masaya na ang babaeng pinakamamahal ko sa kanya. Minsang napadaan ako sa lugar namin ni Jade ay nakilala ko ang babaeng di ko inaasahang magmamahal sa akin.

Para akong naalimputangan sa alaala kong iyon. Mabilis kong kinuha ang susi sa aking bulsa at pinaandar ang sasakyan. Alam ko na kung saan ako pupunta. Kung saan mapapanatag ang loob ko. Kay Dianne.

*******
Sa mga nakabasa na nung unang dalawa, eto po yung kasunod pasensya na kung inabot ng ilang buwan bago masundan. Mahina lang talaga ako sa kabana-kabanata. Subukin ko pong matapos ang kwentong ito. Sana maantay niyo pa :D

Sa mga bago lang sa bahay ko, ito po yung sinabi kong naunang dalawa:

Part I 
Part II 

Enjoy!

 

Thursday, November 4, 2010

Sa Wakas... ^_^

My, gusto mo hanapin natin papa mo?

Oo naman. Paano?

Gawa tayo ng account sa FB tapos lagay natin na hinahanap natin siya.

Eh makikita niya ba yun? Tsaka wag na nakakahiya.

Anong nakakahiya dun? Malay mo di ba makita natin.

Nakakahiya kasi baka makita ni mama.

Nge, e malay mo matuwa pa si mama na hinahanap mo papa mo.

....sige ikaw bahala



So ayun dun nga nagsimula ang kwento ng paghahanap namin sa papa ko. Dahil sa kakulitan ng aking bf ay nagcreate siya ng account para sa papa ko at ibinalandra ang picture na nahukay ko sa aming bahay. Eto yun oh:





Sa totoo lang, parang skeptic talaga ako sa planong niyang ito. O sige nega na kung nega, pero kasi di ba parang yung napapanood lang sa tv ang nagkakatotoo. Pangalawa, iniisip ko kasi na baka magalit ang mama ko, di ba napalaki naman niya akong mag-isa bakit kailangan ko pang maghanap. Pangatlo, hmmmm ano nga bang pangatlo?? Basta negative talaga ang vibes ko sa plano niyang ito. Pero dahil makulet ever ay si bf pa rin ang nasunod. Nakita ng family ko ang account na yun pero taliwas sa inaasahan hindi nagalit si mama. :D


Mga ilang linggo pa lang nakabalandra ang account ni papa ay meron na agad nagreply. Siyempre ibinalita agad ito sa akin ni bf at chineck namin ang message ni ate. Kinulit ako ni bf na replyan ang gurlalu. Pero sabi ko check ko muna ang profile niya at baka bogus acct lang ito. So chineck ko naman, ayun medyo nag-alangan ako kasi parang wala naman siyang connect kahit kanino na nasa Pinas. Sabi ko ke bf wag na lang replyan kasi mukhang naligaw lang siya sa profile ni papa. So ayun back to zero kami. Napapaisip talaga ako na tanggalin na yun kasi parang suntok sa buwan ang ginagawa namin. Sa dami kasi ng naghahanap sa mga family nila na nawawala parang imposible talaga na matagpuan ko pa ang papa ko.


Siguro ilang buwan na yun at parang tanggap ko na rin na mukhang tanga lang yung ginawa namin. Parang sinabi ko na lang sa sarili ko na kung nasan man ang papa ko ngayon, sana masaya na lang siya. So ayun, hindi na namin ito masyadong napapag-usapan ni bf pero hindi pa rin namin dineactivate ang kanyang account.

Mga ilang linggo pa ang sumunod nang may nagmessage ulit sa account ni papa. Kilala daw niya ito. Nabuhayan ulit ako ng loob kasi  nung chineck namin ang profile ni ate , same lang ang location nila ni papa. Pero after nung message niyang iyon, hindi na nasundan. So ayun mega antay lang kami kung magpaparamdam pa ba siya.


NOV 3, 2010 - Habang nasa ospital ay nagtext si bf, sabi niya nagtext daw sa kanya kagabi yung nagsabi na kilala si papa. Kaya lang walang atang load si bf o tulog na kaya hindi na niya nareplyan. Mayamaya pa, nagtext ulit si bf at sinabing katext na daw niya ang papa ko. Ako naman itong si ate nega ay hindi pa rin naniniwala. Binigay ni bf ang number ko at binigay din naman sa akin ang number ng sinasabi niyang papa ko. Wala akong ginawa kasi hindi pa nga ako naniniwala pero sinave ko na rin ang number niya at nakalagay na pangalan niya doon ay papa.Tapos bigla siyang tumatawag. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya hinayaan ko na lang magring ng magring. Actually natatakot akong makausap siya. Hindi ko alam ang sasabihin ko  at isa pa hindi pa nga kasi ako sigurado na siya na nga yun. After ng missed call ay nagtext siya at nagpapakilala na siya nga daw ang papa ko. Ako naman na duda pa, nagreply na paano niya mapapatunayan na siya nga papa ko. Ayun sabi niya may picture daw ako sa kanya yung buhat buhat niya ako. Tapos itanong ko pa daw sa mama ko. Nung sinabi niya iyon biglang pumasok sa isip ko yung picture na sinsabi niya. Ito kaya yun?:




Hindi pa rin ako naniniwala. Ewan ko ba siguro marami lang akong napapanood sa tv na mga naloloko sa ganito. Naisip ko isang tao lang naman ang pwedeng makapagpatunay kung siya nga papa ko. Si mama. So tinext ko siya at ibinigay ang number, sabi ko tawagan niya para maconfirm kung totoo nga. Nagreply agad si mama, sabi out of coverage area daw try niya daw ulit (sorry mama kung nagising kita ng maagap, 3am lang kasi sa Italy nung nagtext ako). Naisip ko, o tignan mo di na makontak, for sure di yun totoo.

Mayamaya pati si ate nakikigulo na. Ito palang si bf ay ibinalita rin kay ate ang mga kaganapan at ibinigay din ang number. Ayun tinawagan pala ni ate at nung tumawag sa akin ay confirmed daw na yun ang papa ko. Sabi ko saka ako maniniwala pag si mama na ang nagconfirm. hahaha sori naman nanninigurado lang.


So ayun, mayamaya tumwag na si mama, confirmed na daw. Sabi ko paano niya nasabi. Sabi niya, siyempre sa boses at yung iba pang details about sa family. Sabi nga ni mama bakit hindi ko daw sinasagot yung tawag ni papa. Sabi ko hindi ko naman alam sasabihin ko. Anong pag-uusapan namin di ba?


Buong umaga kinulit nila akong lahat (bf, ate, mama, tita) na sagutin ko daw ang tawag ni papa.Si ate nga napaiyak pa kasi daw ang saya-saya niya para sa amin ng papa ko. Pero hindi ko naman masagot kasi hindi na tumawag ulit. Buti na lang nakatext ko pa si papa. Sabi niya sa gabi na lang daw siya tatawag dahil lobatt na (chinika kasi ng tita ko, sobrang naexcite tinawagan si papa).


Pagdating ko sa bahay, inisip ko kung anong sasabihin ko sa tatay ko. Paano ba kami mag-uusap ng walang dead air. At isa pa anong pag-uusapan namin. Narealize ko  pati kung bakit kanina hindi ako naniniwala. Natatakot pala ako. Naisip ko kasi na paano kung hindi pala siya yun, masasaktan lang ako. Pero ngayon na totoo na nga, kailangan ko ng harapin.Kumain muna ako siyempre, alam mo na mag-iipon ng lakas. Tapos ayun, sa hinahaba haba ng araw e nakausap ko din ang tatay ko. Getting to know stage ang nangyari, basta secret na lang kung anong napag-usapan namin :)

Salamat kung nakaabot kang magbasa hanggang dito sa part na ito. Gusto ko lang kasing ikwento kung papano ko nakilala ang tatay ko. Biruin mo yun after 24 years, nakausap ko ang tatay ko. Nagpapasalamat ako na kahit palagi akong duda, ay nandiyan pa rin si bf na kumokontra sa akin. Dahil sa kanyang kakulitan at pagiging positive sa lahat ng bagay, ayan nakilala ko na ang tatay ko.Kina mama, ate at tita na nagconfirm na hindi na ako nananaginip, na talagang nahanap ko na siya thank you talaga. At sa INYO po, maraming salamat kasi nadinig niyo po yung pinapanalagin ko matagal na.

Masayang masaya ako ngayon. Lalo na siguro kapag nagkita na kami. Hayaan niyo po, mag-iipon na ako ng pamasahe parang naman makabisita na ako diyan sa Bohol. Nga pala, eto picture ng tatay ko pinadala niya kanina. Pogi pa rin di ba? :)






YEHEY!! SA WAKAS, MAY TATAY NA 'KO!!




Monday, October 11, 2010

Penpal


Mag-isa ako noon sa pwesto sa bus. Kahit nahihiya, hindi mapigilan ng aking mga mata na lumuha. Inaliw ko na lamang ang aking sarili sa mga natatanaw ko sa bintana.Napakabilis ng byahe, hindi tulad kanina na gapang pagong ang eksena ng mga sasakyan. Narating ko ang Cubao, at nagsimulang maglakad upang makauwi sa aking tinutuluyan nang marinig ko ang pagtunog ng aking telepono. Unknown ang numero na lumabas, subalit lalo itong nakapag paiyak sa akin. Hindi ko na ininda kung sino ang nakakakita, dahil alam ko pagsagot ko ng telepono kong iyon, iisa lang ang magsasalita sa kabilang linya. Ang aking penpal.

Alam niyo kasi bago nauso ang mIRC, ym at skype e may nakahiligan akong gawin at yun ang naging daan para magkakilala kami ni penpal. Mahilig akong magtupi ng papel, hindi yung basta-bastang papel lang ha. Yung mabango na parang nakakahilo ang amoy at syempre sa papel na iyon ay madaming kwento na nakasulat. Si penpal lang ata ang nagtyaga at nakasaksi sa pagdevelop ng aking handwriting. Madami akong kwento sa kanya, madalas ay tungkol sa school at sa mga nakikilala ko. Hindi naman siya nagsasawa na basahin iyon, palagi niya pa nga akong pinapayuhan at may bonus pang sweet nothings sa hulihan ng sulat.  Nung una hindi ko alam kung dapat ko bang sagutin yung mga paglalambing niya dahil hindi ko pa naman siya nakikita Pero dahil baka hindi na siya sumulat kaya sinasagot ko na rin. Matagal din kami na ganun. Palitan ng nararamdaman sa pamamagitan ng mga letra at salita. Laging may pagbati sa mga okasyon na dumadaan sa kalendaryo.Nga pala, nakita ko na siya sa picture, in fairness maitsura siya. Sabi nga ng iba para daw kaming magkamukha. Pero siyempre dahil iba rin naman sa picture, tinanong ko siya kung kelan kami magkikita. Ang lagi niya lang sinasabi ay malapit na.

At last dumating din ang araw na pinakahihintay ko, makikilala ko na siya sa personal. Excited na excited ako, alam mo yun yung parang masusuka ka na at sobrang lakas ng tibok ng puso mo. Ganun ang pakiramdam ko sa mga oras na yun buti na lang sinuportahan ako nang aking pamilya at sinamahan nila ako sa airport kung hindi baka nagcollapse na ako. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin o iakto sa kanyang harapan. Para bang gusto kong bumalik sa sasakyan at isulat na lang na masayang masaya ako sa kanyang pagdating. Maya-maya pa ay sumigaw na ang tita ko, andito na pala si penpal. Andito na ang mama ko.

Masaya ako subalit hindi pala magiging ganun kadali ang lahat. Akala ko para pa rin kaming nagsusulatan sa isa’t isa, simpleng magpenpal. Subalit mas komplikado pala kapag nagkasama na kaming mag-ina. Noong una, ingat na ingat ako sa aking kilos at mga salita. Nakikita ko kasi yung reaksyon niya, parang natatakot ako na hindi siya matawa sa mga kwento ko o kaya naman magalit siya kung may ginawa akong kalokohan. Highschool pa naman ako noon. Medyo napapabarkada at nais subukan ang lahat ng makitang bago sa paningin.

Minsang nagkamali, inasahan ko na makakarinig ako ng sermon o dili kaya nama’y malalatayan ang aking mga hita. Subalit wala man lang nangyari sa dalawa. Tinanong lang niya ako na para bang nirereverse psychology. Hinayaan lang niya akong nakahiga at mag-isip. Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot kasi iniisip ko bakit yung iba konting mali lang inuulan na ng sermon at palo. Bakit ako yun lang? Pagtagal-tagal naintindihan ko din siya. Effective nga naman, mas natatakot akong gumawa ng mali kasi alam kong wala namang dahilan para magrebelde. Kakaiba rin itong penpal ko, wais. :-D  

Marami kaming nabuong alaala sa bahay na kasama ko siya. Pareho kaming tahimik subalit nakahanap kami ng paraan para magkalapit. May mga bagay na idinadaan ko pa rin sa sulat pero sinubukan ko rin naman na magkausap kami. Magsisimula sa simpleng kwentuhan na hahantong sa pagsasabi ko sa kanya ng aking mga problema at mga nangyayari sa akin sa labas ng aming bahay. Siya naman ay magkkwento rin ng mga pangyayari sa buhay niya at kung anu-ano ring kalokohan nung highschool pa siya. Para kaming naging magkapatid. Walang mga sikreto at parehong kinikilig sa buhay pag-ibig. Napakasaya ng bawat sandaling iyon. Parang nabura na sa aking puso si penpal at may pumalit na sa kanyang lugar. Ang aking mama.

Akala ko habambuhay na kaming ganoon. Na sa kanyang pagtanda ay magkakasama kami. Hindi pala. Dumating ang panahon na kailangan naming maghiwa-hiwalay.Nagkaroon ng problema na sumubok sa amin at ang nagsilbing haligi ng aming tahanan ay bumigay. Dagdag pa dito, nagkapamilya na ang aking kapatid at nagtrabaho naman ako dito sa Maynila. Naramdaman ko ang naranasan niya nung nasa ibang bansa pa siya. Yung gugustuhin mong umuwi pero hindi pwede kasi magastos, kasi kailangan mong magtipid para sa Pasko ay may maiiuwi ka sa iyong pamilya. Yung titiisin mo na hindi makapunta sa mga espesyal na okasyon ng iyong pamilya kasi tatama sa araw na may trabaho, na babawi ka na lang sa susunod. Yung alam mo na may dinaramdam ang isang miyembro ng pamilya ngunit idinadaan mo na lang sa iyak at dasal kasi may mas magagawa ka kapag magkakalayo kayo.  Ilang buwan din kaming ganito at nag-aadjust sa bagong set up nang magdecide ang aking mama na umalis muli. Bumalik sa ibang bansa hindi para magtrabaho kundi para magpagaling at magpahinga. Yun kasi ang mas makakabuti, yung malayo siya, malimutan ang lahat ng nangyari.

Araw ng kanyang pag-alis, naghalfday ako sa aking trabaho. Inisip kong aabot naman siguro ako dahil gabi pa ang kanyang flight.Ngunit nagsungit ang tadhana sa akin, naging mabagal ang andar ng mga sasakyan. Nang makarating ako sa airport, wala na siya. Umuwi akong hindi man lang siya nayayakap at nasabihang maghihintay muli ako sa kanya.Kaya naman ng tumunog ang aking telepono pagbaba ko sa bus, hindi ko na napigilang umiyak.
             Oo, talagang iniyakan ko ang tawag na iyon.Maraming bagay ang pumasok sa aking isipan. Na sana umabsent na lang ako. Na sana naiparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Na sana ganon kadali malimutan ang masasamang pangyayari para hindi na lang niya kinailangang umalis. Na sana hindi na lang dumating ang mga taong sumira sa masaya naming pamilya para hindi kami ganito. Magkalayo. Ang tagal na panahon bago kami nagkakilala tapos sa isang iglap magkakahiwalay na naman.  

             Tinanong niya kung nasaan ako. Sabi ko naglalakad pauwi. Sabi niya, pasensya na daw at hindi ako nakaabot. Hindi na daw kasi sila pinalabas after magcheck-in ng luggage. Natahimik kami. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko sa kanya. Tapos sabi niya baka naman daw mag-asawa na ako, wag daw muna. Napaiyak lalo ako. Siyempre pag dumating yung part ng yun ng buhay ko gusto ko kasama ko siya. Madami pa kaming napag-usapan pero hindi ko na maalala  ang tangi ko na lang naalala ay ang pangako niya. Pangako na sa tamang panahon ay uuwi siya at magkakasama-sama na kami ulit.. Panghahawakan ko ang pangako niyang iyon, kaya ko namang mag-intay katulad ng pag-aantay na ginawa ko noon. Para lamang makilala ang aking penpal. Ang aking mama.


***

            Mag-iisang taon na siyang nasa Italy. Hindi pa rin naman kami nawawalan ng komunikasyon. Bagamat hindi na sa paraan na aming nasimulan, yung nagsusulatan, mas naging madali sa amin na maging magkatawagan naman. Atleast doon, naririnig ko ang kanyang tinig. Nararamdaman kong unti-unti na siyang nagiging handa sa kanyang pagbabalik. Sana hindi na magtagal, sabik na kasi ako sa kanya. At kapag dumating ang araw na iyon, hindi na ako malalate. Hindi ko na palalampasin ang araw na iyon. Paghahandaan ko na ang pagbabalik ng aking mama. Ng pansamantalang phonepal ko.








Monday, June 28, 2010

Swerte pa rin pala...

Ako na yata ang pinakaswerteng babae sa mundo. Hindi dahil sa ibinigay sa akin ng Diyos ang pinakamagandang mukha, o perpektong hulma ng katawan. Wala rin naman akong mala-genuis na IQ katulad ng napapanood ko noon sa Battle of the Brains at sigurado ako sa sarili ko na hindi rin ako santa sa kabaitan. Isa lang ang bagay na nagpapaangat sa akin mula sa iba, kadikit ko ang tadhana.


Feeling ko mula pagkabata lahat ng bagay na nangyayari sa akin kahit pa aksidente o sakit e pabor sa akin. Kahit nga simpleng ulan marunong ding makisama kaya nga hindi ako nasanay na magdala ng payong. Alam kong hindi uulan kapag wala akong dala. Pero nung nakilala kita, bumaliktad ang lahat. Ako na yata ang pinakamalas na tao sa buong universe.Nababasa na rin ako sa ulan. Mas madalas pa nga na umulan kapag wala akong dalang payong. Mukhang nag iinarte ang tadhana kaya nga siguro hanggang ngayon hindi pa tayo nagkikita ng mata sa mata. Nakatatlong attempt na tayong magkita at sa bawat pagtatangkang iyon ay isa lang ang nagiging resulta. Bokya. Hindi ko pa rin makita kahit dulo ng mga daliri mo.


PERO HINDI AKO BITTER (slight lang, pasumpong sumpong ba). Gusto ko sanang gawing emo ang nangyayari sa ating dalawa pero mas pinili kong tignan sa ibang direksyon ang lahat. Siguro sa likod ng naffrustrate kong utak e may sumisigaw pa rin ng “everything happens for a reason” at yung ang balak kong iappreciate sa post kong ito.


First attempt: FAILED


Ooperahan ka for the 2nd time (hindi ko alam kung bakit o hindi ko lang narinig nung nag eexplain ka). Isusurprise sana kita kaya nagdecide ako na puntahan ka sa Cavite kung san ka nakaconfine. Magkatxt tayo nun, at ang sabi ko pa papunta na akong opis pero ang totoo lulan na ako ng bus papunta sa inyo. Tumatawag ka pa nga ata nun pero hindi ko sinasagot, kasi baka nga mabuking mo na hindi ako sa jeep nakasakay. Nakarating ang bus sa Cavite at ang alam mo nasa opisina na ako. Hmmm excited na ko sa magiging tagpo. Nasa jeep na ako papunta sa ospital ng magtext ka na ililipat ka na at diretso operation na. Langya, ilang kanto na lang ako nun mula sa ospital na pinanggalingan mo alam mo ba yun? So, ayun nga hindi kita nakita buong araw. Bumalik pa ako ng dalawang beses, sa pagbabakasakaling magigising ka pero kahit sulyap sa ICU hindi nagmaterialize. :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Holiday ang Monday nung week na yun, kaya naman nakatatlong beses akong nakadalaw sa’yo (counted ba as dalaw kahit hindi nakita?)
  2. Walang trapik. Ieexplain ko pa ba?
  3. Nakilala ko ang ilan sa relatives mo. Grabe much effort ang pinsan mo sa pagsama sa akin habng hinihintay ka naming magising. At sa tatlong araw na yun, nakilala kita sa mata ng iba. Kumbaga walang tago, lahat pati mga nakakahiya at mga kalokohan mo nalaman ko na rin.
  4. Nakatikim ako ng pan de coco ng mama mo. Ang sarap niya infairness.
  5. Kahit namali ako ng sakay ng bus pauwi (Pasay instead of Cubao), chillax pa rin ako at nakauwi naman ng maayos sa mga byahe kong yun.


Second Attempt : FAILED


Nakarecover ka na from the operation at nagbalak ka naman na pumunta sa amin. Pero, nung mga panahong yun napakalakas ng ulan sa lugar kung nasan ka at yung payong na may pito lang ang available sa inyo. Nasiraan yung jeep na sinasakyan mo papunta sa terminal, tapos hindi pa agad mapuno yung bus na sinakyan mo kaya kailangan pa nilang magpuno. Napuyog ka noon ng ulan at sabi mo mukha ka ng basang sisiw. Sabi ko nga manghiram ka ng damit kahit kanino para lang hindi ka lamigin. Nung mga panahong yun, nagpprepare na ko pumunta sa palengke para magluto ng paborito mong nilaga para naman pagdating mo makahigop ka ng mainit na sabaw. Dinamihan ko pa ng bili ng patatas kasi alam kong paborito mo yun. Lumipas ang mga oras at hindi pa rin umaalis ang bus niyo. Ok n asana eh kaya lang bigla kang nagtext na sumusuka ka na ng dugo. Siyempre mega alala naman ako, lalo na nung tinext ako ng mama mo na kinukutuban daw siya. Nakailang text ka kaya nun na nagsusuka ka, kaya naman pinasundo na kita sa kanila. Haller dugo na kaya yun!! Ayun hindi na naman kita nakita. :-( :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Narealize kong may konsensiya pa rin pala ako. Na kahit gustong gusto na kitang makita, hindi ko isasakripisyo yung health mo para lang sa kapritso ko. May konting bait pa rin pala ako sa katawan.
  2. Napraktis ko ang aking cooking skills at narealize ang kahalagahan ng kapitbahay. Kung wala sila, e wala sana akong paglulutuan ng nilagang patatas. Hehehe
  3. Wala sana kaming ulam ng dalawang araw. LOL
  4. Nakapagbonding kasama ng kaibigan. Dahil sa frustration ko sa nangyari, ininvite ko ang kaibigan kong mag-ice cream. Actually pumunta kami nun sa Kaffe Razzo pero sarado pala sila ng Linggo (hehe sori naman) kaya sa Mega na lang kami kumain ng pasta na sobra ko namang naenjoy. Tapos pistachio – flavored gelato. Sarap ulitin!!


Third Attempt: FAILED


Nagsstart ka na noon magwork at nagdecide tayo na magkita sa darating na weekend. Malay ba naman natin na masisira yung tinrabaho mo ng dalawang araw at kailangan i-OT over the weekend. Hindi na naman tayo nagkita. :-( :-( :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Nakaadvance ako ng material namin para sa work dahil nakapag OT ako. Ngayon nasusulat ko tong post na ‘to na hindi patakas :-)
  2. Marami akong nakamustang mga kaibigan kahit sa facebook lang at narealize kong mababaw pa pala itong problema ko kumpara sa iba. Na hindi lang ako ang nangungunot ang noo at nahahagas sa mundo.
  3. Nagkaroon ulit ako ng hilig sa isang hobby na matagal ko nang nalimutan. Sana lang matapos ko.Good Luck sakin..hehehe


Madalas iniisip ko kung ano bang rason kung bakit ganito ang nangyayari. Parang pinanghihinaan na ako ng loob. Pero kapag maaalala ko ang magagandang nangyari despite sa mga failed attempts, hindi na rin sumasakit ang puso ko. Siguro nga hindi pa time, wag nating pilitin. Sabi nga nila hindi masarap ang prutas na hinog sa pilit. Dadating din ang time para sa ating dalawa. Crossed-fingers pa rin ako. Sana ikaw din. :-D

Wednesday, May 19, 2010

Hanggang Dito na Lang

“Good evening po tita”


“Ano lasing na naman ba?”


“Opo tita, tinawagan po ako nung kasama niya”


“Sige iakyat mo na sa taas. Salamat Paolo ha, naabala ka pa.”


“Ok lang po yun. Sige po tita akyat na po ako”


“Sige iho”


Nakatitig ako sa’yo habang humahakbang ako sa hagdan paakyat. Napakalaki na ng pinagbago mo samantalang dalawang buwan pa lang ang nakakalipas. Kumupis ang iyong mukha at malalim na rin ang itim sa ilalim ng iyong mga mata. Nawala na ang ngiti na madalas makita ko sa’yo noon. Napalitan ng lungkot, lungkot na hindi ko alam kung paano ko maaalis.


Unti-unti kitang inihiga sa iyong kama. Napakagaan mo, para kang papel na konting hangin lang ay malilipad na. Tinanggal ko ang iyong sapatos at medyas, iniayos ang iyong pagkakahiga. Matagal din kitang pinagmamasdan nang maalimpungatan ka.


“O, bat andito ka?”


“Lasing ka Jade, hinatid lang kita”


“Wow, dapat pala lagi nalang akong maglasing para lagi pa rin kitang makasama”


“Jade, dalawang buwan na ang nakalipas.”


“Yun na nga e, dalawang buwan na pero bakit ang sakit-sakit pa rin? Hindi siya mawala.”


“Kaya ba umiinom ka para makalimot? Jade, tanggapin mo na kasi na wala na. Tapos na ang lahat.”


“Sa’yo lang naman tapos e. Sa akin, hindi pa.”


Bigla kang bumangon at aktong tatanggalin ang iyong damit. Mabilis akong tumalikod at parang napahiya sa iyong ginawa.


“Nahihiya ka na ngayon? Samantalang dati..”


“Jade, magpahinga ka na”


“Bakit ayaw mong sabihin ko? Tayo lang dalawa ang nandito parang katulad ng dati. Ibinigay ko sa’yo ang lahat, bakit kulang pa rin? Panget na ba ako sa paningin mo ngayon? Mataba na ba ako? May ayaw ka na ba sa mukha o katawan ko? Sabihin mo lang, babaguhin ko lahat”


“Wala kang pinagbago, ikaw pa rin yung Jade na nakilala ko. Maganda sa panlabas at panloob”


“Yun naman pala, anong problema?”


“May mga bagay lang na hindi natin nababago, yung hindi natin macontrol. Basta na lang natin nararamdaman at gumagawa tayo ng mga desisyon kahit nakakasakit tayo ng iba.”


“That’s bullshit! Ang sabihin mo nakahanap ka na lang ng iba. Pinagpalit mo na ko.”


Hindi na ako umimik. Pinakiramdaman ko na lang kung nakahiga na siya bago ko siya harapin. Kita ko sa kanyang mukha ang sakit na nararamdaman niya pero wala akong magawa. Nangyari na ang nangyari, wala akong kapangyarihan para ibalik ang lahat, para muli siyang sumaya. Gusto kong sisihin ang akin sarili. Bakit ba hinayaan kong maging ganito. Pero alam ko useless din, andyan na siya. Nakahiga at langong lango sa alak. Umupo na ako sa kanyang tabi, inaayos ang kanyang buhok.


“Jade, aalis na ako. Sana maging ok ka na. Ayokong makita ka na ganito dahil kung nasasaktan ka mas nasasaktan ako sa nangyayari sa’yo. Hindi ko kayang maging tulad tayo ng dati, ayokong masaktan si Dianne. Magiging kumplikado lang ang lahat. Pero hangga’t makakaya ko, aakayin pa rin kita. Bubuhatin hanggang masigurado na safe ka at bumalik sa dati mong sigla. Mahal na mahal kita Jade.. mahal na mahal..”


Tumayo na ako. Nagsimulang maglakad palabas ng pinto.


“Mahal din kita Carl. Sobra.”


Isinara ko na ang pinto at muling sumulyap sa iyong kwarto habang ako’y pababa sa hagdan. Alam ko matatagalan bago mo siya makalimutan. Alam ko dahil hanggang ngayon nahihirapan pa rin akong kalimutan ka.

Thursday, May 13, 2010

Para sa mga %^$#@#$% sa Mundo

" O bat nandito ka na naman? May problema?"

"Gusto ko siyang makita.."

"Sino naman? Artista ba yan, politician o anime character"

"Seryoso naman ako"

"Yun na nga eh seryoso ka na naman, hulaan ko si Mark na naman yan ano?"

"May iba pa ba?"

"O bakit naman gusto mong makita yung *#@!^=% na yun?"

"Wala gusto ko lang ng closure.."


"PAMBIHIRA, hindi na nga nagparamdam after ibreak mo sa text tapos nagka gf agad. Hindi pa ba yun closure sa'yo?

" Eh kaya naman hindi na nagparamdam yun kasi sabi ko nung tinext ko siya wag nang magreply"

"Ikaw, hindi ko alam sa'yo kung tanga ka o tanga ka. Sino ba namang matinong lalaki ang susunod sa sinabi mo? %#@+!$^& tatlong taon kayo tapos pumayag lang makipagbreak sa'yo sa text? Wala lang talagang bayag yung #$%@&*!# yun kaya hindi masabi sa'yo na nakahanap na siya ng iba"

"Oi sobra ka, ok naman siya nung kami pa e. Kahit nga ikaw bumilib dun di ba?"

"Haller, di kaya siya perfect! Tsaka pakisampal naman ako kung may nakilala ka ng tao na hindi nakakagawa ng masama kahit gaano pa kabait. My dear, tanggapin mo na kasi na hindi na kayo magkakabalikan. At ewan ko naman sa'yo kapag bumalik ka pa dun, spell desperada na talaga."

"Hindi naman ako makikipagbalikan sa kanya e, gusto ko lang na masigurado sa sarili ko na wala na kong nararamdaman sa kanya. Alam mo yun, yung kapag nakita ko siya, wala lang, nakita ko lang siya."

"Hambalusin kaya kita ng magising ka!! E ano, kung makita mo siya? Magbabago ba ang ikot ng mundo at magsosorry siya dahil sa kagaguhan niya? Girl akala ko ba ok ka na? Sino na naman bang magaling ang nakausap mo?"

"Nagkainuman kasi kami kagabi sa dorm, ayun napag usapan na naman."

"Sabi ko na nga ba e, kasi naman ang hilig makinig sa mga inggitero't inggitera. Insecure yung mga yun kasi masaya ka ngayon sa status mo. Palibhasa ang gusto yata e palaging may pinaglalambitinan. O eto itatanong ko sa'yo, pa'no pag hindi kayo nagkita hanggang sa pumanaw na yung #$%&@! yun? Magpapakalosyang ka? "

"Siyempre hindi, hindi lang siya ang lalaki sa mundo."

"Exactly my point. Huwag mo munang problemahin ang mga bagay na hindi pa dumadating kasi mapupuno lang ng takot yang puso mo. Enjoyin mo lang ang life mo araw-araw, kahit na maraming #$^@*! sa mundo."

"Parang ganun kadali noh?"

"Kasi yun ang iniisip mo, na mahirap. Nasa utak lang naman yan eh. Oo, hindi naman maikakaila na minahal mo yung $#@^&% na yun. Pero past na yun, I mean my place na siya sa puso mo, hayaan mo naman yung iba na makapasok diyan. Paano ka makakattract ng possible candidate for bf position kung navivibes nila na hindi ka pa ready? At tsaka kung feel mo naman maging matandang dalaga forever and ever, e di go lang! Malay mo dun ka mas magiging masaya"

"Haha patawa ka talaga. Ewan ko ba napapaisip lang naman ako kapag may nag-uungkat nun. Inggit nga siguro."

"Tignan mo nga ako"

"Nakatingin naman ako ah!"

"O di sige titigan mo ko sa mata. Ngayon, sino nakikita mo?"

"AKO"

"Masaya ka ba ngayon? Kahit wala kang boyfriend?"

"Oo naman. Marami akong nadidiscover sa sarili ko. Maraming nakikilala"

"May nagpaparamdam ba sa'yo ngayon or nanliligaw na?"

"Meron. Pero date date lang. Nag eenjoy ako ngayon."

"Naaalala mo pa ba siya?"

"Mas madalas ang hindi"

"Pwedeng favor?"

"Ano yun?"

"Pakilala mo nga sa'kin yung mahilig mag-ungkat niyang first love mo. Dyombagin ko lang ng slight!"

"Sira, hindi na kelangan noh. Nagets ko na"

"Ok ka na?"

"Oo"

"Ay siya, labas na! Kanina pa nangangatok ate mo, naparami yata kain kanina"

"Salamat ha"

"Wala yun, alam ko naman babalik ka pa ulit!"

"Oo na...ikaw na..ikaw na"

"Favor ulit pwede?"

"Ano na naman?"

"Pwedeng magsuklay ka? Pumapangit ako e! Baka lalong ma-zero lovelife natin niyan sa itsura mo.."

Sunday, May 9, 2010

Grazie Mille!!

Ngayon araw na ito marami akong gustong pasalamatan. Pinangungunahan ko na kayo hindi ako endorser, masyado lang silang naging mahalaga para sa akin sa loob ng 23 yrs. (di ako sure). Kumbaga kung wala sila, hindi rin ako makakapagsulat sa blog na ito. Simulan natin ang listahan:



1. Airmail envelope - salamat sa border mo sa tagiliran, naipapadala ng tita ko ang nais niyang ibalita sa aking mama kung ano na ang nangyayari sa amin ni ate sa Italy. Dahil sa'yo napapawi ang lungkot ng mama ko kasi kalakip ng mga sulat na iyon ay litrato namin. Ikaw ba naman makakita ng magagandang nilalang pag hindi ka natuwa..LOL

2. Post Office (kasama ang mga empleyado) - Salamat dahil hindi naliligaw ang aming sulat at walang ibang nakakalaam ng laman nito maliban sa amin (baka kasi kunin picture ko :P )

3. Polaroid - Salamat dahil maganda yung mga litratong natatanggap namin kay mama at siyempre salamat sa bulsa sa likod kapag nadevelop ang litrato mo.. nasisingitan ni mama ng pera kapag nagpapadala (yun naman talaga ang totoong reason ng pagpapasalamat na 'to :D)

4. SPEED - papaliwanag ko pa ba?? Dito kasi nagpapadala si mama ng pang allowance sa bahay, mga ilang taon din yun.

5- PLDT at DIGITEL - Salamat dahil kahit mahal ang binayaran namin sa internet nung nagpakabit kami sa inyo, naging tulay pa rin kayo upang palaging may update kami nila mama sa isa't isa. Kahit pa noon hindi ko masyadong kinakausap si mama, malaki rin naitulong niyo kasi atleast alam namin na safe ang bawat isa.

6. Goldilocks- Salamat sa mga cake na ibinenta mo sa amin tuwing may handaan lalo na noong 7th birthday ko. Hindi ko makakalimutan yung araw na 'yun kasi si Mama pa yung umorder sa inyo from Italy ng cake ko.. HOW SWEET!!

7. Magnolia Pinipig - Salamat sa'yo kasi nakakapagbonding kami ng mama ko lalo na nung nagstay na siya dito sa Pilipinas. Good to know na may similarities pala kami ng mama ko sa pagkain. hehe

8. Sacred Heart College (Lucena City) - Salamat sa retreat na ibinigay niyo sa amin. Dito ko unang nareceive ang sulat galing kay mama na para sa akin lang talaga. Hanggang ngayon nakatago pa rin sa akin iyon. Naiyak kaya ako dito.

9. Jollibee - Hindi ko matandaan kung anong taon ito. Pero ito ang pinakaunang beses na lumabas kami nila mama at ate nung mother's day. Sobrang saya ko nito kasi nagbonding kaming tatlo. Ang mama kasi tamad lumabas lalo na pag may okasyon, nakokornihan siya.

10. Manasa Resort (Tayabas, Quezon) - Dito daw ako naghysterical nung nagbreak kami ng boyfriend ko. Although may ibang nangyari dito na hindi maganda, naramdaman ko parin ang pag alalay ni mama sa akin kahit hindi niya masabi.

11. MMG Hospital - SALAMAT!

12. Globe Telecom - Salamat kasi nauso sa inyo ang roaming, kahit pa 15 ang text, ok lang masabi ko lang sa mama ko na namimiss ko na siya.

13. Yahoo Messenger at Skype (ngayon) - Salamat sa voice chat at webcam capabilities niyo. Atleast kahit bumalik na si mama sa Italy, nakikita at nakakausap ko pa rin siya.

14. Lucena City - salamat kasi sa loob ng halos 12 years, nagkasama kami ng mama ko yung hindi panandalian lang kungdi yung sa pag gising at pagtulog ko araw-araw alam kong andiyan siya.

15. At pinakahuli kong pasasalamatan ay ang nag-iisa at ang pinakaimportanteng babae sa buhay ko, ang aking MAMA. Gusto kong sa susunod na Mother's Day tanging 14 at 15 na lang ang pasasalamatan ko. Hindi ko maisulat kung anong gusto kong sabihin sa iyo. Alam kong marami akong naging pagkukulang bilang anak. Pero babawi ako mama, bumalik ka na at..Miss na kasi kita. Gusto kong marinig mo mula sa kin ang mga gusto kong iparating, yung andito ka sa harap ko, yung mayayakap kita. Miss na miss na kita Mama. Sa ngayon, magttyaga muna ako sa YM o Skype, dahil alam ko kailangan mo ng panahon. I Love you Mama... Happy Mother's Day!



Wednesday, April 28, 2010

Kung Pwede Lang Naman


Dear Mr. Right,


Hi kamusta ka na? Kung ako naman ang tatanungin mo ok naman ako kahit medyo naiinip na sa pagdating mo. Iniisip ko na lang na baka nagpprepare ka ng bonggang bongga kaya hindi ka pa nagpapakita sa akin. Malapit na naman kasi ang birthday ko at sa pang labintatlong pagkakataon ikaw pa rin ang gusto kong maging regalo sa espesyal na araw na iyon. Siya nga pala marami ng nagbago simula nung huling sulat ko. I-uupdate na kita para makapg-adjust ka agad bago tayo magkita.


Naaalala mo pa ba yung lugar na sinabi ko sa’yo na dun tayo magkikita? Dinedevelop na siya ngayon, gagawing subdivision kaya naghanap na lang ako ng bagong lugar para naman maging memorable pa rin ang first meeting natin. Nakaattach dito yung address nung place at yung seat plan nating dalawa. Pag-aralan mong mabuti, sana magreply ka kung may iba ka pang suggestion.


Nga pala, huwag kang masyadong magswimming ngayon ha, mahirap na baka masyado kang umitim. Maganda yung tamang tama lang yung kulay ng balat mo. Yung magcocompliment sa kulay ko. Oh di ba pag nagdadate tayo, we look good together, kulay pa lang ng balat. Speaking of date, mahilig ako ngayon sa mga Italian dishes so kung magpplano ka, magrefer ka na lang sa list na isinama ko rin dito. I know medyo may kamahalan sila pero di ba manager ka na nga sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo. At isa pa hindi naman bagay na magpapark yung kotse mo sa turo-turo lang, out of place yun sigurado. Tsaka love mo kaya ako, so you’ll only want the best for me.


Teka, anime look pa rin ba ang gupit mo? Nagtatrabaho na kasi ako ngayon kaya sana mas maganda kung presentable o corporate look ang style mo. Try mong magbrowse sa men’s magazine na latest issue para magkaidea ka kung anong hairstyle ang babagay sa’yo. Idamay mo na nga pala yung outfit. Basta dapat sa first meeting natin Blue ang kulay ng shirt/polo mo para mas madali kitang maispatan.


Alagaan mo yung sarili mo ha. Kain ng maayos at huwag palaging magpupuyat. Baka tubuan ka ng pimples, alam mo namang di ko type ang may tigidig sa mukha. Hindi ko maimagine na kumiss sa ganun kahit beso lang. Nagdidiet ka pa rin ba? Hope so. And bawal umabsent sa gym session ha. Baka mamaya bigla kang lumobo niyan. Patay na, baka maging perfect 10 tayo. Pagtatawanan ako ng family ko.


Ano pa bang sasabihin ko? Mukha namang ito lang yung iuupdate ko sa’yo. O sige, iiwanan ko nalang ulit itong sulat sa may tabing dagat. Kasi di ba dun mo nga ‘to makikita at hahanapin mo na ako. Huwag kang mag-alala para hindi ka na masyadong mahirapan, nilagay ko na yung address ko. Baka kasi hindi ka na naman umabot sa birthday ko. Maghihintay na naman ako ng isang taon.


Yung mga sinabi ko ha, wag mong kakalimutan!!! See you on my birthday!!




Love,

Ms. NBSB


P.S.

Nakalimutan kong sabihin, di ko na trip ang white roses, masyado nang palasak. Tulips na lang ang dalhin mo sa birthday ko, kahit isang dosena lang.

Wednesday, April 7, 2010

Ang Babae sa Jeepney

Pagsakay mo pa lang, napansin agad kita. Ang bango bango mo, napakainit ng panahon pero parang ang prekso presko ng iyong amoy. Hmmmmm, papalapit ng papalapit ang halimuyak, para akong namamasyal sa malawak na kaparangan na napapaligiran ng mga bulaklak. Halos mabaliw baliw ako nung pumuwesto ka sa tabi ko.

Nagkatinginan tayo, ngumiti ka. God, ang puputi ng mga ngipin mo at pantay pantay pa. Napatawa ka sa akin, siguro kasi ilang minuto na akong titig na titig sayo.Sa hiya tumingin na lang ako sa may bintana, pero palihim pa rin akong sumusulyap. Buti na lang matagal pa bago ako bumaba atleast mapagnanasaan este matitigan pa kita.

Inabot ko ang bayad mo. Sinigurado kong maglalapat ang ating mga kamay. Ang lambot parang sa bata. Hindi kita binibitawan, ang sarap sarap mo kasing haplusin. Nagtataka ako kung bakit hindi ka bumibitaw pero ineenjoy ko na rin. Hindi naman araw araw na may nakakasakay ako ba kasing ganda mo. Dahan dahan kong binitawan ang iyong mga kamay para muling humaplos sa aking balat ang iyong kakinisan. Marami pang sumakay sa jeep, pero sinigurado kong sisiksik ako sa tabi mo. Siyempre ikaw ba naman lalayo pa kapag may magandang tanawin ka nang nakikita?

Iilan na lang tayo sa jeep at naisipan kong itanong ang iyong pangalan. Nice meeting you Hannah kung alam mo lang lalong umiinit ang panahon habang katabi kita. Siyempre sa isip ko lang yun sinasabi baka mamaya makatikim ako ng sampal katanghalian. Ilang minuto rin kitang nakausap bago ka bumaba. Ngingiti ngiti pa ako sayo habang dumadaan ka sa harap ko. Sinuklian mo rin ako ng ngiti at napatawa ka pa nga. Natawa rin ako , pero saglit lang kasi nung malapit ka nang bumaba hinawakan ng lalaking nasa unahan mo ang iyong mga kamay.

Bigla akong nilamig habang tanaw tanaw ko kayo papalayo sa jeep. Napakainit ng panahon pero parang gusto kong magjacket ng mga oras na iyon. Iiling iling ang driver ng jeep na sinasakyan ko samantalang mukhang naaawa na ang aking mga kasakay . Parang tumigil ang oras nang bigla kong nakapa ang aking bulsa.

“%^&*#$@#$#$ nadukutan na pala ako.” Kaya pala walang nagvivibrate sa aking pantalon, nakuha na ang aking cellphone. Ang malala pati wallet ko natangay. Takte, andun yung pambayad ko ng tuition ng kapatid ko. Pumara na ko sa jeep, hindi ko matanggap ang nangyari. Hindi ko na rin matagalan ang nararamdamang kong kahihiyan.

“Tsk tsk, napakamanyak kasi, ayan hindi man lang naramdamang dinudukutan na.”

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design