Pages

Monday, October 11, 2010

Penpal


Mag-isa ako noon sa pwesto sa bus. Kahit nahihiya, hindi mapigilan ng aking mga mata na lumuha. Inaliw ko na lamang ang aking sarili sa mga natatanaw ko sa bintana.Napakabilis ng byahe, hindi tulad kanina na gapang pagong ang eksena ng mga sasakyan. Narating ko ang Cubao, at nagsimulang maglakad upang makauwi sa aking tinutuluyan nang marinig ko ang pagtunog ng aking telepono. Unknown ang numero na lumabas, subalit lalo itong nakapag paiyak sa akin. Hindi ko na ininda kung sino ang nakakakita, dahil alam ko pagsagot ko ng telepono kong iyon, iisa lang ang magsasalita sa kabilang linya. Ang aking penpal.

Alam niyo kasi bago nauso ang mIRC, ym at skype e may nakahiligan akong gawin at yun ang naging daan para magkakilala kami ni penpal. Mahilig akong magtupi ng papel, hindi yung basta-bastang papel lang ha. Yung mabango na parang nakakahilo ang amoy at syempre sa papel na iyon ay madaming kwento na nakasulat. Si penpal lang ata ang nagtyaga at nakasaksi sa pagdevelop ng aking handwriting. Madami akong kwento sa kanya, madalas ay tungkol sa school at sa mga nakikilala ko. Hindi naman siya nagsasawa na basahin iyon, palagi niya pa nga akong pinapayuhan at may bonus pang sweet nothings sa hulihan ng sulat.  Nung una hindi ko alam kung dapat ko bang sagutin yung mga paglalambing niya dahil hindi ko pa naman siya nakikita Pero dahil baka hindi na siya sumulat kaya sinasagot ko na rin. Matagal din kami na ganun. Palitan ng nararamdaman sa pamamagitan ng mga letra at salita. Laging may pagbati sa mga okasyon na dumadaan sa kalendaryo.Nga pala, nakita ko na siya sa picture, in fairness maitsura siya. Sabi nga ng iba para daw kaming magkamukha. Pero siyempre dahil iba rin naman sa picture, tinanong ko siya kung kelan kami magkikita. Ang lagi niya lang sinasabi ay malapit na.

At last dumating din ang araw na pinakahihintay ko, makikilala ko na siya sa personal. Excited na excited ako, alam mo yun yung parang masusuka ka na at sobrang lakas ng tibok ng puso mo. Ganun ang pakiramdam ko sa mga oras na yun buti na lang sinuportahan ako nang aking pamilya at sinamahan nila ako sa airport kung hindi baka nagcollapse na ako. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin o iakto sa kanyang harapan. Para bang gusto kong bumalik sa sasakyan at isulat na lang na masayang masaya ako sa kanyang pagdating. Maya-maya pa ay sumigaw na ang tita ko, andito na pala si penpal. Andito na ang mama ko.

Masaya ako subalit hindi pala magiging ganun kadali ang lahat. Akala ko para pa rin kaming nagsusulatan sa isa’t isa, simpleng magpenpal. Subalit mas komplikado pala kapag nagkasama na kaming mag-ina. Noong una, ingat na ingat ako sa aking kilos at mga salita. Nakikita ko kasi yung reaksyon niya, parang natatakot ako na hindi siya matawa sa mga kwento ko o kaya naman magalit siya kung may ginawa akong kalokohan. Highschool pa naman ako noon. Medyo napapabarkada at nais subukan ang lahat ng makitang bago sa paningin.

Minsang nagkamali, inasahan ko na makakarinig ako ng sermon o dili kaya nama’y malalatayan ang aking mga hita. Subalit wala man lang nangyari sa dalawa. Tinanong lang niya ako na para bang nirereverse psychology. Hinayaan lang niya akong nakahiga at mag-isip. Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot kasi iniisip ko bakit yung iba konting mali lang inuulan na ng sermon at palo. Bakit ako yun lang? Pagtagal-tagal naintindihan ko din siya. Effective nga naman, mas natatakot akong gumawa ng mali kasi alam kong wala namang dahilan para magrebelde. Kakaiba rin itong penpal ko, wais. :-D  

Marami kaming nabuong alaala sa bahay na kasama ko siya. Pareho kaming tahimik subalit nakahanap kami ng paraan para magkalapit. May mga bagay na idinadaan ko pa rin sa sulat pero sinubukan ko rin naman na magkausap kami. Magsisimula sa simpleng kwentuhan na hahantong sa pagsasabi ko sa kanya ng aking mga problema at mga nangyayari sa akin sa labas ng aming bahay. Siya naman ay magkkwento rin ng mga pangyayari sa buhay niya at kung anu-ano ring kalokohan nung highschool pa siya. Para kaming naging magkapatid. Walang mga sikreto at parehong kinikilig sa buhay pag-ibig. Napakasaya ng bawat sandaling iyon. Parang nabura na sa aking puso si penpal at may pumalit na sa kanyang lugar. Ang aking mama.

Akala ko habambuhay na kaming ganoon. Na sa kanyang pagtanda ay magkakasama kami. Hindi pala. Dumating ang panahon na kailangan naming maghiwa-hiwalay.Nagkaroon ng problema na sumubok sa amin at ang nagsilbing haligi ng aming tahanan ay bumigay. Dagdag pa dito, nagkapamilya na ang aking kapatid at nagtrabaho naman ako dito sa Maynila. Naramdaman ko ang naranasan niya nung nasa ibang bansa pa siya. Yung gugustuhin mong umuwi pero hindi pwede kasi magastos, kasi kailangan mong magtipid para sa Pasko ay may maiiuwi ka sa iyong pamilya. Yung titiisin mo na hindi makapunta sa mga espesyal na okasyon ng iyong pamilya kasi tatama sa araw na may trabaho, na babawi ka na lang sa susunod. Yung alam mo na may dinaramdam ang isang miyembro ng pamilya ngunit idinadaan mo na lang sa iyak at dasal kasi may mas magagawa ka kapag magkakalayo kayo.  Ilang buwan din kaming ganito at nag-aadjust sa bagong set up nang magdecide ang aking mama na umalis muli. Bumalik sa ibang bansa hindi para magtrabaho kundi para magpagaling at magpahinga. Yun kasi ang mas makakabuti, yung malayo siya, malimutan ang lahat ng nangyari.

Araw ng kanyang pag-alis, naghalfday ako sa aking trabaho. Inisip kong aabot naman siguro ako dahil gabi pa ang kanyang flight.Ngunit nagsungit ang tadhana sa akin, naging mabagal ang andar ng mga sasakyan. Nang makarating ako sa airport, wala na siya. Umuwi akong hindi man lang siya nayayakap at nasabihang maghihintay muli ako sa kanya.Kaya naman ng tumunog ang aking telepono pagbaba ko sa bus, hindi ko na napigilang umiyak.
             Oo, talagang iniyakan ko ang tawag na iyon.Maraming bagay ang pumasok sa aking isipan. Na sana umabsent na lang ako. Na sana naiparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Na sana ganon kadali malimutan ang masasamang pangyayari para hindi na lang niya kinailangang umalis. Na sana hindi na lang dumating ang mga taong sumira sa masaya naming pamilya para hindi kami ganito. Magkalayo. Ang tagal na panahon bago kami nagkakilala tapos sa isang iglap magkakahiwalay na naman.  

             Tinanong niya kung nasaan ako. Sabi ko naglalakad pauwi. Sabi niya, pasensya na daw at hindi ako nakaabot. Hindi na daw kasi sila pinalabas after magcheck-in ng luggage. Natahimik kami. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko sa kanya. Tapos sabi niya baka naman daw mag-asawa na ako, wag daw muna. Napaiyak lalo ako. Siyempre pag dumating yung part ng yun ng buhay ko gusto ko kasama ko siya. Madami pa kaming napag-usapan pero hindi ko na maalala  ang tangi ko na lang naalala ay ang pangako niya. Pangako na sa tamang panahon ay uuwi siya at magkakasama-sama na kami ulit.. Panghahawakan ko ang pangako niyang iyon, kaya ko namang mag-intay katulad ng pag-aantay na ginawa ko noon. Para lamang makilala ang aking penpal. Ang aking mama.


***

            Mag-iisang taon na siyang nasa Italy. Hindi pa rin naman kami nawawalan ng komunikasyon. Bagamat hindi na sa paraan na aming nasimulan, yung nagsusulatan, mas naging madali sa amin na maging magkatawagan naman. Atleast doon, naririnig ko ang kanyang tinig. Nararamdaman kong unti-unti na siyang nagiging handa sa kanyang pagbabalik. Sana hindi na magtagal, sabik na kasi ako sa kanya. At kapag dumating ang araw na iyon, hindi na ako malalate. Hindi ko na palalampasin ang araw na iyon. Paghahandaan ko na ang pagbabalik ng aking mama. Ng pansamantalang phonepal ko.








29 comments:

  1. na touch ako sa kwento mo, parang na inspired ako na kwento rin ang ofw experience this time ang penpal ko ay ate ko naman

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa pagbahagi mo ng kwento ng iyong buhay sa pamamagitan ng blog na humaplos sa puso ng mga OFW na katulad ko.

    Bilang pagdakila sa mga sakripisyo ng iyong ina at ng mga OFW sa iba't ibang bahagi ng mundo, inaanyayahan kita na lumahok sa PEBA 2010 bilang nominado upang ang iyong panulat ay makapagbigay ng inspirasyon sa malakaw na manbabasa ng blog.

    Isang malaking karangalan kung iyong mapapaunlakan ang aming kahilingan na bisitahin ang PEBA 2010 at maisumite mo ang iyong poste sa pamamagitan ng pagsumite ng Nomination Form. (http://www.pinoyblogawards.com/p/nomination-form.html)

    Maraming salamat at umaasang makakasama ka sa mga listahan ng Nominada. Pagpalain ka ng Maykapal.

    ReplyDelete
  3. Ang istoryang iyong ibinahagi ay pumukaw sa puso ng Driver. napakamakabuluhan at may kurot sa pusong paglikha. :)

    ReplyDelete
  4. i love how you presented the story, it not only touches the heart but embrace it.

    good luck to boht of you, and kapag dumating siya, (pasalubong namin.. eheheks..) catch up and show more of your love for her..

    ReplyDelete
  5. galing mo tlga sis. Pinaiyak mo na namn ang big sister mo... miss ko tuloy lalo si mama... ingat ka lagi!

    ReplyDelete
  6. awww...nakakareleyt ako dito ate. :((( sana, dumating ang araw na makasama mo na si mama mo at di na kayo ulit magkakahiwalay. God bless, and goodluck sa PEBA!:)

    ReplyDelete
  7. OMG... am touched!!! please make more blogs....

    ReplyDelete
  8. galing mo po...hope mabasa nya to...nkakaiyak:(

    ReplyDelete
  9. Awww... =(
    Super nadama ko yung mga sinabi mo... Magaling yung pagkakakwento kasi nakakadala... Malinis. I wish you all the luck...Sana manalo ka both sa awards at sa heart...

    Goodluck !!!

    ReplyDelete
  10. hmm, nice ^.^ i like it...
    magkakasama rin ulit kau... just wait for the right time.
    GOD IS GOOD..

    GOD BLESS =)

    ReplyDelete
  11. kaka-touch. naalala ko rin ang time na ang aking mother ay nag abroad din. sana masaya kayo palagi

    ReplyDelete
  12. awts, bka maging member na din ako ng ofw next year ",)

    ReplyDelete
  13. Salamat sa pakikiisa sa simulain at mithiin ng PEBA. Good luck sa entry mong ito.

    ReplyDelete
  14. Ahihi sabi ko na nga ba entry ito sa PEBA, damang-dama eh! Good luck, I hope you win!!!

    ReplyDelete
  15. nice one.
    sana di ako malate!hahaha
    =)

    ReplyDelete
  16. nice one.
    sana di ako malate. =)

    ReplyDelete
  17. nakakaantig ng damdamin.
    Pero sabi nga, di pa tapos ang kwento, looking forward for the next chapter. =)

    ReplyDelete
  18. akala ko nung una penpal na jowa un pla mama mo.hehehe

    sana magkasma na kayo uli ng mama mo para mas sumaya ka pa..

    ReplyDelete
  19. nice one!touching story....

    wish u both goodluck ng PENPAL mo.. nxtym magleave ka nah

    ReplyDelete
  20. hi madz.. lam mo naman na friend mo ako.. kaya ang suporta ko sa iyo ay buong buo.. naiintindihan ko yang nararamdaman ko.. kasi ako din naranasan ko yan.. nug ako ay nagpaalam sa aking GF.. ng ako ay kangyang hinatid sa airport sabi ko.. sana niyakap ko pala siya ng todo.. nahiya kasi ako sa mga tao nun.. pero ng nasa loob na ako ng airport.. gusto kong bumalik sa kanya para gawin un.. kaso hindi na pwede.. nanghihinayanag talaga ako nun.. wla akong nagawa kung hindi umiyak na lang.. hahaha.. sabi ko.. kung bibigyan ulit ako ng chance na makapagpaalam sa kanya ulit.. hindi na ako mahihiya sa harap ng mgatao.. yayakapin at hahalikan ko sya ng todo.. ipaparamdam ko sa kanya na mamimiss ko sya ng sobra.. kaya ikaw if ever dumating ulit sa point na un.. paramdam mo na sa tao ung nararamdaman mo.. nagustuhan ko talaga itong blog mo.. super like..

    ReplyDelete
  21. clap clap clap..

    ang ganda ng story..sana manalo ka ate madz..goodluck sa'yo.. =))

    ReplyDelete
  22. One of the best PEBA entries I read so far. Full of emotions. Good luck to you, and may God bless you and your mama always!

    ReplyDelete
  23. Of all the 12 entries, this is the one that I didn't get to read the most mainly kasi "nagsungit ang tadhana" at may kung ano anong weird colors na lumabas sa browser ko making it difficult for me to read your entry and I was like, "Oh typical love story" only to realize na hindi pala! haha

    Tulad mo, hindi pa huli ang lahat, I will have to change my rating on you kasi you did a great presentation. I could really feel your love and longing for your penpal. Thank you for sharing :) Best of luck to you!

    ReplyDelete
  24. CONGRATULATIONS! for winning the 2010 PEBA.

    I really don’t know how I got there but I’d like to say a big thank you to all of you that voted – it wasn’t so much about the title or the trophy, but the amazing community here that took the time to vote for me.

    ReplyDelete
  25. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design