Para mas effective, ilagay mo sa bituin ang iyong hiling at palagi mo silang tignan, mapapansin mo na lang natutupad na ito.
Di ba dapat humiling lang kasi malayo, di mo abot?
Ikaw lang nag-iisip nun.
Weird ka.
Isang beses, malalaman mo rin ang sinasabi ko.
*****
Makilala yung babae sa may duyan.
Anim na taon pa lamang kami nun. Habang ako’y nasa duyan sa may palaruan sa barangay, isang patpating lalake ang lumapit sa akin at nakipagkilala. Dahil sa takot, dali-dali akong tumakbo papalayo habang nakatingin sa kanya.
Pagdating ng pasukan, nakita kong muli ang lalaking iyon at ilang taon ko rin siyang naging katabi sa upuan dahil magkapareho kami ng unang letra ng apelyido. Di na ako natatakot sa kanya. Mabait pala si Emong, ang bestfriend ko.
Maisayaw si Missy sa prom.
Sabay sa isang love song, habang nakayakap sa akin si Emong ay binulong niya sa akin ang mga salitang. “Mahal Kita”. Naiyak ako habang sumagot sa kanya nang “Lilipat na kami ng tirahan, sa Maynila daw ako magka-college”.
Makapagtapos ng kolehiyo at hanapin si Missy.
Isang araw habang naglalaba, ay may kumatok sa aming pintuan. Pagbukas ko ng pinto, andun si Emong, may tangan na mga bulaklak. Mula noon, gabi-gabi ay naging bisita na namin siya. Nanliligaw.
Mapasagot ang babaeng minamahal ko.
May 5, 1990. Muli niya akong sinayaw sa aming terasa at binulungan ng ‘Mahal Kita’. Muli akong napaiyak habang sinasabing ‘Mahal din kita Emong’.
Makasama sa isang bubong si Missy at bumuo ng pamilya kasama siya.
Dinala ako ni Emong sa isang subdivision. Sabi niya may dadalawin lang kami. Pero pagdating namin doon, nagulat ako sa nakasulat sa tarpaulin sa isang bahay doon.
“Nalulungkot na ako ng walang laman. Pwede bang busugin niyo ako ni Emong ng inyong pagmamahalan?”
I became Mrs. Cardinal. Garden wedding, doon sa Baguio.
Tapos yun na, nasunod na yung kahilingan ng aming bahay. Nagbunga ang pagmamahalan namin ni Emong. Nasundan pa ng dalawa.
Mahalin si Missy at aming mga anak habambuhay.
*****
Matagal ng bilin ‘to ni kuya, ibigay ko daw sayo kapag wala na siya…
Tangan ang isang susi, ay pinuntahan ko ang dati niyang silid.
*****
Para mas effective, ilagay mo sa bituin ang iyong hiling at palagi mo silang tignan, mapapansin mo na lang natutupad na ito.
Di ba dapat humiling lang kasi malayo, di mo abot?
Ikaw lang nag-iisip nun.
Weird ka.
Isang beses, malalaman mo rin ang sinasabi ko.
Isa-isa ko silang tinitigan habang nakahiga ako sa double deck na tinulugan noon ni Emong. Inaalala ang bawat sandali na aming pinagdaanan.
Tama siya, matutupad nga ang iyong mga hiling kapag inilagay mo ito sa mga bituin.
Mula sa mga cut-out na hugis bituin ay nakasulat ang mga nangyari sa amin.
Unang bituin. Makilala yung babae sa may duyan.
Pangalawa. Maisayaw si Missy sa prom.
Pangatlo. Makapagtapos ng kolehiyo at hanapin si Missy.
Pang-apat. Mapasagot ang babaeng minamahal ko.
Panlima. Makasama sa isang bubong si Missy at bumuo ng pamilya kasama siya.
Pang-anim. Mahalin si Missy at aming mga anak habambuhay.
Napapikit na lamang ako. Damang dama ko ang pagmamahal sa akin ng isang kaibigan, ng isang minamamahal.
Paglabas ko ng kwartong iyon, habang dala-dala ang mga bituin ni Emong, ang mga pangarap niya para kami’y magkasama, naririnig ko na lamang sa aking isipan ang laman ng sulat na kanyang iniwan.
Missy,
Simula ng makita kita sa duyan, alam ko na ang misyon ko sa buhay, yun ay mahalin ka. Alam ko magkalayo ang estado natin noon, pero hindi ko inisip na magiging hadlang ito para makasama ka. Katulad ng mga bituin na nakikita mo ngayon sa ilalim ng kama ng aming bunso, alam kong kailangan ko lang maniwala na abot-kamay lang kita. Kaya naman gumawa ako ng sarili kong mga bituin. Yung magdadala sa’yo sa akin.
Paggising ko sa umaga sila yung nagbibigay sa akin nang liwanag at pag-asa na magagawa ko ang lahat. At sa gabi, sila yung nagbibigay sa akin ng ngiti dahil alam ko bago ako matulog ay natupad na ang isa sa aking mga hiling.
Hindi ako nawala, mahal ko. Hindi rin ako malayo dahil alam ko, andyan lang ako...sa puso mo at sa puso ng ating mga anak. Pagdating ng panahon, alam kong magkakasama rin tayo, gagalaw sa iisang kalangitan habang binabantayan ang ating mga anak.
Mahal kita Missy. Habambuhay.
Emong
*********
Ang year-end post na ito ay inaalay ko sa mag-asawang Zyra at Lester. Happy Anniversary sa inyong dalawa.
Kayo ang bituin na palagi kong tinitignan. Sa inyo nakasulat ang pangarap ko na isang araw, darating din ang taong makakasama at mamahalin ko sa mahabang panahon.