Pare ano, sumama ka na. Big time yung bahay na aakyatin namin, tiba-tiba tayo dun.
Mahirap na baka mahuli tayo.
Sisiw lang yun pre, sanay na naman kami sa ganyan. Kunin mo lang kung anong gusto mo tapos sa’yo na yun. Bahala ka na kung san mo ipagbebenta. Isipin mo pati yang si Bong. Patikimin mo naman ng mamahaling pagkain, kahit Jollibee man lang. Tignan mo mga anak ko, paminsan minsan eh nakakapag-Andoks. Diskarte lang pre.
Ano bang plano niyo?
Sa Lunes. Puntahan mo ko dun sa dating bigasan, alas-kwatro ng hapon. Diretso na tayo dun sa target.
Sige pag-iisipan ko.
Muli akong tumingin sa aking anak na nanonood ng telebisyon sa kapitbahay. Tila napansin niya ito at napatingin din sa akin. Maya-maya pa'y tumakbo na siya papalapit at sinisigaw ang isang sikat na kainan.
'tay!jabi, jabi. Kain Bong jabi ha! Sabay turo sa komersyal sa tv kung saan sumasayaw ang mga mascot nito.
Tatlong taon na simula ng iwan sa akin si Bong ng dati kong kinakasama na si Michelle. Pumunta ito ng ibang bansa para maging domestic helper sa Taiwan. Bagama't hindi sa akin, naging mabuti pa rin naman ang pakikitungo ko kay Bong. Nang tumagal nga'y inako ko na rin siyang parang tunay na anak.
Ngunit makalipas ang ilang buwang pakikitawagan ay hindi na nagparamdam si Michelle sa amin at ang pangako nitong magpadala ng buwanang sustento ay hindi na natupad. Kaya naman, ang pinagkukunan lang namin para sa pang araw-araw na gastusin ay yung kinikita ko sa pagkukumpuni ng sapatos at payong.
Mahirap ang buhay para sa amin ni Bong. Minsan nga naiisip kong ipamigay na lamang siya o kaya'y ipaampon. Subalit kapag tumitingin na siya sa akin at ngumingiti, naiisip ko na kakayanin ko pa naman. Na makakaraos din kami.
Ngayon, isang pagkakataon ang binibigay sa akin para makalasap ng kaginhawaan ang aking anak. Ano ba ang dapat kong gawin?
Sunggaban ito o talikuran?
'tay jabi, jabi...
Ginulo ko ang buhok ni Bong. Ngumiti siya at mahigpit na yumakap sa akin.
Sa pagkakataong iyon, naging malinaw ang sagot sa tanong ko kanina. Alam ko na ang gagawin ko.
Aalis ako sa Lunes.
**********
Lunes ng gabi. Pawisan at hingal na hingal kong tinahak ang daan pauwi sa bahay. Patingin-tingin ako sa paligid habang tinatanggal ang gloves na nakasuot sa aking kamay. Damang-dama ko pa ang pamamanhid ng aking mga kamay. Subalit, mahigpit pa rin nitong hawak ang isang supot na mayroong mascot na drowing sa gitna.
Sinundo ko si Bong sa kapitbahay. Tuwang tuwa ang bata habang pinagmamasdan ang aking dala.
Nginitian ko siya subalit may luhang sumusungaw sa aking mga mata.
Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakabuhol ng supot at inilagay sa hapag kainan ang binili ko para kay Bong.
Hinintay ko ang kanyang reaksiyon.
Mataman niyang tinignan ang pagkaing nakahain. Maya-maya pa'y kinuha nito ang supot na pinaglagyan nito at lumapit sa akin habang tinuturo ang nakadrowing na mascot dito.
'tay jabi jabi...
Anak pasensya ka na kung hindi ka naibili ni tatay ng gusto mong pagkain ha. Hindi ko yata kakayanin na makulong at mahiwalay sa'yo. Sa susunod pangako, bibilhan kita. Nakakuha ako ng trabaho diyan sa may ice plant. Regular na trabaho. Pasensya muna ngayon ha.
Tinignan akong muli ni Bong na tila naiintindihan ang aking sinabi. Tuluyan na akong napaiyak sa kanya noong kumuha siya ng kutsara at nagsimulang humigop ng sabaw sa dala kong lugaw.
Nakangiti pa siya habang nilalantakan ang pagkain at hawak hawak ang supot sa kabila niyang kamay.
gusto kong magbasa ng ganitong kwento, mga kwento ng pakikipagtunggali sa kahirapan. magaling ang nais ipahiwaitg..
ReplyDeletemagandang araw po sa inyo :)
Sis, naiyak naman ako sa kwento mo? Di ko napigilan, nasa office pa naman ako.. hehe.. Pero ang ganda at very inspiring. Buti na lang ay pinili ni tatay na hwag gumawa ng masama. Sana lahat ng nagigipit katulad nya, may iba pa namang paraan, hindi lang ang pagnanakaw at panglalamang sa kapwa. :)
ReplyDeleteakala ko magagawa niya yun.
ReplyDeleteang ganda ng kwento ate mads.
:)
ang ganda ng istorya.... napakagandang inspirasyon ito, lalo na sa panahon ngayon... na ang kahirapan ay sadyang talamak..
ReplyDeleteKeep it up madz!.. :D
ang weak ko talaga sa mga ganitong kwento. hehe.
ReplyDeleteTaga saan ba yang sila bong at mauwian ng gusto nyang jabi.
ReplyDeletekaya naman pala namamanhid ang kamay eh, sa ice plant nagtrabaho. Nice one. :)
Pang Indie Film. Pwedeng kalabanin ang "Busong".
ReplyDelete