11:30AM
Sakto.
Lilingon lang ako sa likuran at alam kong nandyan ka na dala-dala ang ang baunan na isang taon mo nang bitbit simula ng magkakilala tayo.
Isang dilaw at isang asul na magkapatong na lalagyan.
Asul para sa akin at dilaw naman para sa’yo.
11:20AM
Inilabas ko mula sa aking bag ang baunan na isang taon ko nang dinadala tuwing kumakain tayo.
Isang dilaw at isang asul na magkapatong na lalagyan.
Dilaw para sa’yo at asul naman para sa akin.
Samu’t saring kwentuhan. Tungkol sa buhay, kaopisina, mga pinagkakaabalahan at kung anu-ano pa. Tawanan, asaran, kulitan at minsan naman yung tipong seryoso na matatamik na lang. Ganito sila isang taon na. Magkaibigan.
Matatapos ang tanghalian at muling babalik sa kanya-kanyang cubicle. Magngingitian muna bago tuluyang mawala sa paningin ng isa’t isa. At kapag tuluyan nang nakaupo, sisilay ang lungkot sa kanilang mga labi.
11:00AM
Naisipan nang isang kaopisina na manlibre ng tanghalian. Pinuntahan kita sa pwesto mo para sabihan ngunit wala ka. Nakita ko sa isang sulok yung baunan at tinignan na din ang dala mong pagkain. Inuna yung asul dahil ito yung para sa akin. Sumunod naman yung dilaw…. natigilan ako sandali bago ito sarhan at bumalik sa aking pwesto. SInabi ko na din sa aking kaopisina na hindi ako makakasama sa lunch out nila.
12:30PM
Hindi ko na muling binuksan ang baunan. Alam ko naman andun pa rin yung tatlong balat ng kamatis na hugis bulaklak. Mahigit isang taon ko na itong tinititigan tuwing uupo ako sa aking pwesto pagkatapos nating kumain.
Bumalik ako sa pantry dala-dala ang mga baunan na ginamit natin isang taon na halos ang nakakaraan. Hinayaang mapasama sa mga kalat at tira-tirang pagkain na itinapon ng mga kaopisina. Siguro kailangan ko na ring tigilan ang kalokohan kong ito. Dahil hindi ko na yata masasabi pa ang nararamdaman ko.Hindi ko na maibibigay ang simbolo ng totoong nilalaman ng puso ko.
Tatlong balat ng kamatis na hugis bulaklak na nakalagay sa dilaw na lalagyan. Yung totoong inihahanda ko para sa’yo.
12:30PM
Simula nang makita ko yung tatlong balat ng kamatis na hugis bulaklak, iniisip ko na para sa akin ang mga iyon. Ngunit tuwing ihahanda mo na ang iyong dala, palaging napupunta sa akin ang asul na lalagyan. Ilang buwan na rin subalit sadyang wala ka yatang balak ibigay ito sa akin.
Kaya naman bago mo pa ako ayaing mananghalian kanina ay pumunit muna ako ng kapirasong papel at nagsimulang magtupi. Humanap pa ako ng pagkakataon para hindi mo ito mapansin na iniligay ko sa baunan.
Malamang simula bukas ay yung dilaw na baunan na ang ibibigay mo sa akin. Kasi siguradong malalaman mo na ganun din ang nararamdaman ko para sa’yo kapag nakita mo kung ano yung nilagay ko.
Papel na hugis puso. Nakalagay sa asul na lalagyan na palagi mong binibigay sa akin. Yung totoong para sa’yo.