Pages

Tuesday, September 24, 2013

Hello Pico!




Ang may kasalanan kasi nito ay si friend/opismate (friend 1) na nangulit kay friend/housemate/opismate (friend 2) na nabanggit ko sa nakaraang post. Naging hobby ni friend 2 ang pag-akyat sa bundok. Ngayon itong si friend 1 eh gusto daw niya umakyat ng Pico de Loro kaya nagrequest kay friend 2 na magset ng event. E di siyempre pumayag naman si friend 2. Kung tatanungin niyo kung paano ako napasali sa kulitan nilang dalawa eh hindi ko na rin matandaan.  

Alam niyo kasi nakailang invite na itong si friend 2 sa akin pero puro ako decline. Kasi naman ako yata ang reyna ng sablay. Walang araw na hindi ako nadadapa o nadudulas. Pinakamahina na dito e talisod. Kaya naman nagtaka din ako sa sarili ko kung paano nila ako napapayag. Kung alam lang nila, para akong preso na nag-aantay ng sentensiya sa sobrang takot. Lalo na nung ang pasimuno ng lahat na si friend 1 ay biglang nagback out 2-3 days before the event. Kaloka lang di ba? Ako yung sabit, ako pa yung matutuloy.

So ayun na nga, the day came. Pambihira ang lakas ng ulan! Mas maagap akong nagising kay friend 2 pero nagtulog-tulugan ako. Malay mo nga naman biglang tamarin dahil bumabagyo. Pero NO, ginising niya pa rin ang nagtutulog-tulugan kong diwa. Lintek, katapusan ko na!

Imagine niyo na lang na habang bumibyahe kami eh kitang-kita naming na nagliliparan yung mga signage ng tindahan sa labas tapos walang tigil ang ulan. Gusto ko nang bumalik talaga pramis, pero kapag tinitignan ko yung mga kasama ko, parang normal lang sa kanila yun, tuloy pa rin daw.

kala mo mainit pero ang lakas ng ulan sa labas

At yun nga, kasabay ng malakas na ulan at hangin eh ilang oras naming inakyat ang Pico. Hindi na kami nakapag summit kasi sobrang sungit ng panahon. Kahit nga yung tinatawag nilang clearing, wala rin akong naabutan. White background na lang siya, parang nagpa 1x1 photo ang style. Ganun kasama ang panahon kaya pagbaba naming napa ‘thank you Lord’ talaga ko.

early lunch muna sa DENR, hoping na titigil ang ulan

 
one of the boys


 
ang view


                                                                         summit campsite


alibangbang - landmark daw sa pico

nakangiti ba ako? lol


siyempre di mawawala ang wacky shot


team syet

Sa totoo lang kahit sinabi ni friend 2 na mukhang haggard daw itsura ko pag-akyat at pagbaba, nag enjoy ako. Sobrang malaking distraction yun ulan sa’kin para hindi ko maramdaman yung pagod. Tsaka sobrang bait ng mga nakasama ko. Imagine, nasira yung sapatos ko tapos pinahiram ako nung isa at nagtsinelas na lang siya. Tapos pinagdala pa nila ko ng gamit nung di ko na kaya. Hihihi Prinsesa lang ang peg. Pero seryoso, maswerte ako sa mga nakasama ko dahil todo assist sila tsaka naramdaman ko na wala talagang iwanan.  Pati nga yung mga nakakasalubong namin eh, nag-aassist din, ang gagalang pa. Parang magkakakilala kahit hindi naman.  Tapos may unli happy birthday song pa nung socials, kasama yung ibang mountaineers. Ang saya lang! 

Hindi ko makakalimutan ‘tong first/bday climb na ‘to. Unang akyat pa lang, bagyo na ang hinarap ko plus yung fear na mahulog o madisgrasya. Siguro nga sa sobrang takot di ko na nakuhang lagnatin eh. Haha Pero blessing pa din kasi bago ako madagdagan ng isang taon eh napatunayan ko sa sarili ko na kaya ko naman pala. Buti na lang sinubukan ko. :D

Monday, September 16, 2013

Going Solo



‘Huwag mong sanayin yung sarili mo na mag-isang bumibiyahe. Baka mamaya dahil sanay ka na, hindi ka na maghahanap ng kasama.’

Nakalipas na ang isang buwan ng sabihan ako ng ganito ng kaopisina/housemate ko. Hindi ko siya makalimutan dahil paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na walang masama sa ginagawa ko. Una, hindi naman ako nakakasakit ng tao. Pangalawa, karapatan ko naman yun di ba? Pero ewan ko ba, apektado pa rin ako. Paulit-ulit ko pa ring dyina-justify sa sarili ko na tama yung ginagawa ko, na masaya akong mag-isa.

Nagsimula ang lahat noong Valentine’s day. Nagkaroon ng seat sale sa isang airline. Matapos makapagbook ng family trip, dumale na naman ang pagka-impulsive ko. Sinubukan kong magbook ng bakasyon na ako lang mag-isa. Na-enjoy ko naman. Sa sobrang enjoy ko nga nasundan pa yun, di lang domestic kundi pati international na trip.

Ano ba ang nakukuha ko sa pag-iisa kong ito at parang sakit siya na ayoko nang mawala?

Oras. Mula pa lang sa pabubook ng biyahe hanggang sa itinerary ito talaga ang hindi ko ipagpapalit sa pagbibiyahe ko nang mag-isa. Kung kailan ko gustong umalis, kung kailan ko gustong puntahan ang isang lugar, kung kailan ko gustong kumain etsetera etsetera. Lahat ng yan ay nakadepende sa akin. 

Ex. Walang maninisi dahil late nagising at hindi na nakapunta sa isang tourist spot. Na akala mo eh maliit na issue lang pero sa next na bakasyon nila eh hindi ka na isama. 

Unwind. Kaya ako nagbabakasyon, pumupunta sa ibang lugar ay dahil gusto kong magpahinga. Maaaring sabihin mo na ‘Paano mo masasabing pahinga iyan kung bumibiyahe ka pa rin?’ Ok wag maging literal guys. Haha Ang ibig sabihin ko dito ay yung makakita ka naman ng iba sa nakikita o ginagawa mo na sa pang-araw araw. Break baga. Unwind lang, ganun. 

Ikaw lang ang maselan.  Again, ang bakasyon ay pahinga at hindi panahon para makipagdeal o makipagcompromise sa mga kasamang hindi gusto ang ilan sa mga desisyon o  gusto mong gawin sa araw na iyon. Sa mga solo travel, ikaw lang ang pwedeng magcancel sa itinerary mo. Do it as you like, ika nga. Kasi di ka naman araw-araw pinapayagan sa opisina na magleave di ba? So ayun, might as well itodo o sulitin mo na ang bakasyon.

Meet people.  Ito siguro yung masasabi kong blessing na nakukuha ko tuwing mag-isa akong bumibiyahe.  Mapa-driver ng sinasakyan kong tricycle, jeep o habal-habal, nakatabi ko sa bus o kaya naman katulad ko na turista ay hindi ako nagingiming kausapin.  Na siguro kung may kasama akong iba, eh hindi ko yun magagawa dahil kami-kami lang ang magkakaung-ungan.

Spontaneity . Hindi ko alam kung ito ang tamang term para dito pero kapag mag-isa ako, andun yung freedom eh. Mas malakas yung loob ko na gawin o subukan  ang isang bagay. Wala kasing judgmental sa tabi-tabi o kung meron man ok lang kasi hindi naman nila ako kilala. Walang rules at walang nagdidictate sa kung ano lang ang dapat kong gawin o ikilos. 

Pero hindi naman ako plastic para sabihin kong  yan palagi ang nakukuha ko sa mga biyahe. Nalulungkot din naman ako minsan, katulad kapag kumakain o lumalangoy ng mag-isa (imagine that, so sad!). Pero minsan lang yun sa buong duration ng bakasyon ko. Oo, hinahanap-hanap ko din ang company ng friends at family pero minsan pala kailangan mo ring i-appreciate yung company ng sarili mo. To be in tune with yourself. Para sa’kin kasi dito sa mga bakasyon na ‘to mas nakilala ko yung sarili ko. Kung ano ba yung nakakapagpasaya sa akin at kung ano yung dapat ko nang iwasan at itakwil sa buhay ko. Mas nagiging totoo ako sa kung ano ang tunay na buhay at drama lang.

Hoy ha, hindi ko ito isinulat para hikayatin kang magbiyaheng mag-isa. Dahil hindi mo rin naman ako agad-agad mahihikayat na mamundok, sumali sa triathlon, magbadminton at kung anu-ano pang hobby na nakahiligan mong gawin. 

Sinulat ko ito dahil, ito yung alam kong ikwento, ito ang expertise ko. At siguro rin kasi, ito yung written justification na gusto kong malaman ni opismate/housemate kung bakit nag-eenjoy akong mag-isa.  

Mema lang.

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design