Pages

Wednesday, February 24, 2010

Napatingin lang ako sa kanya, nagsimula na kaagad siyang dumakdak. Nakakatamad daw magtrabaho, ang init init daw kasi ngayon dito sa opisina, tumango naman ako kasi unti unti nang nag iislide sa noo ko ang butil ng pawis na inipon ko mula pa nong Christmas. Nakatanghod lang ako sa kanya, ayaw kong umimik kasi feeling ko makakadagdag sa init yung hangin na lalabas sa bibig ko. Gusto ko na nga siyang patahimikin kasi napapansin ko kanina pa padaan daan yung bisor niya. Pero mukhang wala siyang pakialam at sa kamalasan mukhang ako ata ang napili niyang kwentuhan ngayon - nakaprente na ng pwesto sa harap ko. Nagpasya ako na pagbigyan siya.



Ikinuwento niya sa akin ang mga naiisip niya tuwing ganito ang panahon. Araw. Yun daw ang una niyang dinodrawing nung bata pa siya, kahit daw kasi anong itsura kahit hindi perpektong bilog, lagyan mo lang ng mga buntot at ipupuwesto sa taas na bahagi ng papel, understood na araw na daw yun. Tapos minsan pag hindi niya maperfect ang araw tinatago niya na lang daw ang kalahati nito sa dalawang umbok ng lupa. Sasamahan ng mga guhit na animo'y pang tic tac toe pero lalagyan pala ng damo. At pinagyayabang pa niya habang kinukwento ang bahay kubo na pang finish niya sa sa kanyang obra.Tawa siya ng tawa kasi kapag kinukulayan na daw niya ang obra niyan iyon, tanging sa araw lang raw siya nagiging malaya. Kapag kasi maraming lampas na kulay at di sakto sa guhit, sinasabi daw niyang masyadong mainit ang panahon at kabaligtaran naman kapag salat ito sa kulay. Tinanong ko kung tinatago niya ba lahat ng drawing niya, sabi niya lang:

Feeling ko ginawa na yung basket sa Payatas. Kadalasan kasi kapag sinumulan ko ng kulayan yung buong papel, nalulungkot ako kasi natatabunan yung araw. Kaya ayun sa basurahan naiipon.

….

Keso daw ang paborito niyang flavor ng ice cream. Iba daw kasi kesa sa tsokolate at ube. Kumbaga may special treat, yung keso bits daw na madadaan ng dila mo. Actually tip lang yun ng sis niya, yun raw kasi ang orihinal na may paborito ng flavor na yun. Dahil gusto din niyang maranasan ang heavenly feeling katulad ng sa kapatid niya, naging paborito niya na rin ito. Hindi na daw niya napansin ang ibang flavor, kahit pa marami nang nacreate na mas malasa kesa sa keso, kahit pa nagbago na ng paborito ang kanyang kapatid.

May napansin ako sa kwento niya pero hindi ko muna inusisa. Sabi ko baka naman nagkataon lang. Inantay ko yung kasunod na kwento niya. Nangiti siya tapos napabuntunghininga. Pinangarap niya daw maging pink five.

Huh? Anong pink five?

Para ka namang hindi naging bata, BIOMAN yun!

Nagpatuloy siya sa pagkukwento. Dalawa kami ng kapatid ko na babae sa aming magpipinsan. Nagkataon na lima kami so kumpleto ang cast ng Bioman. Pink five at yellow four lang ang pagpipilian at dahil seniority ang nangibabaw, yellow four ang nakuha niya. Pareho silang lumalaban sa kasamaan pero parang si pink five daw ang nakakakuha lahat ng credits, si yellow four nagsilbing sidekick, parang robin lang kay batman. Buti pa nga ‘tong huli nagkaron pa raw ng sarili niyang pelikula. Samantalang si Yellow four nagpahaba lang ng buhok. Dumaan ang power rangers at ibang pang hero series na may limang miyembro subalit di na raw niya inasam na maging si Annie o kung sino man siya na nakatago sa costume na pink. Masaya na daw siyang maging Yellow four, atleast walang ibang umaangkin.

…..

Akala ko nung una nagkakataon lang pero puro may kinalaman sa iisang kulay yung mga kinukwento niya. Magcocomment na sana ko kaya lang biglang dumating yung electrician na may dalang electricfan. Sira daw yung aircon magtiyaga na lang muna kami sa fan Parang signal na yung sa kanya, na ok na pwede na siyang bumalik sa ginagawa niya kaya lang mukhang wala pa siyang balak umalis sa pwesto ko.

Tweety bird daw ang favorite character niya nung nag aaral pa siya. Mula sa tsinelas hanggang sa alarm clock na panggising niya pagpasok sa eskuwelahan ay tweety pa rin ang disenyo. Kaya lang kapag nasa iskwelahan daw siya ay powerpuff girls ang kanyang idolo.

‘Yun kasi ang uso sa school, di ka “in” pag di mo kilala si Blossom, Buttercup at .sino nga yun? Ilang taon din akong nagtaksil kay tweety bird, sana nga mapatawad na niya ako.Naiintindihan mo ba?

Matagal akong nakatitig sa kanya. Sa totoo lang parang lumalampas lang sa kabilang tenga ko ang mga kinukwento niya Kailangan ko nag tapusin ang usapan na ito kasi nanunuot na talaga sa katawan ko ang init ng panahon lalo na kapag naiisip ko ang kulay na binabanggit niya kaya naisip kong huminto sa ginagawa ko at tumitig lang sa kanya.

......
Simple lang naman ang gusto kong sabihin, ayoko ng itapon ang mga obra ko, gusto kong makita ang itsura ng araw, bundok, palayan at bahay kubo sa aking mga mata at hindi sa mata ng iba. Ako ang magdidikta sa hugis, laki, at kulay nito. Nais kong angkinin ang obra ko.

…….

Gusto kong matuklasan kung may heavenly feeling din ba kapag tinikman ko ang double dutch , halo halo, leche flan at mocha flavor na sorbetes. Magbabakasakali akong matagpuan ang eksatong kombinasyon sa aking kaligayahan na hindi nakaw sa iba.

……..
Ayoko ng makuntento sa kung ano lang ang pwede at yung natira sa pinagpilian. Oo nga naging masaya rin ako sa kung ano yung nandyan pero hindi kumpleto eh. Masarap din siguro yung feeling na alam mong pinili mo yung bagay na yun kasi wala kang maisip na rason para hindi mo siya piliin. Gets mo ba?

……….

Sawa na kong makisabay. Gusto ko naman na sila ang maging “in” sa mundo ko…ako ang sinasabayan.

……………….

Napatanga na lang ako sa kanya. Matagal na kaming magkakilala. Pero ngayon ko lang siya nakitang ganon. Siguro nga natunaw ng init ng panahon yung mga makatago niyang nararamdaman. Bigla akong naging interesado sa kwento niya. Nag aantay ng kasunod na kulay dilaw sa buhay niya pero isa lang ang kanyang naitugon…..







… PUBLISH POST

1 comment:

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design