Pages

Wednesday, July 14, 2010

Sa iyong tabi

Matagal ko ring hinintay ang pagkakataon na ito. Malakas ang kabog ng aking dibdib habang papalapit sa’yo. Sa wakas, andito na ko sa tabi mo, ang lugar na noon pa ma’y matagal ko nang pinapangarap. Inilapag ko ang mga bulaklak sa iyong tabi na gusto kong ialay sa iyo simula ng masilayan kita. Matagal din kitang tinitigan ng bumagsak ang malakas na ulan.

“Di ka na naman nagdala ng payong”

“ Dan, sana one time payungan mo ako habang umuulan”

“Ayan na nga di ba, pinapayungan na kita”

“Tuwing aantayin ko kasi ang sasakyan ninyo na dumaan dito at umuulan hindi ako nag dadala ng payong”

“Bakit naman?”

“Nagbabakasakali kasi ako na pag nakita mo akong nababasa sa ulan, bababa ka man lang.”

“Nakikita nga kita pero hindi ko kasi magawang bumaba”

“Pero naiintindihan na kita. Alam ko na kung bakit.”

“ Pano mo nalaman?”

“Minsan kasi nakausap ni ina yung isang naninilbihan sa inyo. Naaksidente ka pala”

“Oo, at matagal din akong nagpatherapy para makalakad ulit”

“Sana pinara ko na lang ang sasakyan niyo para nakausap man lang kita. Kung alam ko lang..”

“Hindi mo naman kasi alam nun di ba? Ako nga din hindi ko alam na malabo pala mata mo.”

“Ilang beses ko lang nakikita noon ang mukha mo, palagi kasing malabo yung salamin dun sa pwesto mo hindi kita maaninag”

“Hala, hindi mo pala nakikita sinusulat ko sa’yo sa bintana. Akala ko pa naman nakikita mo kasi tuwing dadaan kami lagi kang nakangiti”

“Akala ko nga noon ayaw mo lang akong makita kaya nga nginingitian na lang kita”

“Hindi yun totoo, alam mo bang kapag malapit na kami sa inyo hinihingahan ko na ang bintana para masulatan ko ng mensahe ko para sa’yo? Ilang I Love You rin ang sinulat ko dun. Pati nga numero ko sa bahay sinulat ko din, nagbabakasali na tawagan mo ko”

“Buti na nga lang nagkapera si ina at napagawan ulit ako ng salamin. Tsaka ko lang nalaman na tinitignan mo rin ako dahil nabasa ko sa bintana ng sasakyan niyo yung huling mensahe mo sakin…”

“Babalikan kita”
“Babalikan kita…Hinintay mo ba ko?”

“Hinintay kita…”

“Sorry ha, natagalan ako.”

“Hindi mo naman kasalanan na hindi ka agad nakabalik.Alam kong kailangan mong magpagaling. Huwag kang mag-alala nagpatuloy pa rin naman ako sa buhay ko. Pero siyempre andun pa rin yung umaasa ako na darating ka isang araw para tuparin yung sinabi mo.At eto nga andito ka na…”


Hinaplos ko ang iyong pisngi at ang iyong mga labi. Walang nagbago, ikaw pa rin ang babae na nakita ko isang taon na ang nakakaraan. Ang tangi lang nagbago ay ang iyong salamin.Napakalamig ng iyong mga pisngi, ng iyong mga labi nang subukan ko itong halikan. Kasinlamig ng hangin na dala ng malakas na ulan.


“Ikaw lang ang iniisip ko nung nasa Maynila ako. Sana pala..hay napakaraming sana na sana ginawa ko para lang makasama ka. Tuwing titignan ko kasi ang aking sarili sa salamin, iniisip kong baka hindi mo ako magustuhan, na hindi pa ako handa para sa’yo”


“Lumiwanag nga ang lahat sa akin nung magkasalamin ako, pero napakalayo mo na. Araw-araw ipinapanalangin ko na sana habang nag-aantay ako dito ay dadaan muli ang inyong sasakyan at mababasa ko sa bintana na nagbalik ka na at nagbabakasakaling bababa ka para sa akin. Hay…Sana hindi na lang kita hinintay…”


“Bakit naman?”


“Sana gumawa na lang ako ng paraan para makapunta sa iyo, hindi yung umasa lang akong babalik ka. Maraming panahon ang nasayang sa ginawa kong paghihintay.”


“Ako rin naman, nagkulang. Kung nilakasan ko lang ang loob ko e di sana matagal na tayong magkasama. Di tulad ngayon…”


Niyakap kita ng mahigpit. Naramdaman kong nababasa na ang aking mukha, hindi dahil sa lakas ng ulan kundi dahil sa luha ng naipong pangungulila at panghihinayang sa oras na sinayang ko na sana’y kasama kita. Muli kong hinaplos ang iyong mukha.


“Huwag ka nang malungkot Dan, magkasama na naman tayo di ba? Alam kong palagi ka nang bababa sa pwestong ito. Ngayong andito ka na, masasabi ko na rin sa wakas na mahal na mahal kita Dan.”


“Mahal na mahal din kita Fiona…mahal na mahal. Bumalik ka na..”


“Hindi na ako aalis sa pwestong ito Dan. Ang lugar kung saan nagsimula at umusbong ang pagmamahalan nating dalawa. Sana palagi mo akong puntahan kahit na hindi na kita makikitang nakakalakad at maipapasyal man lang. Mahal na Mahal kita.



FIONA”



Maingat kong itinupi ang sulat na na natagpuan ko sa iyong puntod. Inilapag ko na rin ang iyong larawan. Para lang tayong nag-uusap Fiona, parang andito ka lang sa aking tabi. Patuloy pa rin kitang pinapapayungan kahit alam kong huli na ang lahat. Huli na ang lahat para tayo’y magsimula…

7 comments:

  1. waaa... naiyak ako... bakit ganun?? tragedy.. akala ko pa naman "and they live happily ever after".,,. nyahehehe.. :D
    nice nice..:)

    ReplyDelete
  2. shet!bat ganun?kahit na nagkaidea na ako umasa pa rin akong happy ending to..haist..nakakalungkot naman o..

    ReplyDelete
  3. ...at biglang nabuhay si fiona, bigla siyang bumangon sa kanyang puntod at niyakap si dan. and they live happily ever after. hehe

    ayoko ng sad ang ending eh, nakakalungkot. pero maganda ang pagkakasulat. hehe

    ReplyDelete
  4. Ang lungkot!!! Naghihintay pa naman ako ng lovemaking scene hehehehe joke lang...

    ReplyDelete
  5. ang hilig mo talaga sa sad ending!!!

    ReplyDelete
  6. hello. first time ko po dito. nakaka-iyak naman any istorya mo. pero ayos pa rin. tagos hanggang buto! haha.

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design