Lagi na lang bumababa ang isa kong paa. Hindi ko mabalanse. Tatapak pa lang ako sa pedal pakiramdam ko sesemplang na ko sa kalsada. Nakakahiya pag nangyari yun.. Makikita ng mga kapitbahay at tsaka siyempre ni Brennan.
“Pagbilang ko ng tatlo bibitawan na kita ha?”
“Wag natatakot ako. Baka mamaya malaglag ako eh”
“E pano ka matututo? Halos lahat naman nalalaglag pag nag-aaral magbisikleta.”
“Hindi ba ako pwedeng maiba?”
“Ano ka alien? Hala sige padyak na.”
Kanina pa kami nakabilad dito sa initan pero bakit ganun hindi siya nag-aamoy araw. Ano kayang pabango ang ginagamit ni Brennan. Nakakailang tuloy, baka kaya nagmamadali na siyang matapos kami dito e iba na ang amoy ko.
“Huy Hanna sakay na!”
“Nakasakay na”
“Aba e pumedal ka na, pano ka aandar niyan.”
“Kapitan mo muna ha”
“Oo na sige na, kakapit na”
Di ko masasabi na magkababata kami ni Brennan bagamat nasa isang bayan lang naman kami tuwing bakasyon. Sila kasi ng pinsan ko ang madalas magkasama. Taga- Maynila din siya pero malayo sa amin kaya naman sito lang kami nagkikita.
Matagal ko na siyang gusto, una pa lang na ipakilala ako sa kanya ng pinsan ko. Habol tingin lang ako sa kanya noon kasi nga magkaiba naman kami ng ginagawa. Kaya naman ng magkaroon ako ng chance na makasama siya ay hindi ko na pinakawalan. Ilang bakasyon niya na rin akong tinututruan at hindi pa rin ako matuto-tuto. Paano ba naman hindi sa pagbibisikleta ang pokus ko kundi sa kanya. Mas matagal akong matuto, mas matagal ko siyang makakasama.
“Slow learner ka pala Hanna”
“Ang yabang mo naman, eh sa kulang yung praktis natin nung nakaraang bakasyon eh”
“Hindi mo kasi pinagpatuloy kahit may pasok”
“E natatakot nga kasi ako. Teka, ayaw mo na ba akong turuan?”
“Kung di ko lang barkada pinsan mo eh. Asan na ba yun?”
“B…aka bukas pa dumating. May exam pa kasi ngayon kaya nauna na ako.”
“Ah ganun ba, akala ko kasi siya yung nakita ko kanina.”
“Ha?”
“Wala.”
Muli kong tinipa ang pedal ng aking bisikleta. Unti-unti ay umuusad na ako, ang sarap hangin na humahampas sa aking mukha. Sana ganito na lang palagi yunglahat ng bagay at lugar na daanan ko ay maganda. Ganito nga yata ang pakiramdam pag kasama mo ang iyong minamahal, kapag kasama ko si….
“Brennan??”
Lumingon ako sa aking tabi. Wala na siya. Lumingon ako sa likuran at doon ay nakita ko siya na kumakaway at nakangiti. Tuwang-tuwa ang sira ulo dahil sa wakas ay marunong na ako. Kung alam lang niya….
Dahil matagal akong nakatitig sa kanya ay hindi ko napansin ang batong nakaharang sa aking dinaraanan.
“Hannnnnnnaaaaa..”
Isang malakas na sigaw ang aking narinig bago ako tuluyang sumemplang. Napapikit na lamang ako at napangiwi sa sakit pagbagsak ko sa daan.
“Hanna ok ka lang?”
“Ok lang ako Bre…”
Pinsan ko pala. Kinabahan na agad ako. Dali-dali akong tumayo at inayos ang aking damit. Baka mabuking ako kay Brennan.
“Ok lang ako. Tara uwi na tayo.”
“Ano ba kasing ginagawa mo ha? Di ka tumitingin sa dinadaanan mo?”
“E kasi…”
“Oi Brennan andiyan ka pala. Kanina pa kita hinahanap. Kadarating ko lang.”
“Kuya, uwi na tayo…”
“E pare tinuturuan ko kasi si Hanna magbike.”
Ayun na. Nagsimula na akong mamula.
“Magbike?”
“Oo pare, ba’t takang taka ka e ilang bakasyon ko nang tinuturuan ‘tong pinsan mo”
“Kuya kasi tara na…”
“Hahaha. Naloko ka naman. Uto-uto ka talaga kahit kelan Bren. E marunong na ‘to, nagpapraktis yan after nung last na punta namin dito. Kung san-san na nga yan nakakapunta. Nakakalabas na ng village. Di ba Hanna??”
Hindi ako makapag-angat ng mukha. Hiyang-hiya ako kay Brennan. Pahamak kasi ‘tong pinsan ko eh. Ok na sana…
“O..oo”
Katahimikan.
“Kuya, mauna ka na, dalhin mo na ‘tong bike. Sabay na kaming uuwi ni Brennan, magpapasama pa ako sa kanya”
“O sige basta umuwi ka din agad baka hanapin ka ni tita. Malalagot ako.”
“Sige.”
Minasdan namin ang pag-alis ng aking pinsan. Hindi pa rin siya umiimik kaya naman ako na ang nagsimula.
“Brennan pasensya ka na..”
“Bakit?”
“E kasi nga marunong na naman akong magbi…”
“Bakit mo yun ginawa?”
Parang umurong ang dila ko. Kailangan ba talaga akong magtapat sa kanya? Dobleng kahihiyan naman ang mangyayari pag nagkataon. Sumemplang na nga mapapaamin pa.
“E kasi….”
Nag-iinit na ang aking mukha sa kahihiyan. Wala akong mabasa sa mukha niya na kanina pa titig na titig sa akin. Pakiramdam ko nung mga panahon yun eh babagsak na ang mga luha ko.
“E kasi…Brennan..gusto… Basta, sorry. Hayaan mo di na ko magpapakita sa’yo. Sorry talaga.”.
“Marunong ka bang lumangoy?
Ano daw??. Swimming? Weird. At nakuha pang ngumiti nitong lalakeng ‘to.
“Ha? Hindi eh. Bakit?”
“Magkita tayo bukas, tuturuan kita. Kumapit ka na lang sa’kin iika-ika ka na dyan eh.”
Naguguluhan akong napakapit sa kanya. Matutuwa ba ako nito o ano? Maya-maya pa ay pasipol-sipol na si Brennan.
Andiyan na naman si Toby. Siguradong ako na naman ang pupuntahan nito.Kunwari mag-si CR na naman ang dahilan nito kay Mr. Herrera para makalabas.Sakto naman wala kaming teacher ngayon. Ang galing lang tumayming.
Wala naman akong problema kay Toby. Mabait siya tsaka gentleman. Kahit noon na hindi pa siya nanliligaw hindi ko man lang siya nakitaan ng kagaspangan sa pag-uugali. Marami ngang nagkakacrush sa kanya sa batch namin kaya nga nagtataka ako kung bakit ako pa ang napagtapunan niya ng atensyon. Hindi lang atensyon ang sobra niyang ibinibigay. Pati yung paninda nilang puto pao, lagi akong may rasyon. Iniisip ko nga siguro galit na sa akin ang nanay nun kasi naman laging bawas ang kita nila. Hindi ko naman siya matanggihan, kasi una nakakahiya di ba effort yung tao tsaka pangalawa, masarap kasi yung puto pao nila. Hinding hindi mo talaga tatanggihan.
Pero kahit gaano kabait si Toby at ganun kasarap ang puto pao nila, hindi pa rin kami bagay. Alam ko yun agad, nung magtapat pa lang siya. Madali lang namang malaman yun e. FLAMES HOPE CAMEL lang.
Paano ko ba siya babastedin? Hindi pa ba sapat yung sulat na ibinigay ko sa kanya para maintindihan niyang wala na siyang pag-asa. Crystal clear naman yung resulta may explanation pa nga, ano pa bang kulang?
AB I G A I L SAN C H E Z = 7 F (riends) P (wede) A (ngry)
T O B Y SANB U ENA V EN T U R A = 11 E (enemies) P (wede) C (rush)
_____________
18 S (weetheart) O (o) M (arriage) = ANGRY
O di ba wala kaming future together?? So bakit patatagalin ko pa. Hindi naman ako abusada. Kaya ko namang bumili ng puto pao at siguro makakahanap din ako ng ibang guy na katulad ng qualities ni Toby. Nanghihinayang ako kaya lang walang magagawa. Hindi umayon ang resulta.
Papalapit na si Toby. Ang nakakapagtaka parang hindi siya malungkot, nakangiti pa nga ata.Ano ba namang klaseng tao 'to lagpas sa langit ata ang fighting spirit.
"Abigail, puto pao o. Bigay ni nanay."
"Toby hindi mo ba natanggap yung sulat ko?"
"Natanggap ko, nakakatawa nga eh"
"Natatawa ka pa dun? E hindi nga tayo bagay."
"Hindi naman ako naniniwala sa Flames Flames na yan eh. Isa pa pangalan lang yun. Hindi mo naman pinili yun sa simula, iyon lang ang naisip ng mga magulang mo na ibigay sa'yo. Ang mahalaga kung ano yung pagkatao sa likod ng pangalan na iyon. Sincere ako sa'yo Abi. Sana naman pagbigyan mo kong ipakita yun sa'yo"
"Pero..."
Matagl din akong nag-isip. Siguro nainip na rin siya. Bago magpaalam ay may dinukot muna siya sa kanyang bulsa.
"Sige kung hindi ka naniniwala, tignan mo na lang 'toh."
Ibinalik niya sa akin ang sulat na ibinigay ko kanina. Sa likod ay may nakasulat. Napangiti na lang ako. At kinilig at the same time.
"Sori ha, nagkamali ako"
"Ok lang Abi. Naiintindihan ko naman eh. Pwede na ba kitang ihatid mamaya?"
Tatanggi pa ba ako nito? Malay mo nga naman may future pala talaga kami. Isa pa napatunayan na naman niya yun sa sulat niya.
"Uhmmm sige."
Muli kong tinignan ang papel na bigay niya. Katulad ng isinulat ko ay nag FLAMES HOPE CAMEL din siya. Mali nga naman ako. Mali ako ng spelling ng pangalan niya.
ABI G AI L SAN C H E Z = 9 A(ngry) H (indi) E(nemies)
T O BISANB U ENA V EN T U R A = 12 S (weetheart) E(wan) A (ngry)
Ok ka pa ba? Nagkatuluyan ba kayo o halinhinan na lang sa pag-aalaga kay utoy? Naalala lang kita, dahil kasi sa'yo muntik na akong hindi makapagtapos ng college buti na lang naliwanagan ako este ang nanay ko pala. Buti na lang....
Kayo pa rin ba ng mama mo? Siguro sweet pa rin kayo sa isa't isa. Sana naman, para mabigyang katarungan yung pakikipaghiwalay mo sa akin para sa kanya. Buti na lang nakipaghiwalay ka atleast alam ko ang pakiramdam. Buti na lang...
Siyanga pala may bayag ka na ba? Naaala ko kasi dati parang wala. Actually hindi ko naman talaga sigurado kung meron talaga o wala. Palagay ko lang yun. Pero buti na lang hindi ko inaalam baka kasi ngayon kahit may anak na tayo hindi pa rin ako kilala ng magulang mo. Buti na lang...
Asan ka na ba? Last time kasi tayong magkatext, sinabi ko hiwalay na tayo na at wag ka nang magpaparamdam. Si tanga, sinunod nga. Hindi naman sa namimiss kita. Ikaw lang kasi yung pinakamatagal. Ngayon napatanuyan kong hindi nga sa tagal ng relasyon nasusukat ang kung anumang yun na sinusukat ng iba. Buti na lang...
May himig mang pagtatampo pero sige na nga tampo talaga ako. Kasi naman , hindi ka na nga nagpakita, namatay ka pa. Ang saklap lang di ba? Walang closure. Hindi tuloy kita maikwento, kasi ang alam ko lang yung simula , pero yung dahilan ng katapusan hanggang ngayon clueless ako. Pero uulitin ko, buti na lang ganun ang nagyari kasi...
Kung tayo ang nagkatuluyan sigurado hindi ko SIYA makikilala.
Kaya naman beh, papa, bossing, bhe at dy, isang malaking THANK YOU.
Sana'y katulad ko, siksik, liglig at nag-uumapaw ang iyong lovelife.
Nakaalala lang,
beh, mama, bossing, bhe at my
P.S.
Siya nga pala. Hindi kami...Hindi pa... Maaaring hindi rin maging kami.
Pero masaya ako.Lalo na't hindi pa siya ang pinatutungkulan ko sa sulat na ito.