"miss, pwede bang makiupo?"
Nakaharap ako noon sa cabinet, nag-aayos yata ng damit habang nasa likuran ko naman ang isang lalaki. Hindi ko siya kilala, pero meron kaming pinag-uusapan na hindi ko na matandaan. Sa pag-uusap na yun, bigla nalang umagos yung luha ko sa kaliwang mata. Walang tigil. Yung kanan, wala tuyo naman. Kahit nag-iba na yung setting ng panaginip ko ganun pa rin parang gripo yung mata ko. Sa kaliwa lang.
Kahit panaginip lang yun, damang dama ko yung sakit sa bawat patak ng luha na iyon. Parang hinugot sa malalim. Kaya naman pagkagising ko, nagmadali ako sa pagligo at dirediretso papunta sa lugar na iyon. Ikaw ang lalaki na yun sa panaginip ko... Ikaw lang ang pwede...
"miss pwede bang makiupo?"
isang caramel fudge at dalawang fries na regular
dine in or take out?
...dine in
Dating pwesto pa rin. Yung sa dulo, malapit sa may salamin. Kanina pa ako nakatitig sa salamin. Sarili ko lang ang nakikita ko. Repleksiyon kung ano ako ngayon na wala ka.
"miss pwede bang makiupo?"
may hinihintay ako, pasensya na. maghanap ka na lang ng ibang pwesto.
ito na lang kasi ang bakante
Muli akong tumingin sa salamin. Sa labas. Sa mga tao. Sa sarili ko. Sa labas. Sa mga tao. sa sarili ko.Katulad ko rin sila... naghihirap, malungkot at...
Kumuha ako ng isang piraso ng fries... tinignan ang nalulusaw na icecream. hindi ko kaya. hindi pa...
Muli akong sumulyap sa labas. Pero wala na akong makitang mga tao. Wala na rin ang repleksyon ko. Ang tanging nakikita ko ay mukha ng lalaking hindi ko kilala. May sinasabi siya, pero hindi ko maintindihan kung ano.
Anong ginagawa mo? galit kong tanong sa kanya.
Mag-isa ka lang naman miss, bakit pinaghiwalay mo pa ang order ng fries mo? Nakangiti niyang sagot sabay kuha ng isang piraso at isinawsaw sa tunaw kong caramel fudge.
Mag-isa ka lang naman....
Mag-isa....
Napuwing ang mga mata ko sa salitang yun. At mula sa pagkapuwing na iyon ay dumaloy ang mga luha. Walang tigil.Parang gripo na umaagos mula sa mata hanggang natiktikman na nang aking mga labi. Napapikit ako.
Mula sa likuran ay naramdaman ko ang kanyang mga kamay. Pinapakalma niya ako. Pinapatigil sa pag-iyak.
Tuloy-tuloy pa rin ako sa pagluha. Habang ang lalaki na hindi ko kilala ay nandun pa rin sa tabi ko. HIndi ako iniiwan.
Bitawan mo na siya, Miss. Bitawan mo na ang mga bagay na nagpapasakit sa iyo.
Siya lang yung magandang nangyari sa buhay ko.
Dahil hindi mo binubuksan yung mata mo, yang puso mo. Kaya hindi mo nakikita yung magagandang bagay na gustong ibigay sa iyo ng mundo. O kung nakatingin ka man, lampasan pa rin, siya pa rin ang nakikita mo sa dulo.
Wala na siya. Hindi ko na siya makikita kahit kailan. Kahit kailan.
Ikaw ang nandito ngayon. Ikaw ang binigyan ng pagkakataon na maranasan kung paano mabuhay.Imulat mo lang ang mata mo. Alam ko, makikita mo rin siya, na masaya na nandito ka. Lumalaban. Nabubuhay. Kasama nila. Kasama ng mga tao sa labas na kanina mo pa tinititigan.
Kakayanin ko ba?
Makukuha mo lang ang sagot kapag binuksan mo na ang iyong mga mata.
Hindi ko kaya.Natatakot ako.
Subalit sa muling pagdampi ng kanyang palad sa aking likod, tila ako'y napayapa.Parang may bumubulong sa isip ko na dapat wala akong ikatakot.
Unti-unti kong binuksan ang aking mga mata. Tumingin ako sa salamin na nasa harapan ko. Nakita ko siya.
Ang lalaki na hindi ko kilala. Natakot ako nang bahagya subalit kinalaunan ay napalis din ang takot na iyon.
Nakangiti siya sa akin. Andun sa labas at kumakaway kasama ng mga bata. Bukod pa roon ay wala na akong nakitang iba. Wala na akong nakita na naghihirap, malungkot at... nag-iisa.
Nagpapaalam na ang lalaki sa akin. Ngiti lamang ang itinugon ko sa kanya at inihatid na lamang ng tingin.
Inayos ko ang aking sarili at sa aking pagharap, lumibot ang aking tingin sa fast food na kinakainan ko. Ako lang palang mag-isa.
Pero hindi ako nalungkot.
Kasi naintindihan ko na.
Na sa mga oras na nararamdaman kong ako na lang mag-isa sa mundo.
Alam ko kakatok Siya.
Makikiupo.
Maghahanap ng espasyo para makinig.
Para ako'y patahanin.
At ipaalalang, maganda ang buhay.
Kailangan ko lang imulat ang aking mga mata.