Pages

Friday, June 18, 2010

To PAPA on Sunday

Dear Papa,

Nakita ko po ang drawing namin ni mama kanina. Ikaw ba talaga gumuhit nun? Ang laki laki po ng tiyan ni mama, halatang halata na pala ako. Sayang hindi kita ang mukha ko sa card. Pero, di bale malapit na po akong lumabas. Sana andun po kayo sa paglabas ko.

Pag minsan papa alam niyo po ba, nakakahilo din. Ang hilig niyo po kasing mamasyal ni mama tapos madalas sa mga oras po na nasa kasarapan pa ako ng pagtulog. Pero ok lang po yun, kasi sabi niyo baka mahirapan si mama na ilabas ako. Titiisin ko na lang po pag sumasakit ang ulo ko kesa naman po hindi ako makalabas. Medyo naiinip na rin po kasi ako dito sa loob. Madilim at tsaka tahimik po masyado, parang walang buhay.

Papa, ang sarap talaga pag kumakain si mama ng tuyo. Salamat po ha kasi binibili niyo po ang lahat ng magustuhan niyang kainin at lagi niyo po kaming binubusog. Ang laki-laki ko na papa. Magiging normal pa po kaya ang paglabas ko o hihiwaan na lang si mama? Hindi po kasi naming matiis na hindi kumain. Sobrang sarap po palagi ng inihahain niyo. Pag labas ko po pramis kayo naman ni mama ang bubusugin ko.

Papa salamat ha, kung wala ka hindi sana ako ngayon tumatambling. Gustong gusto ko po kapag hinihimas ninyo ang tiyan ni mama at pinapakiramdaman ko po sa loob. Hindi na po ba kayo makapag-antay? Ayan tuloy lagi nasasaktan si mama kasi palagi po akong nagpapansin sa inyo.

Papa, kahit po may kuya ako at may mama siyang iba hindi po ako nagseselos. Kasi nararamdaman ko na mahal niyo rin kami ni mama. Nararamdaman ko rin po kung gaano kasigla si mama tuwing kasama niya po kayo. Napapatambling tuloy ako sa sobrang saya. Sorry po kay mama, hindi ko lang talaga mapigilan. Sana po paglabas ko, makilala ko rin si kuya para po may kalaro agad ako. Sana lang po wag magagalit ang mama niya ano po?

Sabi po nila, araw daw po ninyo ngayon. Ngayon po ba kayo lumabas sa tiyan ng mama niyo? Nalilito lang po ako kasi ako, kasi ang sabi po sa inyo ni mama “ Happy Father’s Day” e di ba po dapat “Happy Birthday”? Pero kahit alin po yung tamang sagot, sayang naman kasi andito pa po ako sa loob. Mas masarap sana magcelebrate kung magkakasama na tayong tatlo. Kaya nga po nag-iimagine na lang ako dito sa loob na sinusulatan po kita. Papa, kung sakali po na hindi na kita makita paglabas ko, huwag po kayong mag-aalala kahit po magtatampo ako sigurado, maiintindihan ko rin po yung pagtanda ko. Puno pa rin po ako ng pagpapasalamat na hindi po ako natulad sa iba na hindi nabuo at hindi makakaranas na mabuhay sa labas ng tiyan ng kanilang mga mama. Alam ko naman po na kahit nasa malayo kayo ako pa rin ang nag-iisa niyong prinsesa. Di ba po yan ang palagi ninyong ibinubulong sa akin? Kaya nga po tuwang tuwang ako nung malaman ko ang tawag niyo sa akin na palayaw. Ang sarap sarap pakinggan, gusto ko pong tumambling sa loob ni mama.

Papa, inaantok na po ulit ako, hanggang dito nalang po muna yung imaginary sulat ko. Sana marinig niyo rin po itong ibubulong ko:


Happy Father’s Day o Happy Birthday!

MAHAL NA MAHAL PO KITA PAPA!


Love,

Mutya

4 comments:

  1. i miss my dad...does he miss me?

    ReplyDelete
  2. happy birthday/father's day po kay papa nyo. :D

    ReplyDelete
  3. ang cute cute ng pagkakasulat .. Greet me a happy father's day to your dad :]

    ReplyDelete
  4. Happy Fathers Day kay papa mo. Mabuhay ang lahat ng ama! :)

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design