Pages

Monday, June 28, 2010

Swerte pa rin pala...

Ako na yata ang pinakaswerteng babae sa mundo. Hindi dahil sa ibinigay sa akin ng Diyos ang pinakamagandang mukha, o perpektong hulma ng katawan. Wala rin naman akong mala-genuis na IQ katulad ng napapanood ko noon sa Battle of the Brains at sigurado ako sa sarili ko na hindi rin ako santa sa kabaitan. Isa lang ang bagay na nagpapaangat sa akin mula sa iba, kadikit ko ang tadhana.


Feeling ko mula pagkabata lahat ng bagay na nangyayari sa akin kahit pa aksidente o sakit e pabor sa akin. Kahit nga simpleng ulan marunong ding makisama kaya nga hindi ako nasanay na magdala ng payong. Alam kong hindi uulan kapag wala akong dala. Pero nung nakilala kita, bumaliktad ang lahat. Ako na yata ang pinakamalas na tao sa buong universe.Nababasa na rin ako sa ulan. Mas madalas pa nga na umulan kapag wala akong dalang payong. Mukhang nag iinarte ang tadhana kaya nga siguro hanggang ngayon hindi pa tayo nagkikita ng mata sa mata. Nakatatlong attempt na tayong magkita at sa bawat pagtatangkang iyon ay isa lang ang nagiging resulta. Bokya. Hindi ko pa rin makita kahit dulo ng mga daliri mo.


PERO HINDI AKO BITTER (slight lang, pasumpong sumpong ba). Gusto ko sanang gawing emo ang nangyayari sa ating dalawa pero mas pinili kong tignan sa ibang direksyon ang lahat. Siguro sa likod ng naffrustrate kong utak e may sumisigaw pa rin ng “everything happens for a reason” at yung ang balak kong iappreciate sa post kong ito.


First attempt: FAILED


Ooperahan ka for the 2nd time (hindi ko alam kung bakit o hindi ko lang narinig nung nag eexplain ka). Isusurprise sana kita kaya nagdecide ako na puntahan ka sa Cavite kung san ka nakaconfine. Magkatxt tayo nun, at ang sabi ko pa papunta na akong opis pero ang totoo lulan na ako ng bus papunta sa inyo. Tumatawag ka pa nga ata nun pero hindi ko sinasagot, kasi baka nga mabuking mo na hindi ako sa jeep nakasakay. Nakarating ang bus sa Cavite at ang alam mo nasa opisina na ako. Hmmm excited na ko sa magiging tagpo. Nasa jeep na ako papunta sa ospital ng magtext ka na ililipat ka na at diretso operation na. Langya, ilang kanto na lang ako nun mula sa ospital na pinanggalingan mo alam mo ba yun? So, ayun nga hindi kita nakita buong araw. Bumalik pa ako ng dalawang beses, sa pagbabakasakaling magigising ka pero kahit sulyap sa ICU hindi nagmaterialize. :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Holiday ang Monday nung week na yun, kaya naman nakatatlong beses akong nakadalaw sa’yo (counted ba as dalaw kahit hindi nakita?)
  2. Walang trapik. Ieexplain ko pa ba?
  3. Nakilala ko ang ilan sa relatives mo. Grabe much effort ang pinsan mo sa pagsama sa akin habng hinihintay ka naming magising. At sa tatlong araw na yun, nakilala kita sa mata ng iba. Kumbaga walang tago, lahat pati mga nakakahiya at mga kalokohan mo nalaman ko na rin.
  4. Nakatikim ako ng pan de coco ng mama mo. Ang sarap niya infairness.
  5. Kahit namali ako ng sakay ng bus pauwi (Pasay instead of Cubao), chillax pa rin ako at nakauwi naman ng maayos sa mga byahe kong yun.


Second Attempt : FAILED


Nakarecover ka na from the operation at nagbalak ka naman na pumunta sa amin. Pero, nung mga panahong yun napakalakas ng ulan sa lugar kung nasan ka at yung payong na may pito lang ang available sa inyo. Nasiraan yung jeep na sinasakyan mo papunta sa terminal, tapos hindi pa agad mapuno yung bus na sinakyan mo kaya kailangan pa nilang magpuno. Napuyog ka noon ng ulan at sabi mo mukha ka ng basang sisiw. Sabi ko nga manghiram ka ng damit kahit kanino para lang hindi ka lamigin. Nung mga panahong yun, nagpprepare na ko pumunta sa palengke para magluto ng paborito mong nilaga para naman pagdating mo makahigop ka ng mainit na sabaw. Dinamihan ko pa ng bili ng patatas kasi alam kong paborito mo yun. Lumipas ang mga oras at hindi pa rin umaalis ang bus niyo. Ok n asana eh kaya lang bigla kang nagtext na sumusuka ka na ng dugo. Siyempre mega alala naman ako, lalo na nung tinext ako ng mama mo na kinukutuban daw siya. Nakailang text ka kaya nun na nagsusuka ka, kaya naman pinasundo na kita sa kanila. Haller dugo na kaya yun!! Ayun hindi na naman kita nakita. :-( :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Narealize kong may konsensiya pa rin pala ako. Na kahit gustong gusto na kitang makita, hindi ko isasakripisyo yung health mo para lang sa kapritso ko. May konting bait pa rin pala ako sa katawan.
  2. Napraktis ko ang aking cooking skills at narealize ang kahalagahan ng kapitbahay. Kung wala sila, e wala sana akong paglulutuan ng nilagang patatas. Hehehe
  3. Wala sana kaming ulam ng dalawang araw. LOL
  4. Nakapagbonding kasama ng kaibigan. Dahil sa frustration ko sa nangyari, ininvite ko ang kaibigan kong mag-ice cream. Actually pumunta kami nun sa Kaffe Razzo pero sarado pala sila ng Linggo (hehe sori naman) kaya sa Mega na lang kami kumain ng pasta na sobra ko namang naenjoy. Tapos pistachio – flavored gelato. Sarap ulitin!!


Third Attempt: FAILED


Nagsstart ka na noon magwork at nagdecide tayo na magkita sa darating na weekend. Malay ba naman natin na masisira yung tinrabaho mo ng dalawang araw at kailangan i-OT over the weekend. Hindi na naman tayo nagkita. :-( :-( :-(


ANONG MAGAGANDANG NANGYARI?


  1. Nakaadvance ako ng material namin para sa work dahil nakapag OT ako. Ngayon nasusulat ko tong post na ‘to na hindi patakas :-)
  2. Marami akong nakamustang mga kaibigan kahit sa facebook lang at narealize kong mababaw pa pala itong problema ko kumpara sa iba. Na hindi lang ako ang nangungunot ang noo at nahahagas sa mundo.
  3. Nagkaroon ulit ako ng hilig sa isang hobby na matagal ko nang nalimutan. Sana lang matapos ko.Good Luck sakin..hehehe


Madalas iniisip ko kung ano bang rason kung bakit ganito ang nangyayari. Parang pinanghihinaan na ako ng loob. Pero kapag maaalala ko ang magagandang nangyari despite sa mga failed attempts, hindi na rin sumasakit ang puso ko. Siguro nga hindi pa time, wag nating pilitin. Sabi nga nila hindi masarap ang prutas na hinog sa pilit. Dadating din ang time para sa ating dalawa. Crossed-fingers pa rin ako. Sana ikaw din. :-D

Friday, June 18, 2010

To PAPA on Sunday

Dear Papa,

Nakita ko po ang drawing namin ni mama kanina. Ikaw ba talaga gumuhit nun? Ang laki laki po ng tiyan ni mama, halatang halata na pala ako. Sayang hindi kita ang mukha ko sa card. Pero, di bale malapit na po akong lumabas. Sana andun po kayo sa paglabas ko.

Pag minsan papa alam niyo po ba, nakakahilo din. Ang hilig niyo po kasing mamasyal ni mama tapos madalas sa mga oras po na nasa kasarapan pa ako ng pagtulog. Pero ok lang po yun, kasi sabi niyo baka mahirapan si mama na ilabas ako. Titiisin ko na lang po pag sumasakit ang ulo ko kesa naman po hindi ako makalabas. Medyo naiinip na rin po kasi ako dito sa loob. Madilim at tsaka tahimik po masyado, parang walang buhay.

Papa, ang sarap talaga pag kumakain si mama ng tuyo. Salamat po ha kasi binibili niyo po ang lahat ng magustuhan niyang kainin at lagi niyo po kaming binubusog. Ang laki-laki ko na papa. Magiging normal pa po kaya ang paglabas ko o hihiwaan na lang si mama? Hindi po kasi naming matiis na hindi kumain. Sobrang sarap po palagi ng inihahain niyo. Pag labas ko po pramis kayo naman ni mama ang bubusugin ko.

Papa salamat ha, kung wala ka hindi sana ako ngayon tumatambling. Gustong gusto ko po kapag hinihimas ninyo ang tiyan ni mama at pinapakiramdaman ko po sa loob. Hindi na po ba kayo makapag-antay? Ayan tuloy lagi nasasaktan si mama kasi palagi po akong nagpapansin sa inyo.

Papa, kahit po may kuya ako at may mama siyang iba hindi po ako nagseselos. Kasi nararamdaman ko na mahal niyo rin kami ni mama. Nararamdaman ko rin po kung gaano kasigla si mama tuwing kasama niya po kayo. Napapatambling tuloy ako sa sobrang saya. Sorry po kay mama, hindi ko lang talaga mapigilan. Sana po paglabas ko, makilala ko rin si kuya para po may kalaro agad ako. Sana lang po wag magagalit ang mama niya ano po?

Sabi po nila, araw daw po ninyo ngayon. Ngayon po ba kayo lumabas sa tiyan ng mama niyo? Nalilito lang po ako kasi ako, kasi ang sabi po sa inyo ni mama “ Happy Father’s Day” e di ba po dapat “Happy Birthday”? Pero kahit alin po yung tamang sagot, sayang naman kasi andito pa po ako sa loob. Mas masarap sana magcelebrate kung magkakasama na tayong tatlo. Kaya nga po nag-iimagine na lang ako dito sa loob na sinusulatan po kita. Papa, kung sakali po na hindi na kita makita paglabas ko, huwag po kayong mag-aalala kahit po magtatampo ako sigurado, maiintindihan ko rin po yung pagtanda ko. Puno pa rin po ako ng pagpapasalamat na hindi po ako natulad sa iba na hindi nabuo at hindi makakaranas na mabuhay sa labas ng tiyan ng kanilang mga mama. Alam ko naman po na kahit nasa malayo kayo ako pa rin ang nag-iisa niyong prinsesa. Di ba po yan ang palagi ninyong ibinubulong sa akin? Kaya nga po tuwang tuwang ako nung malaman ko ang tawag niyo sa akin na palayaw. Ang sarap sarap pakinggan, gusto ko pong tumambling sa loob ni mama.

Papa, inaantok na po ulit ako, hanggang dito nalang po muna yung imaginary sulat ko. Sana marinig niyo rin po itong ibubulong ko:


Happy Father’s Day o Happy Birthday!

MAHAL NA MAHAL PO KITA PAPA!


Love,

Mutya

Tuesday, June 15, 2010

Friday, June 11, 2010

Deal or Deal??

Paggising mo...
Kakain na ko ng maayos
Never na kong magsskip ng breakfast at dnner
Pero pwede bang konti lang kainin?

Paggising mo
Magdadala na ko ng payong
Wala na kong pakialam kahit tuwing mgdadala ako
e hndi nman umuulan
Ipupukpok ko na lang sayo pag nabigatan ako

Paggising mo
Papasok na ko ng maagap
Kahit ako pa magbukas ng opisina
Hindi ko na aantayng masuspend ng 3 days
Uunahan ko na sila

Paggising mo
Hindi ko na paglalaruan pictures mo
Hindi ka na sisisid at magreremake ng movie ni FPJ
Sasabihn ko na ring pogi ka at lambing ko lang pag tinatawag kitang panget

Paggising mo
Wala ng morning,afternoon at gudnyt kiss
Gagawin na nating minu-minuto at oras oras
Ingat lang tayo baka di ka na makahinga

Paggising mo
Kakantahan kita ng bahay kubo, abc at nang paborito mong ba-ba blacksheep
Kahit anong kanta pa yan hanggat my b0ses pa, bibirit ako

Paggising mo
Andyan na ko sa tabi mo
Mapipitik ko na rin sa wakas ang ilong mong malaki
at mahuhukay mo na rin ang muta ko paggising sa umaga

Kaya please lang
to the highest level na pagsusumamo
Gumising ka na
Hahawakan mo pa kamay ko di ba?


at sasabihin ko pang mahal kita...

Tuesday, June 8, 2010

Friday, June 4, 2010

Hanggang Dito na Lang (2)




Parang binabayo ang ulo ko sa sakit. Naglasing na naman pala ako. Ayoko pa sanang bumangon kasi siguradong sesermunan na naman ako ni Mama, mag-aaway na naman kami pero ayoko namang magkulong dito sa kwarto buong maghapon. Aantayin ko na lang siguro muna siyang pumunta sa mga amiga niya. Teka anong oras na ba? Alas-diyes na pala, buti na lang holiday ngayon, walang pasok at wala na naman akong gagawin. Tumayo na ko para maligo, baka madala ng tubig yung katangahan ko kagabi.


Pinihit ko ang knob ng shower, tinimpla sa tamang temperature at nagsimula ng aking ritwal. Sabay ng pagpatak ng mga tubig sa aking mukha ay ang pagluha ng aking mga mata. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na ibuhos lahat ang aking nararamdaman. Dapat nakamove on na ko, pero bakit masakit pa rin? Hindi ko akalain na ganon ko mamahalin si Carl. Samantalang siya lang naman ang quick fix ko. Yung pinili dahil mas safe ako, mas may chance mag-work. Pero ganun din pala, karma lang ang inabot ko. Minahal ko si Carl at parang biglang bumaliktad ang sitwasyon, ako ang nabalewala, ako ang nasasaktan ngayon. Siya? Ayun masaya sa piling ng iba. Ikakasal na after a month pa lang ng paghihiwalay namin.


Mariin kong kinuskos ang bawat ng parte ng aking katawan, kulang na lang ay magdugo sa sobrang diin. Pakiramdam ko kapag ginawa ko yun, mawawala na rin yung alaala ko kay Carl Yung simpleng pagbulong niya sa aking mga tenga, mga hawak, halik at mga sandaling naaabot namin pareho ang langit. Sa mga panahong nararamdaman ko na lumalabo ang aming relasyon, ito ang nagiging sagot ko, pisikal kasi si Carl. Bawat away, ang katumbas ay mga gabing magkasama kami. Akala ko matatakpan noon ang mga problema, yun pala naipon lang. Naging dahilan pa para iwanan niya ako.


Muli kong inadjust ang knob ng shower. Para akong nagising sa ginaw na dulot ng tubig. Nanatili akong ganon hangga’t hindi ko nararamdamang gising na ang aking diwa. Lumabas ako ng banyong yakap yakap ang aking sarili. Hindi ko namalayang matagal na pala akong nakatitig sa salamin kung hindi pa pumasok ang aking mama.


“Jade, hanggang kailan ka magiging ganito? Wala ka na bang natitirang respeto para sa sarili mo at kailangan mong magpakalasing gabi-gabi?”


“Ma, hayaan niyo muna ako. Matatapos din ‘to, sa ngayon malabo pa. Mahal ko pa e”


“Anong gusto mong mangyari anak, antayin ko na dumating sa puntong sa ospital na kita dadalawin? Alam kong mahal mo pa si Carl, pero hindi yang ang tamang pagharap sa pagkabigo mo. Maraming nagmamahal sa’yo at alam ko hindi ka papabayaan ni Paolo. Gusto naming maging masaya ka.”


“Ma, bakit napasama na naman si Paolo sa usapan? Wala na siya. Sinayang ko na yung pagmamahal na binibigay niya sa akin noon. Si Carl ang pinili ko, at siya rin ngayon ang nagdudulot sakin ng sakit dito, dito sa puso ko…”


“Anak, alam kong masakit, alam kong hindi mo makaya. Hayaan mo kaming tulungan ka, wag mong dalhin yan mag-isa. Isa pa, alam kong mahal ka pa ni Paolo. Hindi niya gagawin yun kung hindi ka niya mahal”


Naguluhan ako sa huling tinuran ni mama “ Anong ginawa niya, ma?”


“Lasing na lasing ka nga siguro kaya hindi mo maalala. Siya ang nag-uwi sa’yo dito kagabi. Tinawagan siya nung barkada mo kasi hindi na kayang maghatid. Alam mo ba kung anong oras na yun anak? Siguro naman hindi mag-aaksaya ng panahon si Paolo na bumiyahe para lang sunduin ka at iuwi dito sa bahay.”


Pilit kong inaalala ang mga pangyayari subalit wala talaga akong matandaan.


“O siya, pupunta muna ako kina mareng Fe. Nagluto na ako para sa tanghalian mo. Babalik din naman agad ako, kaya wag ka ng mag-abala para mamayang gabi. Pag-isipan mo anak ang mga sinabi ko. Hindi pa katapusan ng mundo para maging ganyan ka sa sarili mo”


Paglabas ni mama, dali-dali kong kinuha ang aking cellphone para kumpirmahin kung totoo ang kanyang sinabi. Si Paolo nga ang nasa dialled number sa phone ko. Siguro walang ibang matawagan si Naomi kaya kung sino na lang sa speed dial ko ang kinontak niya. Sabagay kahit aling numero naman ang pindutin niya si Paolo pa rin ang makakasagot ng tawag.


“ Jade, ayan ha nilagay ko na number ko diyan sa speed dials sa phone mo para in case of emergency, ako agad ang tatawagan nila”

“Patingin nga… E teka ikaw lahat nakalagay dito ah.”

“Siyempre para siguradong ako ang unang sasaklolo sa’yo. Mahal kaya kita”

“Ang keso mo Paolo…haha”


Pinag-isipan kong mabuti kung dapat kong pasalamatan si Paolo sa ginawa niya. Parang napaka-awkward naman na after almost 2 years na wala kaming contact, tatawagan ko siya. Pero wala rin akong nagawa, pumikit na lang ako at namili sa mga numero sa keypad ko sabay pindot ng call button.



**** Para sa mga hindi pa nakakabasa ng part I


Ang Simula

Tuesday, June 1, 2010

I Do


Ilang hakbang na lang masisilayan ko na ang babaeng pinapangarap ko.

Napakaganda niya sa kanyang suot. Ilang taon ko ding inisip ko ano ang magiging itsura niya sa trahe de bodang minsang isinuot ni mama. Napakaganda ng tinatangi kong musa, perpekto, hindi maihahalintulad sa kahit anong bagay.

Ilang hakbang na lang, matatapos na ang kanta. Kantang isinulat ko, para sa iyo, para sa araw na ito.

Kantang nagtatapat ng aking nararamdaman mula ng kita’y masilayan hanggang nagsimula ng panibagong relasyon. Mga salita at katagang masusing pinili at inilapat sa pinakamatamis na musika upang lubos na maipadama ang pinagsisigawan ng aking puso.

Ilang hakbang na lang, magiging parte na siya ang aking pamilya.

Matagal na panahon din akong niligawan aking mga kapatid at magulang. Nasasabik silang matatawag na ‘anak’ at ‘ate’ ang babaeng minamahal ko. Sa wakas, dumating na rin ang kanilang pinakahinihintay. Natupad na ang kanilang pangarap.

Isa…

Dalawa…

Tatlo…

Sa wakas narating mo na rin ang kinalalagyan ko.

Nagkatitigan, mga mata’y nag-uusap tulad ng dati. Nangingilid na ang mga luha at natatawa sa ating dalawa. Niyakap mo ako ng mahigpit, at bumulong sa akin “Ako na yata ang pinakamasayang babae sa mundo.” Napaiyak ako sa kanyang tinuran at niyakap ng mas mahigpit. Mahal na mahal ko siya. Lahat yata gagawin ko para lang siya mapaligaya.

Ilang hakbang na lang, humarap na siya sa dambana.

Isa…

Dalawa…

Tatlo…

Nagsimula na ang pag-iisang dibdib nila ng kakambal ko.

Tsunami Mail

Dear Spongebob,

Kamusta ka na? Sana ay palagi kang nasa mabuting kalagayan. Kung ako naman ang tatanungin, eto ok na hindi ang emote ko ngayon.

Hindi ako makatulog. Nakailang cartwheel na yata ako sa aking kwarto, pero ayaw pa ring bumigay ng aking mga mata. Siyempre hindi ka maniniwala na ginawa ko yun dahil alam mong hanggang ngayon part pa rin ng bucket list ko ang maka cartwheel ng 5 times, imagination ko yun syempre. Talaga yatang kanta mo lang ang makakapag paknockout sa akin. Alam mo bang ang rendition mo ng "Ipagpatawad mo" ang pinaka the best sa lahat ng selection sa songlist mo? Favor naman, paki LBC naman yung recorded copy mo nito. Pero sana yung practice mode na lang kasi feeling ko mas emote ka dun katulad nung narinig kitang nagpapraktis. Tawa pa rin ako kapag naalala ko yun. Kung bakit naman kasi bibirit ka eh nakalagay lang sa ilalalim ng unan ang phone, hindi ko ba nasabi sa'yong napakalakas ng pandinig ko..LOL

Nga pala gagala muna ako habang inaantay mo pa ang snail mail galing sa ibang planeta. Paki-email mo na lang ako ASAP kapag may sagot na para maigooglemap ko agad ang iyong location at makabalik ako papunta sa'yo. Ikaw naman kasi eh, binalandra mo pa yang malapad mong pagmumukha yan tuloy nasakop mo pati hart ni feelinggerang si Patrick. Pero wag kang mag-alala naibulong ko na kay Batman na siya na ang bahala. At take note, kinaibigan ko na siya para kung sakali, alam na kung san siya papanig. So EVIL of me..KIBER!

O siya, hanggang dito nalang muna ang aking liham, nawa'y maging merry ang lahat lalo na us. Magkita na lang tayo sa Manila Ocean Park kapag kumalma na ang alon. Ingat sa dive mo bukas. PLEASE LANG WAG KANG PASAWAY ok? Medyo malayo ang spot mo baka hindi ako makaabot kapag naghihingalo ka na. O wag seryosohin, joke yun. O siya ending na muna, lagyan na lang natin ng continuation, someday we'll know kung kelan. Mi Manchi Spongebob!


yours forever at sea,

feelinggerang Patrick

P.S. (Pahabol Sisid)

Huwag kalimutan ang pasalubong ko ha, kundi ibabaon kita sa buhangin. ^_^

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design