Pages

Tuesday, September 21, 2010

Room 108


Kumatok ako ng bahagya, nag-iingat na walang maiistorbo sa kanilang pamamahinga. Pagpasok ko sa loob ay nakipagpalitan ng ngiti, nagmano, humalik sa kanilang mga pisngi at diretsong umupo sa bakanteng espasyo ng sofa. Nanatiling tahimik ang lahat, nagpapakiramdaman, hindi malaman kung anong dapat sabihin o dapat bang umimik pa. Nabingi ako sa katahimikan kaya naman kinuha ko na lang sa bag ang notebook at ballpen, nagsimulang magsulat habang nakapasak sa dalawang tenga ang earbuds na bumibingi sa aking kaluluwa.

Iniisip kong isulat ka, ang mga bagay na pinagsaluhan mula sa aking kabataan. Nakatutok na ang aking panulat subalit walang tintang lumalabas.Parang hindi ko yata kakayanin na bumalik sa nakaraan na parang namamaalam na ako sa kasalukuyan. Naramdaman ko ang pagtingin mo sa akin. Matagal. Kahit hindi ako tumingin para akong nasusunog sa iyong titig. Nagkunwari akong abala, katulad ng dati kapag tinuturuan mo ako sa aking aralin. Naalala ko kapag kailangan ng maligo, pumasok at matulog sa hapon. Nagkukunwaring may ginagawa para makatakas, hindi mapalo at hindi umiyak.

Ganun pala ang pakiramdam kapag akala mo pwede ng huminga ng malalim, kapag akala mo ok na ang lahat. Papetiks petiks ka na lang tapos isang araw parang may bomba na lang na gugulantang sa buo mong pagkatao. Akala ko hindi na ako bibiyahe, linggo-linggong nakikita ang iyong kalagayan, at walang magawa kundi aliwin ka o kaya nama’y busugin ka nang nakayanan kong putahe. Hindi iyon sapat,alam ko, dahil nanatili ka pa rin namang ganon. Wala akong nagawa noong una at ngayon wala pa rin akong magawa . Hindi ko na yata kakayanin ito sa pangalawang beses

Nanatili akong abala,ayokong makita mo akong mahina. Ayokong isipin mong nagugunos ako sa iyong lagay.Baka kasi panghinaan ka rin ng loob at sumuko. Dumating ang aking kapatid, niyakap ko siya. Pipi akong nakikinig sa mga nagyayari sa iyo habang ako’y nasa malayo. Parang nanlalambot ang aking mga tuhod subalit pinili kong tumayo dahil alam kong nakatingin ka at nakikinig. Naging bato ako sa kwartong iyon na parang wala sa akin ang lahat. Nagkunwari akong may kukunin sa bag pagkatapos ay tumalikod, umaaktong binabasa ang lahat ng nakapaskil sa loob ng silid na iyon nang lumapit sa iyo ang aking kapatid.

“Oh tita nandito yung anak mo, dinadalaw ka”

Hindi ko na napigilan, nagmadali akong pumasok sa banyo at doo’y ibinuhos ang lahat. Nagagalit ako dahil imbes na matulungan ay lalo pang lumalala ang iyong sitwasyon sa ospital na pinaglipatan namin.Sana nanatili na lamang tayo dito.Sana hindi ka nagkaganyan. Sana nilalaro mo pa rin ang iyong mga apo. Sana masaya ka pa rin habang nagbabasa ng mga paborito mong libro. Sana hindi ka nahihirapan.

Bakit ba wala akong magawa? Samantalang dati, kapag ako ang may sakit madali mo itong napapagaling. Bakit ngayon, ako itong malakas, hindi ko maibigay ang iyong kailangan. Ano bang kaya kong ibigay o isakripisyo gumaling ka lang? Please naman kung sinong may alam sabihin niyo na.

Nagpahid ako ng luha, hinugasan ang aking mukha. Alam kong titignan mo ako, uusisain kung anong ginawa ko sa loob. Mananatili itong sikreto. Umaliwalas ang aking mukha.

“Grabe,naipon ata. Wag muna kayo papasok sa loob ha. May sumabog”

Umupo ulit ako sa sofa, nanood ng tv. Tinignan kita, mahimbing ang iyong tulog. Nagpaalam na ako sa kanila at lumapit sa iyo. Hinalikan ko ang iyong pisngi.

“Tita alis na po ako. Balik na lang ako bukas”

Lumabas ako ng pinto. Marahil, maraming beses kong titignan ang mga numero sa mga kwartong aking nadadaanan hanggang makarating sa iyo.  Sana naman sa pagbalik ko ay manatili pa rin akong malakas. Sana… sa pagbalik ko, susunduin na kita, sabay na aalis sa kwartong sana’y hindi na natin balikan.

1 comment:

  1. aaww...
    hindi ko kaya ung ginagawa mo.. ung paghohold ang emotions..
    you seem really tough.

    get well soon to your tita...

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design