Pages

Wednesday, April 28, 2010

Kung Pwede Lang Naman


Dear Mr. Right,


Hi kamusta ka na? Kung ako naman ang tatanungin mo ok naman ako kahit medyo naiinip na sa pagdating mo. Iniisip ko na lang na baka nagpprepare ka ng bonggang bongga kaya hindi ka pa nagpapakita sa akin. Malapit na naman kasi ang birthday ko at sa pang labintatlong pagkakataon ikaw pa rin ang gusto kong maging regalo sa espesyal na araw na iyon. Siya nga pala marami ng nagbago simula nung huling sulat ko. I-uupdate na kita para makapg-adjust ka agad bago tayo magkita.


Naaalala mo pa ba yung lugar na sinabi ko sa’yo na dun tayo magkikita? Dinedevelop na siya ngayon, gagawing subdivision kaya naghanap na lang ako ng bagong lugar para naman maging memorable pa rin ang first meeting natin. Nakaattach dito yung address nung place at yung seat plan nating dalawa. Pag-aralan mong mabuti, sana magreply ka kung may iba ka pang suggestion.


Nga pala, huwag kang masyadong magswimming ngayon ha, mahirap na baka masyado kang umitim. Maganda yung tamang tama lang yung kulay ng balat mo. Yung magcocompliment sa kulay ko. Oh di ba pag nagdadate tayo, we look good together, kulay pa lang ng balat. Speaking of date, mahilig ako ngayon sa mga Italian dishes so kung magpplano ka, magrefer ka na lang sa list na isinama ko rin dito. I know medyo may kamahalan sila pero di ba manager ka na nga sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo. At isa pa hindi naman bagay na magpapark yung kotse mo sa turo-turo lang, out of place yun sigurado. Tsaka love mo kaya ako, so you’ll only want the best for me.


Teka, anime look pa rin ba ang gupit mo? Nagtatrabaho na kasi ako ngayon kaya sana mas maganda kung presentable o corporate look ang style mo. Try mong magbrowse sa men’s magazine na latest issue para magkaidea ka kung anong hairstyle ang babagay sa’yo. Idamay mo na nga pala yung outfit. Basta dapat sa first meeting natin Blue ang kulay ng shirt/polo mo para mas madali kitang maispatan.


Alagaan mo yung sarili mo ha. Kain ng maayos at huwag palaging magpupuyat. Baka tubuan ka ng pimples, alam mo namang di ko type ang may tigidig sa mukha. Hindi ko maimagine na kumiss sa ganun kahit beso lang. Nagdidiet ka pa rin ba? Hope so. And bawal umabsent sa gym session ha. Baka mamaya bigla kang lumobo niyan. Patay na, baka maging perfect 10 tayo. Pagtatawanan ako ng family ko.


Ano pa bang sasabihin ko? Mukha namang ito lang yung iuupdate ko sa’yo. O sige, iiwanan ko nalang ulit itong sulat sa may tabing dagat. Kasi di ba dun mo nga ‘to makikita at hahanapin mo na ako. Huwag kang mag-alala para hindi ka na masyadong mahirapan, nilagay ko na yung address ko. Baka kasi hindi ka na naman umabot sa birthday ko. Maghihintay na naman ako ng isang taon.


Yung mga sinabi ko ha, wag mong kakalimutan!!! See you on my birthday!!




Love,

Ms. NBSB


P.S.

Nakalimutan kong sabihin, di ko na trip ang white roses, masyado nang palasak. Tulips na lang ang dalhin mo sa birthday ko, kahit isang dosena lang.

Saturday, April 24, 2010

Paggising sa Isang Panaginip

Kailangan na kitang pakawalan. Huwag mo sanang isipin na balewala lang sa akin ang lahat at pinaglaruan lang kita. Tunay ang naramdaman kong pagmamahal sa’yo. Pero sadya yatang dumating na tayo sa dulo. Hindi na ako masaya.


Ilang taon din na umikot ang mundo ko sa’yo. Ni minsan hindi ko naisipang tumingin sa iba. Ikaw lang ang nag-iisa, walang kapantay,walang kaparis. Baliw sigurong matatawag ang isang tulad ko. Ngunit wala akong tutol. Baliw nga siguro ako na nahumaling sa’yo.


Ikaw ang diyosa ng aking mundo. Maaari ka nang tawagin na perpekto at kahit isang pintas ay walang maaaring ipukol sa iyo. Ngunit bahagi lamang ang iyong panlabas na anyo upang makuha mo ang aking puso. Tuwing kasama kita, pinaparamdam mong mahalaga ako, na hindi mo kakayanin kapag wala ako sa iyong tabi. Na sa bawat kilos, gawain, emosyon pati sa iyong pananamit, mahalaga ang bawat sasabihin ko.



Pero sadya nga yatang tuso ang tadhana. Ang dahilan ng pag-usbong ng pagmamahal ko sa iyo ay siya ring naging dahilan upang unti-unti itong mawala. Tama nga siguro ang linya sa isang pelikula. Hindi ka nagmamahal dahil kailangan mo siya sa halip mahal mo siya kaya kailangan mo siya. Hinanap kong maiparamdam mo sa akin ang huli, subalit bigo akong umasa. Patuloy kang naging komportable na mahal lang kita.


Hindi ko rin namang inaasahan na maaring magbago ang lahat sa isang pitik lang. Wala sa aking hinagap na mauubusan ako ng dahilan para mahalin ka. Maaring sabihin ng iba na baka may ipinalit na ako sa’yo. Maniwala ka, walang iba. Sadya lang talagang wala na akong nararamdaman. Kailangan ko ng isiksik sa aking utak na pakawalan na ang isang tulad mo. Dahil kahit anong gawin ko, hindi ko mababago ang isang katotohanan. Manika ka. Tao ako.


Oo, isang laruan na sinamba at minahal ko sa mahabang panahon. Laruang binigyan ko ng buhay at pakiramdam nang naaayon sa aking kagustuhan. Naging bulag akong isipin na magiging sapat kahit ako lang ang nagdedesisyon sa lahat at nagmamahal. Subalit ako’y mali, maling mali. Darating din pala ang panahon na ako’y maghahanap. Mag-aasam sa pag-ibig na kailanman ay hindi masusuklian.


Ngayon, kailangan na kitang ikahon at ibalik sa dati mong lalagyan. Palayain at maging bahagi na lamang ng isang koleksyon. Pero bago ang lahat hayaan mo munang suklayan kita. Pakintabin ang iyong buhok katulad ng dati. Bihisan ng magara at ibalik ang orihinal mong damit. Gusto ko maalala kung sino ka nung una kitang nakita sa mall. Nais kong sa huling pagkakataon maalala ko ang unang araw na minahal kita.

Wednesday, April 21, 2010

Sorry na...Please




“Tsk tsk, sino na naman kaya nangialam ng gamit ko.
Pati stationary ko pinakialaman oh. Pambihira paborito ko pa naman yun”


Salubong na ang mga kilay ni ate habang nag-iikot sa kwarto hanap-hanap ang nawawala niyang stationary. Sinasadya niya atang lakasan ang kanyang boses para marinig naming magpipinsan. Nagkakatinginan lang kami, yung parang nagtatanong sa isa’t isa kung sino ang salarin. Pero sigurado akong wala sa kanila ang aamin. Paano ba naman wala naman sa kanila ang kumuha. Dahil ako, ang nag-iisang kapatid at bunso ng ate ang siyang pasikretong umumit ng stationary niyang mabango.

Maganda ang stationary na iyon. May nakadrawing na pusong pula sa pagitan ng isang boy at girl. Feeling ko inlove sila sa isa’t isa. Tapos may nakasulat yata sa bandang itaas. Hindi ko nga maintindihan kasi parang stick lang na pinagdikit dikit o pinagpatong patong yung nakalagay. Bagay na bagay kasi kapag susulatan ko na ang crush kong si Darwin dahil kamukha ko yung babae sa papel. Para atleast pagkabigay ko kay Darwin lagi niya kong makikita sa stationary na yun. Kinikilig na tuloy ako kahit hindi ko pa nasisimulan yung sulat ko. Actually, nag iisa na lang ‘yun kaya nga kinuha ko na. Mukha namang makakalimutan na ni ate yun, last piece na nga di ba? Pwede ulit siya bumili ng bago.


“Sino ba kasi sa inyo ang kumuha nung stationary ko. Bakit hindi pa umamin. Nakakaasar e. Isusumbong ko kayo kay tita”

Wala pa ring natinag sa aming magpipinsan. Tuloy pa rin kami sa paglalaro ng bahay-bahayan. Mukhang walang naniniwala sa panakot ng ate ko. Palibhasa nasanay na kasi kaming si ate pa ang nasasabihan ng napakakalat kaya nawawalan ng gamit. Sa isang banda nakokonsensiya na ko habang pinapanuod ko si ateng naghahalungkat ng mga gamit niya. Kaya lang ayokong umamin baka kunin niya ulit sa akin yun. Medyo kinakabahan na nga ako kasi baka maghalungkat naman siya sa mga gamit namin. Patay, baka hindi na maamoy ni Darwin ang mabangong stationary ko. Buti na lang tinawag na kami ni tita para maghapunan.

Ate: Tita …
Tita C: O bakit?
Ate: Tita yung stationary ko po nawawala. May kumuha po sigurado nun sa mga ‘to
Tita C: Ang hilig mong magbintang, napakakalat mo kasi kaya hindi mo alam kung saan mo nilalagay.
Ate: E nawawala naman po talaga e. Hinanap ko na sa kwarto. Wala talaga.
Tita C: Hay naku kumain ka na nga lang. Bumili ka na lang ng panibago
Ate: Paborito ko nga po yun. (Nagmamaktol sabay tingin sa amin) Hay naku kung sino man kumuha ng stationary ko, pagdadasal ko na dalawin ng mumu at tsaka…
Tita C: Immaculada, tumigil ka na nga. Alam mo namang matatakutin yang mga yan, mapapalo kita eh
Ate: Basta! Malalaman ko kung sino kumuha nun mamayang gabi… awooooohh (sabay tawa)

Naku po. Sa lahat ng ipapanalangin ng ate ko, multo pa ang naisip niya. Ok lang sana kung mapaihi sa kama kasi pwede ko namang itago yung salwal ko pagkagising. Pero multo??? Siguradong hindi ako makakatulog nito. Isipin pa lang na mamaya may lalapit sa akin na babaeng nakalutang, pinaninindigan na agad ako ng balahibo.

Bigla akong nawalan ng gana sa pagkain. Sayang paborito ko pa namang munggo ang ulam. Umiiyak akong pumasok sa kwarto at inilabas ang stationary na inumit ko. Sorry Darwin ha, hindi mo malalaman na crush kita. Sana maging magkakklase na lang tayo sa susunod na pasukan. Hayaan mo tita ko naman ang titser, sasabihin kong gawin tayong magkagrupo. Pero teka paano ko ito isosoli kay ate? Kailangan maisoli ko na ito sa kanya bago kami humiga. Baka maipanalangin pa niya, natatakot na ako ngayon pa lang.

Naisipan kong gumawa ng sulat:

Dear Ate,

Sori, ako yung kumuha ng stationary mo. Sana mapatawad mo ako. At sana wag mo nang ipanalangin na dalawin ako ng multo. Ibabalik ko na naman sa’yo. Please. I Love you.

Love,

Mutya


Habang nanonood siya ng tv ay dali-dali kong tinapon sa harap niya ang sulat at nagtalukbong na ako ng kumot sa kwarto pagkasara ng pinto. Nag-antay ako ng sisigaw pero wala akong narinig. Pinakiramdaman ko kung may lalapit pero walang yabag ng paa o anumang kaluskos. Maya-maya biglang bumukas ang pinto, pero wala pa rin nagsasalita. Natatakot na ko, baka maagap nagdasal si ate ah. Nalate yata ako sa pag - amin. Katapusan ko na.


“Nagbigay na ko ng sulat kay ate, umalis ka na. Patulugin mo na ko. Maawa ka. Ibabalik ko na yung stationary niya” Umiiyak na ko nito kasi feeling ko lalapit na siya. Hindi nga ako nagkamali, lumapit nga siya. Nagsisigaw ako habang umiiyak, kasi naman eh, isosoli ko na naman.


“Sa susunod kasi magsasabi ka, ibibigay ko naman sa’yo ‘yun eh. Tignan mo tuloy natakot ka pa”

Pahikbi-hikbi pa rin akong nakatalukbong ng kumot kahit alam kong si ate na yun. Nakakahiya kasi, bistado na. Inantay ko pa ang kanyang susunod na sermon, pero sa halip niyakap niya ako at hinalikan sa noo. Matagal ding ganon ang itsura namin nang bumulong siya:


“Sa’yo na yung stationary ko, kunin mo na rin yung sobre na natitira. Huwag mong kalimutan dikitan ng sticker ha. Balitaan mo ako kung anong sasabihin ni Darwin.”


***** Para sa kapatid ko, alam kong pamilyar sa'yo ang istoryang ito. :P Ate Dimple Happy Birthday!!! I Love you!!! Mwaaaaaaaaaah

Thursday, April 15, 2010

Napahimbing

Malamig ang umaga. Sumiksik ako sa iyong tabi subalit wala akong naramdamang init bagkus isang unan lamang ang napuluputan ng aking mga bisig. Pimilit kong imulat ang aking mga mata, nakita kong maayos na nakatiklop ang ating kumot at wala ka na. Alas kwatro pa lang iyon ng umaga, nakakapagtakang maagap ka ngayon gumising. Bumaba na ako upang magtimpla ng kape nang makita kitang mahimbing na natutulog sa sofa. Ginigising kita para palipatin sa kwarto, pero pagkakita mo sa akin tinalikuran mo lang ako. Nakupo, mukhang masisimulan ang umaga ko nito a. Ano na naman kaya ang nagawa ko?

Hindi ka nagsasalita habang nag uumagahan tayo. Actually OA naman kapag sinabi kong hindi ka nagsalita. Parang ganito lang naman tayo kanina:


Ako: Ba’t sa sofa ka nga pala natulog kanina?

Ikaw: Wala lang.

Ako: Galit ka ba?

Ikaw: Hindi.

Ako: E bakit nga?

Ikaw: Ewan ko. Ikaw baka alam mo kung bakit.


Konting katahimikan.


Ako: Ang sarap ng kape mo ah.

Ikaw: (kibit balikat)

Ako: Siyanga pala restday ko ngayon. Pinayagan ako ni Boss ng dalawang araw na pahinga. Anong gusto mong gawin? Gusto mo lumabas? Manood ng sine? Mamasyal sa mall?

Ikaw: Ayoko.

Ako: Mahal, galit ka ba? (sabay hawak sa kamay mo)

Ikaw: Hindi sabi. (sabay tanggal ng kamay mo)


Akala ko nag cool down ka na nung tanghalian kasi habang niluluto mo ang paborito kong humba ay pakanta kanta ka pa. Tinigtignan kita habang kumekembot kembot ang iyong balakang, sumasabay sa iyong pagkanta. Hindi ko tuloy alam kung saan ako mas natakam. Sa humba na niluluto mo o sa’yo mismo. Pero hanggang sa matapos tayong kumain ay hindi mo pa rin ako iniimik. Halos buong araw mo na akong hindi pinapansin maliban lang noong pinagtimpla mo ako ng kape. Nagkuwanri pa nga akong matabang para mapaimik ka pero inabot mo lang sa akin ang isang kutsarita at lalagyan ng asukal.


Ako: Mahal ano bang problema, buong araw mo na akong hindi pinapansin a.

Ikaw: Wala naman a.

Ako: Wala ba yan? E parang kanina pa ko sayo invisible e. Sabihin mo na kasi para hindi na lumaki.Ayan nasayang pa yung araw imbes na naipasyal kita.

Ikaw: May problema ba? Wala naman e. Ayoko naman pati lumabas kaya hindi nasayang yung oras. May sasabihin ka pa ba? Maliligo na muna ako bago matulog.

Ako: Wala na.

Ikaw: Sa susunod kasi kung may sisimulan ka tapusin mo.

Ako: Ano???

Ikaw: Wala. (sabay pasok sa banyo)



Saglit nga, wala naman tayong pinag awayan kagabi di ba? Maagap pa nga akong umuwi at may dala pa nga akong isang kilo ng green apple na paborito mo. Sabay pa tayong kumain tapos naglalambingan pa tayo habang naghuhugas ka ng pinggan. Napapangiti tuloy ako. Hinahalikan ko ang iyong batok habang yakap yakap kita mula sa likuran. Muntik mo pa ngang mabasag ang pinggan mabuti na lang mabilis ang mga kamay ko. Sabay nating natapos ang hugasin at pinagpatuloy ang kulitan sa kwarto. Teka…. Kwarto? Kulitan? Halik sa batok habang yakap yakap ka? Bakit wala na akong maalalang kasunod? Tinamaan ng magaling, alam ko na kung bakit masama ang loob mo. Takte, nakatulog pala ako.

Ikot na ang pwet ko kaiisip kung pano ako makakabawi. Ipagluluto ba kita bukas, bibilhan ng bulalak, alahas, damit o cellphone? Damn, malapit ka nang matapos sa paliligo pero wala pa akong naiisip. Tinignan ko ang kwarto, wala namang unan sa gitna at may nakalagay din na unan sa side ko sa bed. Ayos, mukhang walang matutulog sa sofa. Pero teka, anong gagawin ko para makabawi? Ayan, lalabas na siya. Sa sobrang katarantahan hinarang ko siya sa may pinto.


Ikaw: O may problema ka ba?

Ako: (Walang imik)

Ikaw: O ano? Padaanin mo na nga ako jan. Gusto ko nang matulog.

Ako: (Wala ulit imik)

Ikaw: (Wala na ring imik kasi naglapat na ang ating mga labi)


Kinabukasan, pag gising ko maayos na ulet ang higaan sa kama. Tiklop na rin ang kumot at nakahanay na ang mga unan. Hindi ko alam kung kakausapin mo na ako ng maayos o kung galit ka pa. Pero kahit ganun masaya pa rin ako. Abot tenga nga ang ngiti e lalo na kapag naalala kong muntik nang masira ang sofa. :P

Sunday, April 11, 2010

Uzzap Tayo ^_^

"hi, ng awt k n pla s rum, miz agd kta :P "

(Sender: 0918******* Received: 10:15:08pm 03/March/2010)

"Hu u?"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:18:25pm 03/March/2010)


" Si J Bravo 2 knna s F12, kw ha d m cnsve # k :P"
(Sender: 0918******* Received: 10:18:50pm 03/March/2010)

"hehe, kw pla. lm q nmn kcng mgttxt k e :blushing: miz dn kta :D"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:19:02pm 03/March/2010)

"Tlga? cge nga kis mo k :P Lmbng m knna ha, yn naiinggt 2loy knna ung mga nsa rum..hehe"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:19:35pm 03/March/2010)

"mwaaaaaaaaaaaah :-* xmpre bsta sa beh q..hihihihi :P"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:20:07pm 03/March/2010)

"wow tsalap nmn nun..swit tlga ng beh k :P sna pg ngkta tau swit k p rn :P Ssma kb sa EB nxt mnth? kc ssma ako kng ksm k..hehe d aq nkkpg EB pro pg andn ka ppnta ako :P"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:21:00pm 03/March/2010)

"yep ssma aq cgrdng msya dn tska mmi2t q n rn sina sis aga, behlat n xii"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:21:15pm 03/March/2010)

"Bka nmn mmya cla lng kausapn mo? :-("
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:21:20pm 03/March/2010)

"xempre qng andn k ikw lng lgi q ksm.kw ha pngse2lsan m n agd cla. ikw nmn kya beh q :-* luv yah"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:23:15pm 03/March/2010)

"love you 2..xcted n 2loi ako sa EB. Sna bkas na :P An2k k nb? Mejo l8 na e bka naiis2rbo ko n pg2log m :D"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:22:06pm 03/March/2010)

"hehe mejo an2k n nga q beh :-* yaan m n ilng 2log n lng EB n mgkkta n rn tau :P ayan pti aq excted na :D"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:24:25pm 03/March/2010)

"Sge 2log na tau. Txt kta pag oonlyn na k o kya sa rum n lng tau mgkta. Oist penge nman ako pix ng beh ko :P Pra may tititigan at hahalikan ako sa gbi :P"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:23:01pm 03/March/2010)

"Nq beh la ako load e :-( kw n lng mgsend skn ng pix :-* hihihi"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:24:50pm 03/March/2010)

"Sge pshan kta load tas send k pix mo, tsa mgse2nd din ako :P"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:25:08pm 03/March/2010)

"owkei w8 q n lng ung lod tpos send na rin ako. luv yah beh q mmmwwwaaaaaah :-* nytie"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 10:25:15pm 03/March/2010)

"Nyt din beh, mmmmmmmwaaaaaaah :P w8 pslod n kta"
(Sender: F12 Beh JBravo 0918******* Received: 10:25:23pm 03/March/2010)




"Morning beh q :P WOW ang cute ng dimples mo :D Srap hlikan :PMgkta n kya tau? hehehe narecve m b pic ko? love u"
(Sender: 0918******* Received: 10:15:15pm 04/March/2010)

"Mukhng 2log p beh kng mgnda ah :P lunch ka na..love you :P"
(Sender: 0918******* Received: 12:23:05pm 04/March/2010)

"Beh di ka ata onlyn ngaun? Pmsok ako s rum wla ka, change nik k b?"
(Sender: 0918******* Received: 02:47:52pm 04/March/2010)

"Unattended pla fone m kya d m mbsa txt ko. txtbk k agad pagkbsa mo ni2.miz u na beh :P"
(Sender: 0918******* Received: 05:39:56pm 04/March/2010)

"Bt d m cnsgot twag ko? Knna pa ko 2matwag eh. My ngawa ba ko beh. Reply k nman :-("
(Sender: 0918******* Received: 07:28:16pm 04/March/2010)

"HU U B? Txt k ng txt d nmn po kta klala. Pls lang tglan mo na po pgtwag kc nalo2bat po aq. wrong send po ata kayo, my BF po ako bka mglt skn pg nkta n twag po kau ng twg. tnx"
(Sender: F12 BBoop 0928******* Received: 07:30:00pm 04/March/2010)





Awtsayd de Kulambo

Dali-dali ako sa pag-uwi. Sumakay na ako ng tricycle para maagap akong makarating sa amin. Bawat hampas ng hangin sa aking mukha ay nalalanghap ko rin ang aroma ng manok na binili ko sa bayan idagdag mo pa ang dalawang kilong lansones na alam kong paboritong paborito niya. Siguradong matutuwa si misis sa ibabalita ko, mukhang hindi ako maa outside the kulambo ngayong gabi.

Pagod na pagod na ako sa paglalakad kanina. Tagaktak na ang pawis ko habang sinusuyod ng tingin ang bawat establisyimentong nadaraanan ko. Naisin ko mang bumili kahit ice tubig ay hindi ko magawa dahil baka kulangin ako sa pamasahe pag uwi ko mamaya. Bakaw pa man din ang mga nagttricycle sa amin lalo't madilim na. Dalawang buwan na akong ganito, walang trabaho at walang lambing mula kay misis. Ni hindi ko na nga alam ang itsura ng aming kwarto sa gabi. Umiilaw pa rin kaya ang mga idinikit kong glow in the dark sa kisame? Minsan tuloy gusto ko nang manapak kasi ang sex life ko parang ng coke. Kung hindi LIGHT,ZERO.

Hindi ko na matagalan ang init na nararamdaman ko, kaya ipinasya ko munang magpahinga sa may plaza. Napakasarap mag-inat habang lumalapat ang likod ko sa upuan. Hay, kelan ba darating ang swerte sa isang tulad ko? Saktong baba ng kamay ko mula sa pagkakainat ng may madakma akong pitaka. Agad ko itong inusisa sa pagbabakasakaling may iilan na lilimang daanin na laman.HIndi ako nagkamali, namumutok ang pitaka sa salapi. Ibubulsa ko na sana, nang makita ko ang ID ng mama, #%@&*@ kasi bakit kelangan ko pang makita yun. Nakonsensiya ako, naisip kong baka maoutside the kulambo din siya pag-uwi. Matapos ang ilang buntong hininga, nagpasya akong isoli na lamang ito.

Walang pagsidlan ng tuwa ang may-ari. Sa sobrang tuwa tinanong niya ako kung ano ang gusto kong reward. Kapalan na ito ng mukha, sinabi kong kailangan ko ng trabaho. Mukhang ito na yata ang hinihintay kong swerte, dahil hindi lang trabaho ang inalok ng mamang mataba. Binigyan din niya ako ng dalawang liman daan mula sa pitaka. Ayos, maibibili ko na si misis ng masarap na ulam.

Karipas na ako sa pag-uwi. Kulang na lang liparin ko ang bahay sa sobrang pananabik. Una kong nabungaran ang iyong repleksyon sa may bintana at umaalingasaw pa ang paborito mong pabango hanggang sa labas. Putek, talagang napakaswerte ko nama't pinaghandaan mo pa ang aking pagdating. Dahan-dahan kong binuksan ang gate, nag iingat na hindi mo marinig ang pag-ingit. Tatawagin na sana kita, nang biglang may yumakap sa repleksyong nakita ko lang kanina. Para akong tuod habang pinapanuod ang isang palabas, palabas na dapat ay ako ang bidang lalaki.

Ilang minuto rin akong nakatayo sa may gate nang mamatay ang ilaw sa ating kwarto. Mabilis kong tinungo ang pinto at dumiretso sa kusina upang ihanda ang aking napamili. Iniisip ko kung naramdaman ninyo ang aking pagdating. Dahil ako hindi ko alam kung paano ako nakatulog sa sofa, sa sala, sa ating bahay. Marahil dahil na rin ito sa pagod o kaya'y nais kong isipin na panaginip lamang ang aking nasaksihan. Panaginip na sana'y mananatiling panaginip hanggang sa aking paggising.

Bukas na tayo mag-usap. Hayaan ko munang mamatay ang aking pananabik na hindi ma outside the kulambo ngayong gabi. Good night. Sana'y mahimbing ng tulog niyo ni pare.

Wednesday, April 7, 2010

Ang Babae sa Jeepney

Pagsakay mo pa lang, napansin agad kita. Ang bango bango mo, napakainit ng panahon pero parang ang prekso presko ng iyong amoy. Hmmmmm, papalapit ng papalapit ang halimuyak, para akong namamasyal sa malawak na kaparangan na napapaligiran ng mga bulaklak. Halos mabaliw baliw ako nung pumuwesto ka sa tabi ko.

Nagkatinginan tayo, ngumiti ka. God, ang puputi ng mga ngipin mo at pantay pantay pa. Napatawa ka sa akin, siguro kasi ilang minuto na akong titig na titig sayo.Sa hiya tumingin na lang ako sa may bintana, pero palihim pa rin akong sumusulyap. Buti na lang matagal pa bago ako bumaba atleast mapagnanasaan este matitigan pa kita.

Inabot ko ang bayad mo. Sinigurado kong maglalapat ang ating mga kamay. Ang lambot parang sa bata. Hindi kita binibitawan, ang sarap sarap mo kasing haplusin. Nagtataka ako kung bakit hindi ka bumibitaw pero ineenjoy ko na rin. Hindi naman araw araw na may nakakasakay ako ba kasing ganda mo. Dahan dahan kong binitawan ang iyong mga kamay para muling humaplos sa aking balat ang iyong kakinisan. Marami pang sumakay sa jeep, pero sinigurado kong sisiksik ako sa tabi mo. Siyempre ikaw ba naman lalayo pa kapag may magandang tanawin ka nang nakikita?

Iilan na lang tayo sa jeep at naisipan kong itanong ang iyong pangalan. Nice meeting you Hannah kung alam mo lang lalong umiinit ang panahon habang katabi kita. Siyempre sa isip ko lang yun sinasabi baka mamaya makatikim ako ng sampal katanghalian. Ilang minuto rin kitang nakausap bago ka bumaba. Ngingiti ngiti pa ako sayo habang dumadaan ka sa harap ko. Sinuklian mo rin ako ng ngiti at napatawa ka pa nga. Natawa rin ako , pero saglit lang kasi nung malapit ka nang bumaba hinawakan ng lalaking nasa unahan mo ang iyong mga kamay.

Bigla akong nilamig habang tanaw tanaw ko kayo papalayo sa jeep. Napakainit ng panahon pero parang gusto kong magjacket ng mga oras na iyon. Iiling iling ang driver ng jeep na sinasakyan ko samantalang mukhang naaawa na ang aking mga kasakay . Parang tumigil ang oras nang bigla kong nakapa ang aking bulsa.

“%^&*#$@#$#$ nadukutan na pala ako.” Kaya pala walang nagvivibrate sa aking pantalon, nakuha na ang aking cellphone. Ang malala pati wallet ko natangay. Takte, andun yung pambayad ko ng tuition ng kapatid ko. Pumara na ko sa jeep, hindi ko matanggap ang nangyari. Hindi ko na rin matagalan ang nararamdamang kong kahihiyan.

“Tsk tsk, napakamanyak kasi, ayan hindi man lang naramdamang dinudukutan na.”

Tuesday, April 6, 2010

Tula sa Manggahan (2)

Gagradweyt na tayo…
Hanggang ngayon olats pa rin ako sa puso mo
Para kang play sa basketball
Isshushoot ko na lang, mabubutata pa ng iba
Haaaay kelan ko ba masasabing MAHAL KITA

Di ko na mabilang kung ilang contest at quizbee ang napuntahan
Masilayan ka lang, mapalakpakan sa bawat tamang sagot
Nais ko minsang magpanggap na tayo na
Ipagmalaking ang babaeng minamahal ko
Ay ang kanilang tinitingala at hinahangaan

Sana ako na lang ang hinihintay mo sa Manggahan
Ako na lang ang gusto mong sabayan sa meryenda
Para naman sa tuwing dadaan ako sa iyong harapan
Hindi mo na ako titignan ng kakaiba
At masasabi ko sa’yong: “Kanina ka pa? Tara kain na.”

Hanggang tingin na lang ba palagi?
Mananatiling “kung sana..” sa buhay ko?
Ano ba talaga ang dapat kong gawin?
Mga tanong na walang tiyak na kasagutan
Hindi malalaman hangga’t hindi sinosolusyunan

Gagradweyt na ta’yo…
Naisip kong last shot ko na ito
Pupunta ako sa Manggahan, magbabakasakaling andun ka
Para bago man lang magkahiwalay, magsimula ng panibagong buhay
Malaman mong MAHAL KITA



-James-

Tula sa Manggahan (1)

Gagradweyt na tayo…
Hanggang ngayon singko pa rin ako sa puso mo
Para kang essay sa exam
Alam ko ang sagot pero hindi ko mahanap ang tamang mga salita
Haaaay kelan ko ba masasabing MAHAL KITA?

Hindi mo lang nakikita o napapansin
Bawat laro, bawat tira, free throw at rebound
Andun ako, nagchicheer para sa’yo
Sinasabayan ka sa lungkot, tuwa at pagkapanalo
Sinasabing ikaw ang Most Valuable Person sa puso ko

Naging saksi ang Manggahan sa may canteen sa aking nararamdaman
Nag aabang, palaging hinahanap ng aking mga mata.
Nagbabakasaling sasaluhan kahit sa meryenda.
Subalit palagi na lang bigo sa tuwing ika’y makikita
Nauutal, nalilito kung paano ko sasabing “Hi, kumain ka na?”

Hanggang tingin na lang ba palagi?
Mananatiling “what if?” sa buhay ko?
Ano ba talaga ang dapat kong gawin?
Mga tanong na walang tiyak na kasagutan
Hindi malalaman hangga’t hindi sinosolusyunan

Gagradweyt na ta’yo…
Naisip kong isang premyo ang hindi ko pa napapanalunan
Mag aantay ako sa Manggahan, aantaying ika’y dumaan
Para bago man lang magkahiwalay, magsimula ng panibagong buhay
Malaman mong MAHAL KITA



-Vanessa-

Friday, April 2, 2010

Third Party

..sa lahat ng party ito ang hindi masaya.


Tatlong taon na tayong ganito. Hindi ko alam kung bakit nakatagal ako sa relasyong ito at ikaw bakit hanggang ngayon hindi humahanap ng iba. Wala sa hinagap ko na papasok tayo sa ganitong relasyon. Estudyante ka pa noon, samantalang ako abala na kung paano bubuhayin ang sarili ko.Magkaibang magkaiba tayo pero talaga yatang pinaglapit tayo ng tadhana. Sa isang party ng common friend nakilala kita. Hindi ka mukhang estudyante, kung tutuusin mas mukha kang matured kumpara sa iba na nakakahalubilo ko. Mas matured hindi lang sa mukha kundi sa pag -iisip. Siguro dun ako nahook. Ako? Hindi ko alam kung bakit ako ang napili mo. Basta ang alam ko hanggang matapos ang party, hanggang mag uwian ang lahat, hanggang umuwi ako sa condo ko...kasama kita. Akala ko nga that was it, a one night stand, pero nagkamali ako.

Dumadalaw ka na sa bahay. Maabutan kita na nakatanga sa may lobby, hinihintay ang pag uwi ko. Matyaga ka rin, kahit madaling araw hinihintay mo ko. Kahit pa nga minsan hindi ako umuuwi ng ilang araw nalalaman ko sa guard na nagpupunta ka. I never gave you my number, sabagay hindi mo rin naman hiningi. Pareho na lang siguro tayong nakuntento na nag aabang ka lang sa pag-uwi ko.Masaya akong nandun ka. Bawat sulok ng condong iyon napunan mo ng alaala. Malungkot o masaya napagsaluhan natin ng magkasama. We talk about things. Mga pangarap mo , pangarap ko at pangarap natin para sa mga sari-sarili nating pamilya. Seryoso ka sa studies and you have set your priorities straight.Alam mo kung san ka pupulutin after graduation. At times naiisip kong magtanong kung kasama ba ko sa priorities mo, but then pinipigilan ko ang sarili ko because I don't have the right to demand. Kabit ako.

Two years na kayong mag-on ni Paula. You said you're happy pero tinawanan lang kita kasi you wouldn't be here kung masaya ka sa kanya. Maganda siya, you have her picture on your wallet and you told me she came from a good family. Tinanong kita kung mahal mo siya, hesitant ka noong una but then you said yes. Tapos right after niyakap mo ako at sinabing mas mahal mo ako kesa sa kanya na hindi mo lang siya mahiwalayan kasi may utang kayo sa pamilya nila. Hindi ako naniniwala sa'yo pero later I was convinced. Lalo na nung pinakilala mo ako sa mga magulang mo. Akala ko magagalit sila sa akin or pakikitaan ako ng masama kasi nga sabit lang naman ako pero parang pamilya yung naging turing nila sa akin. Hanggang ngayon parang parte pa rin ako ng pamilya niyo. I guess naiintindihan nila ang sitwasyon mo. Ako, hindi ko sila maintindihan kung bakit natatanggap nila ang lahat sa akin, sa atin. Hindi ako nagrereklamo dahil kung tutuusin maswerte nga tayo. Wala lang, siguro kasi kung sa pamilya ko yun matagal na kong nakurot sa singit.

Ako na nga yata ang pinakamaswerteng kabit sa lahat. Akin ka, kahit kelan hindi ako nagpaschedule sa'yo. Buong atensyon mo lagi ang nakukuha ko pati pagmamahal mula sa pamilya mo damang dama ko. Lahat na nasa akin, pwera lang siguro ang titulo bilang girlfriend mo. Ayokong mag demand dahil masaya ako kahit pa para sa iba nakaw ang lahat ng iyon.

Ngayon, gagraduate ka na at sinabi mo sa aking hihiwalayan mo na si Paula. Nakabayad na pala kayo sa utang niyo,lusot ka na, pwede mo na nga naman siyang hiwalayan. Maraming ka nang plano para sa ating dalawa at tinanong mo kung mahal kita. Dapat akong magsaya, sa wakas maipapakita mo na sa buong mundo na tayo na. Hindi na ako kabit sa buhay mo kundi official na girlfriend mo. Pero hindi ko yun naramdaman, nanghina ako. Hindi ako makasagot sa tanong mo, nagmamakaawa ka na at umiiyak. It broke my heart lalo na nung sinabi mo sa akin: " Hindi ako magdedemand sayo, kung ano yung kaya mong ibigay, ilaan na oras at panahon sa akin ok na yun. Ngayon na maghihiwalay na kami ni Paula, handa akong mag antay na kayo naman ni Frank ang maghiwalay"

Kabit ko din siya. Alam niya yun nung simula pa but he still insisted. Nung mga times na ilang araw akong nawawala at hinihintay niya sa condo ko, nasa Davao ako kasama si Frank. First year anniversary namin ni Frank noong nakilala ko siya sa party, parang gumanti lang ako kay Frank cause he wasn't there hindi ko naman akalain na aabot kami sa ganito. At siguro kaya hindi na namin kinuha ang number ng isa't isa para hindi kami masaktan. Isipin pa lang kasi na iba ang kasama ng isa, siguradong hindi kami makakatiis na hindi tumawag o magtext. Naging kuntento kami na nagkikita at nagkakasala sa condo ko. Mahal ko siya pero hindi ko mahiwalayan si Frank. Pinagkasundo na kami ng pamilya ko. It would break my papa's heart kapag nakipaghiwalay ako. It would break the tradition.

Niyakap ko siya. Hindi ko na napigilan yung mga luha ko. Sinabi kong mahal ko siya. Yun naman ang totoo, bakit ba pipigilan ko pa ang sarili ko. Alam kong mali, alam kong baka masira ang mga pangarap niya sa kasalanang kinukunsinte ko. Pero mahal ko siya, mahal namin ang isa't isa. Bahala na kung anong mangyayari, kung anong magiging ending ng storya namin. Ayaw ko mang mangyari, alam ko makakahanap rin siya, magmamahal ng iba na bibigyan siya ng buong atensyon, yung siya lang ang mamahalin. Ako,pipiliting mahalin si Frank mapasaya lang ang pamilya ko. Pero sa ngayon, sa amin ang mundo. Sa akin siya, sa kanya naman ako.Iniisip kong magiging maaayos din ang lahat para sa amin. Alam kong magiging masakit, magiging mahirap pero sana makaya namin ang lahat lalo na ngayon, magiging tatay na siya.

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design