Pages

Saturday, April 24, 2010

Paggising sa Isang Panaginip

Kailangan na kitang pakawalan. Huwag mo sanang isipin na balewala lang sa akin ang lahat at pinaglaruan lang kita. Tunay ang naramdaman kong pagmamahal sa’yo. Pero sadya yatang dumating na tayo sa dulo. Hindi na ako masaya.


Ilang taon din na umikot ang mundo ko sa’yo. Ni minsan hindi ko naisipang tumingin sa iba. Ikaw lang ang nag-iisa, walang kapantay,walang kaparis. Baliw sigurong matatawag ang isang tulad ko. Ngunit wala akong tutol. Baliw nga siguro ako na nahumaling sa’yo.


Ikaw ang diyosa ng aking mundo. Maaari ka nang tawagin na perpekto at kahit isang pintas ay walang maaaring ipukol sa iyo. Ngunit bahagi lamang ang iyong panlabas na anyo upang makuha mo ang aking puso. Tuwing kasama kita, pinaparamdam mong mahalaga ako, na hindi mo kakayanin kapag wala ako sa iyong tabi. Na sa bawat kilos, gawain, emosyon pati sa iyong pananamit, mahalaga ang bawat sasabihin ko.



Pero sadya nga yatang tuso ang tadhana. Ang dahilan ng pag-usbong ng pagmamahal ko sa iyo ay siya ring naging dahilan upang unti-unti itong mawala. Tama nga siguro ang linya sa isang pelikula. Hindi ka nagmamahal dahil kailangan mo siya sa halip mahal mo siya kaya kailangan mo siya. Hinanap kong maiparamdam mo sa akin ang huli, subalit bigo akong umasa. Patuloy kang naging komportable na mahal lang kita.


Hindi ko rin namang inaasahan na maaring magbago ang lahat sa isang pitik lang. Wala sa aking hinagap na mauubusan ako ng dahilan para mahalin ka. Maaring sabihin ng iba na baka may ipinalit na ako sa’yo. Maniwala ka, walang iba. Sadya lang talagang wala na akong nararamdaman. Kailangan ko ng isiksik sa aking utak na pakawalan na ang isang tulad mo. Dahil kahit anong gawin ko, hindi ko mababago ang isang katotohanan. Manika ka. Tao ako.


Oo, isang laruan na sinamba at minahal ko sa mahabang panahon. Laruang binigyan ko ng buhay at pakiramdam nang naaayon sa aking kagustuhan. Naging bulag akong isipin na magiging sapat kahit ako lang ang nagdedesisyon sa lahat at nagmamahal. Subalit ako’y mali, maling mali. Darating din pala ang panahon na ako’y maghahanap. Mag-aasam sa pag-ibig na kailanman ay hindi masusuklian.


Ngayon, kailangan na kitang ikahon at ibalik sa dati mong lalagyan. Palayain at maging bahagi na lamang ng isang koleksyon. Pero bago ang lahat hayaan mo munang suklayan kita. Pakintabin ang iyong buhok katulad ng dati. Bihisan ng magara at ibalik ang orihinal mong damit. Gusto ko maalala kung sino ka nung una kitang nakita sa mall. Nais kong sa huling pagkakataon maalala ko ang unang araw na minahal kita.

9 comments:

  1. akala ko naman nag-iba na ang preference mo...pambihira laruan lang naman pala..

    cool =)

    ReplyDelete
  2. hahaha di pa naman ako dumadating sa ganun...masaya pa ko kahit nag iisa muna.. ^_^

    ReplyDelete
  3. manika naman pala..akala ko kung ano na, hehe

    ReplyDelete
  4. Naikah0n ko na, mag iisang taon na ^_^ haha w0i napadaan ka

    ReplyDelete
  5. dikitan mo na lang ng buhok ng kaaway mo tapos saksakin mo ng maraming beses..useful na yan hehehe...pero andrama ha hehe... ^^ galing naman mag-alaga ng manika ^^ ano name niya?

    ReplyDelete
  6. secret...la na ko kontak sa manika ko.. :P

    ReplyDelete
  7. very very nice. :)

    Somehow, I can relate the DOLL-and-YOU relationship to any relationship present in this world. One common example is a bf-gf relationship. Example, The gf(YOU) gives everything to her bf(DOLL), the love, care, understanding, comfort, etc. On the other hand, the bf, is just the receiver and acting like a doll.

    Although, not all relationships are like that but we cannot deny that it exist.

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design