Pages

Friday, September 24, 2010

Sa Susunod na Birthday ko...

Dahil masyado nang late na magdemand ako para sa aking haberday ngayong taon, naisipan kong ilista na lang ang siyam (9) na bagay na sana ay may mag-iwan sa aming doorstep. Sana lang pag iniwan, e sa akin nakapangalan, baka kasi manenok ng iba...awts sayang! Pag masyadong mahal pwede naman 30-70 tayo (30% sa akin ^_^).

 January 

Kitchen Aid Mixer - ahem ahem kung wala po kayong balak tanungin, e sasabihin ko na lang. Mahilig kasi akong magbake kahit kadalasan e basurahan ang nakakatikim. :D Aalugin ko sa bowl yung mga barya baka swertehin ako sa pagbabake, maging negosyo pa.hahaha





 February

VW Beetle/Van - pangdate lang po :))



 March

Cellphone - tamang tama, uso itong panregalo sa mga ganitong buwan. Baka isipin na luma pero ito lang talaga ang nagustuhan ko sa mga naglalabasan ngayon. Walang pakelaman! :))




April

Dress - start na ng summer!! Para presko :D


 
May

Sandals - syempre para may pangpartner sa dress :)

June

Laptop - masyado po kasing maliit para sa mga daliri ko ang netbook. :POks na yung pwedeng gamitin sa mabigatang editing.


 July

Bed - sarap matulog sa mga ganitong panahon. Ang totoong dahilan: nagrerekalamo na 'yong sofa bed sa kwarto, di na ko kaya...hahahahah






August

Sneakers - tag-ulan na, para iwas-dulas pauwi galing opis :D


September

Plane Ticket - yun pong roundtrip na baka makadiscount pa tayo :)) Ok na po sa Italy, pero kung feeling generous po kayo, damay niyo na po yung mga katabing bansa..hahahaha Para naman next year sabay na kami magcecelebrate ng mama ko di ba??
 


O ayan, kumpletong kumpleto na araw ko kapag one day e napasa akin na yang mga yan. Kung feel mo naman na masyadong demanding akong humingi ng regalo...sige na nga PICTURE GREETINGS na lang!!! I-advance mo na rin pala muna para bukas hihihihi tenk yow ^_^...












Thursday, September 23, 2010

Tanti Auguri Mama!

Mama,

     Haberday mama!! Anong handa natin dyan??Pag may natira, wag po akong kalimutan ha? hehe Nakow sayang naman wala u here, i thought of buying u pa naman ng walang kamatayan na duster at sandals. Remember, ito ang madalas kong bilhin para sa'yo? Don't think na tinitipid kita, alam mo naman kung gaano ka kaselan sa mga gifts.hahahaha  Kaya naman palagi akong on the look-out sa mga nagugustuhan mong items para swak na swak, makikita kong masaya ka. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung anong trip u, alam mo naman ur there, i'm here..so layo.

    Miss ko po kayo. Sana by next year, magkakasama na tayo ulit. Para macelebrate na natin yung mga ganitong klaseng okasyon na magkakasama. Actually namimiss ko na po kasi ang lasagna niyo at idamay niyo na po yung grilled porkchop, monggo with talong, breaded lomo at baked mussels, baked chicken with potatoes,pacham at marami pa pong iba na hilig niyong ihain sa amin. Miss ko na kapag pinapagalitan niyo ako kasi i'm so very messy in the kitchen, at kapag palpak ang lumalabas sa oven tuwing nagtatangka akong magbake. Haist sa kitchen pa lang natin sa bahay ang dami ko nang namimiss sa inyo.Paano pa kaya kapag inisa-isa ko na yung bawat sulok ng bahay natin. So daming memories, hindi kasya here sa post ko.  :(

  Ano beh so arte ko naman today. Nagbabakasali lang naman po na macurious kayo na alamin kung anong nangyari sa bunso niyo at maisipang umuwi. Nakow, I'm sure happy happy na ulit us kapag nangyari yun lalo na at may makulit na batutang napadagdag sa family. Hindi na tayo all-girls, may maton na sa family. At sana someday, kapag may nabighani po sa kagandahan ng inyong paboritong anak, ay madadagdagan pa ang mga tsikiting sa bahay. :D

  Kaya naman po habang magkalayo pa tayo,  ito po muna ang regalo ko sa inyo:
  
  


 
  Sa ngayon po picture pa lang yan, pero malapit na rin yan. heheh Sana...

HAPPY BIRTHDAY MAMA!

I LOVE YOU 



                                                                                                                       Mutya


P.S. 

  May gusto pong humabol ng pagbati sa inyo :)





 Pati sila...


 



   

Wednesday, September 22, 2010

Bakit tinatamad akong magsulat?

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy at aaminin ko na ang dahilan kung bakit tinatamad na akong magsulat. Oo,ikaw ang may kasalanan.

Dati, madami akong oras.Madaming oras na walang ginagawa kahit patong-patong na ang trabaho ko. Magaan noon,lagi ko kasing iniisip na may bukas pa, pwede namang bumawi. Kaya sa mga petiks moment ng buhay ko, nakakabuo ako ng kwento.

Mga kwento na madalas ay nabubuo ng biglaan na lamang. Yung sasagi na lang sa aking isip ang isang sitwasyon at bubuuin para makapagpatawa o madalas ay makapagpaiyak sa mga bumabasa. Mahilig ako sa sad ending, yun bang grabe ang kurot sa puso. Pwedeng patay ang bida, o kaya naman pagtataksil, o yung hindi sila magkakatuluyan. Nasawa na nga yata silang magbasa dahil iisa lang naman ang nagiging ending: pagiging sawi.

Aaaminin kong marami akong nagawang blog, ngunit iisa lang naman ang nagiging tema ng bawat blog ko: ang aking hinaing sa pag-ibig. Madalas kasi na magustuhan ko ang mga taong hindi naman nakatingin sa akin. Andun kasi yung excitement, yung kailangan mong gumawa ng paraan para mapansin ka niya, para mabigyan kahit na kakarampot lamang na atensyon. Para ba siyang isang challenge na kailangan kong ipanalo. Subalit, karamihan naman sa mga taong ito ay hindi nagiging akin. Mayroong malapit na pero bigla na lang liliko, mababago kung kailan asang asa na ako. Kaya naman dito sa blog ko nilalabas ang pagkabitter ko sa love.

Pero simula ng makilala kita, ewan ko ba parang nawalan ako ng gana. Biglang tumamlay ang bahay ko. Parang hindi ko mahagilap ang mga tamang salita at madamdaming pangyayari. Halos mabaliw ako tuwing titignan kong blangko ang pahinang nais kong sulatan, yung naiipon lang na drafts ang mga kwento at tuluyang mababaon sa limot. Ilang araw akong nafrustrate at nadepressed para lamang marealize ang isang bagay: Hindi na ako malungkot.

Mabilis na akong nakakatapos sa aking gawain. Gumuho na ang bundok kong trabaho. Ang noo'y mahirap na gawain ay naging madali. Nagkaroon ako ng sigla sa pagtatrabaho dahil sa'yo. Unti-unti nagkaroon na ako ng libreng oras. Pero yaong libreng oras na sinasabi ko ay libre talaga.Yung pepetiks ka na lang kasi wala na talagang gagawin, dahil maagap mong natapos ang lahat.

Ang mga oras na iyon, ay punong puno ng kulitan natin dalawa. Kahit pa nga paulit-ulit na ang ating pinag-uusapan para bang laging fresh and hot ang topic na iyong binubuksan. Hindi ako nagsasawang kausapin ka, kahit pa nga madalas ay inaapi mo ako, ok lang kasi nakakaganti rin naman ako sa huli. :)) Bawat mensahe na natatanggap ko kahit gaano kaikli ay nais kong basahin paulit-ulit. Para bang musika na umaaliw sa mga oras na ako'y nananamlay.

Maraming nagbago. Pinuno mo ng positive thoughts ang utak ko. Natutulog ako at nagigising na nakangiti. Parang baliw subalit naeenjoy ko ang pakiramdam na ganito. Parang walang mangyayaring mali o kung meron man alam kong may solusyon agad para dito. Ang bato kong puso ay pinalambot mo. Marami kang ibinalik sa buhay ko na noon ay akala kong mababaon na sa aking pagkatao at marami ka pang idinagdag na iba.

Siguro, sa mga susunod na araw, makakaisip din ako ng panibagong kwento. Sa ngayon kasi, gusto ko munang namnamin ang ganitong pakiramdam. Babalik ako, dahil alam ko isa ka rin  sa patuloy na sumusuporta sa blog ko.Ang makulit na panget na palaging nagtatanong kung may bago akong sinulat dahil gusto niyang magbasa.

Oo, ikaw ang may kasalanan kung bakit hindi ako makagawa ng kwento.Kung bakit matamlay ngayon ang bahay ko. Pero, hindi ako nagsisisi kasi ikaw rin ang may sala kung bakit masaya ako ngayon. :)

Tuesday, September 21, 2010

Room 108


Kumatok ako ng bahagya, nag-iingat na walang maiistorbo sa kanilang pamamahinga. Pagpasok ko sa loob ay nakipagpalitan ng ngiti, nagmano, humalik sa kanilang mga pisngi at diretsong umupo sa bakanteng espasyo ng sofa. Nanatiling tahimik ang lahat, nagpapakiramdaman, hindi malaman kung anong dapat sabihin o dapat bang umimik pa. Nabingi ako sa katahimikan kaya naman kinuha ko na lang sa bag ang notebook at ballpen, nagsimulang magsulat habang nakapasak sa dalawang tenga ang earbuds na bumibingi sa aking kaluluwa.

Iniisip kong isulat ka, ang mga bagay na pinagsaluhan mula sa aking kabataan. Nakatutok na ang aking panulat subalit walang tintang lumalabas.Parang hindi ko yata kakayanin na bumalik sa nakaraan na parang namamaalam na ako sa kasalukuyan. Naramdaman ko ang pagtingin mo sa akin. Matagal. Kahit hindi ako tumingin para akong nasusunog sa iyong titig. Nagkunwari akong abala, katulad ng dati kapag tinuturuan mo ako sa aking aralin. Naalala ko kapag kailangan ng maligo, pumasok at matulog sa hapon. Nagkukunwaring may ginagawa para makatakas, hindi mapalo at hindi umiyak.

Ganun pala ang pakiramdam kapag akala mo pwede ng huminga ng malalim, kapag akala mo ok na ang lahat. Papetiks petiks ka na lang tapos isang araw parang may bomba na lang na gugulantang sa buo mong pagkatao. Akala ko hindi na ako bibiyahe, linggo-linggong nakikita ang iyong kalagayan, at walang magawa kundi aliwin ka o kaya nama’y busugin ka nang nakayanan kong putahe. Hindi iyon sapat,alam ko, dahil nanatili ka pa rin namang ganon. Wala akong nagawa noong una at ngayon wala pa rin akong magawa . Hindi ko na yata kakayanin ito sa pangalawang beses

Nanatili akong abala,ayokong makita mo akong mahina. Ayokong isipin mong nagugunos ako sa iyong lagay.Baka kasi panghinaan ka rin ng loob at sumuko. Dumating ang aking kapatid, niyakap ko siya. Pipi akong nakikinig sa mga nagyayari sa iyo habang ako’y nasa malayo. Parang nanlalambot ang aking mga tuhod subalit pinili kong tumayo dahil alam kong nakatingin ka at nakikinig. Naging bato ako sa kwartong iyon na parang wala sa akin ang lahat. Nagkunwari akong may kukunin sa bag pagkatapos ay tumalikod, umaaktong binabasa ang lahat ng nakapaskil sa loob ng silid na iyon nang lumapit sa iyo ang aking kapatid.

“Oh tita nandito yung anak mo, dinadalaw ka”

Hindi ko na napigilan, nagmadali akong pumasok sa banyo at doo’y ibinuhos ang lahat. Nagagalit ako dahil imbes na matulungan ay lalo pang lumalala ang iyong sitwasyon sa ospital na pinaglipatan namin.Sana nanatili na lamang tayo dito.Sana hindi ka nagkaganyan. Sana nilalaro mo pa rin ang iyong mga apo. Sana masaya ka pa rin habang nagbabasa ng mga paborito mong libro. Sana hindi ka nahihirapan.

Bakit ba wala akong magawa? Samantalang dati, kapag ako ang may sakit madali mo itong napapagaling. Bakit ngayon, ako itong malakas, hindi ko maibigay ang iyong kailangan. Ano bang kaya kong ibigay o isakripisyo gumaling ka lang? Please naman kung sinong may alam sabihin niyo na.

Nagpahid ako ng luha, hinugasan ang aking mukha. Alam kong titignan mo ako, uusisain kung anong ginawa ko sa loob. Mananatili itong sikreto. Umaliwalas ang aking mukha.

“Grabe,naipon ata. Wag muna kayo papasok sa loob ha. May sumabog”

Umupo ulit ako sa sofa, nanood ng tv. Tinignan kita, mahimbing ang iyong tulog. Nagpaalam na ako sa kanila at lumapit sa iyo. Hinalikan ko ang iyong pisngi.

“Tita alis na po ako. Balik na lang ako bukas”

Lumabas ako ng pinto. Marahil, maraming beses kong titignan ang mga numero sa mga kwartong aking nadadaanan hanggang makarating sa iyo.  Sana naman sa pagbalik ko ay manatili pa rin akong malakas. Sana… sa pagbalik ko, susunduin na kita, sabay na aalis sa kwartong sana’y hindi na natin balikan.

Monday, September 20, 2010

LIMANG araw na lang :D





Oo BIRTHDAY  ko na :D
Pic at video clip nasend mo na ba?
Wag nang mahiya, utak ay kilitiin
Ipakita ang galing, ako'y pasiyahin

Ilang minuto ng iyong oras sa akin ay ibahagi
Gumawa ng obrang sadyang natatangi 
Wala mang handa na sa iyo'y maihahain 
Ngiti sa iyong gawa'y siguradong ika'y bubusugin

Wala na akong maidadagdag pa
Kundi ang pakiusap na simulan mo na
Wala na kasi akong maisip na ibang trick
Upang ika'y mahikayat na magbigay ng pic greet :)

Sunday, September 19, 2010

The End

“Oi, Cheska kelan ka pa dito?”

Ayoko sana siyang sagutin. Ayaw ko nang magkaroon pa kami kahit katiting na oras para magkausap. Subalit kahit hindi ko siya lingunin alam kong andun pa rin siya at naghihintay. Sa tagal kasi na kilala ko siya kahit amoy ng breath freshener na ginagamit niya ay kabisado ko na. Dumating na nga ang araw na hinihintay ko. Yung sitwasyon na parehong ayaw at gusto kong mangyari. Ang makaharap ang taong pilit ko nang kinakalimutan.

“Ikaw pala Francis”. Nagkunwari akong abala sa pamimili ng damit ng aking pamangkin.

“May anak ka na? Ang bilis naman, kelan ka pa nag-asawa?”
“Hindi. Para sa pamangkin ko.”
“Sinong pamangkin? E di ba malalaki na sila Joshua”
“Pamangkin sa pinsan, nasundan si Paul eh”
Aba,ang sipag talaga ng pinsan mo ano. Gusto yatang magkaron ng basketball team”
“Siguro”
“E yung kuya mo,ilan na anak?”
“Dalawa”
“Matipid ano?”
“Yata”

Mukhang hindi niya ako titigilan sa tanong. Akala ko pa naman mapapansin na niya na wala akong balak makipagtsismisan sa kanya. Hindi tuloy ako makapagdecide kung ano bang bibilhin ko.

“Ano may napili ka na?”
Pabulong akong napaimik, “Wala pa, distraction ka kasi.”
“Anong sabi mo Eka?”
“Huwag mo nga akong tinatawag na Eka…”
“Di na ba ko mahalaga sa’yo?”
“Ano?”
“Never mind. Sabi mo kasi dati, ang tumatawag lang sa’yo ng Eka, yung mahal mo. I mean yung mga taong mahalaga sa’yo.”
“Basta, don’t call me by that name”
“Hanggang ngayon, magulo ka pa rin. Hindi mo pa rin alam kung anong gusto mo”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Wala kanina pa kasi tayo dito hindi ka pa rin makapagdecide kung anong bibilhin mo”
“May sinabi ba kong magstay ka? And besides, hindi ko pa makita hinahanap ko”
“Wala gusto lang kitang makasama habang hindi mo pa nakikita hinahanap mo.”
“Pwede ba Francis, wala akong panahon para makipaglampungan sa’yo. Nagmamadali ako.
“Sorry Eka, nadala lang. Tagal mo kasing nawala. Aaalis ka ba ulit?”
“Oo, di lang ako makatanggi sa pinsan ko."
“Ah ganun ba.”

Hindi na kami nag-iimikan habang namimili pa ako sa mga nakadisplay. Ayaw pa rin niyang umalis kaya hinayaan ko na lang siya..Sa wakas nakapili na rin ako. Ngumiti ako sa kanya at nagsimulang magpaalam.

“Sige, Francis bayaran ko na ‘to. Mauna na ko sa’yo.”
“May iba ka na ba Eka?”
“Naku busy ako ngayon Francis, wala pa akong mabola. Sige na una na ‘ko”
“Wala na kami ni Eunice. Matagal na. Pwede na tayo.”

Saglit akong natigilan sa sinabi niyang iyon. Parang hindi ito yung ending na ineexpect ko sa pagkikita namin. Hindi ko na siya sinagot, baka kasi hilahin ako ng mga paa ko papalapit sa kanya. Siguro mag-iisip muna ako. Basta. Bahala na.  Matapos kong magbayad ay nilingon ko ang pwesto niya kanina, nagbabakasakaling andun pa rin siya, nakatayo, naghihintay. Pero wala na, umalis na.

Lumabas na ako ng mall para mag-abang ng masasakyan pauwi, nang tumunog ang aking telepono senyales na may nagtext.

“I missed you Eka.”

Unknown sender, pero iisang tao lang naman at wala na akong maisip na ibang tao na gusto kong tumawag sa akin sa ganung pangalan. Hindi ako sigurado ngunit pinili ko na rin na tumawid sa kabilang kalsada. Pagkasakay ko ng jeep, kinuha ko ang aking telepono at nagtext:

 “I missed you too”

Friday, September 17, 2010

Are You Still Having Fun? (Interlude)

"Mahilig akong kumanta pero hindi ako hilig ng kanta"


Tuwing Linggo maagap akong nagigising. Hindi naman talaga ako early riser, sadya lang walang choice kapag nagsimula nang magconcert ang aking tita. Karipas agad ako sa baba papunta sa kanya na aktong yayakap pero ang totoo gusto ko lang kunin yung mikropono. Carpenters, Air Supply, Chicago, Tiffany, Debbie Gibson, Rey Valera, Sharon Cuneta pati si Ate Guy ay ilan sa mga songers na madalas ay iimitate namin ng tita ko sa aming munting palabas. Sobrang saya ko kapag nasa akin na ang mic, parang tumitigil ang mundo, sa akin lahat ang atensyon.

Sa totoong buhay, di naman tumitigil ang mundo pero nasa akin lahat ang atensiyon lalo na ng mga tao sa bahay. Hindi para palakpakan kundi para pasakan ang aking bibig at tumahimik. Alam niyo kasi, nung bata pa ako, medyo mahina na yata ang pandinig ko. Parang kapag napapakinggan ko ang mga tono e nagrarambulan na sila sa utak ko kaya naman kapag lumabas na, disaster talaga. Mahal ako ng tita ko, pero siguro umabot na sa kasukdulan kaya minsan nasabi niya “Mutya wag ka muna sumabay, nasisintunado ako eh”. Akala naman niya eh matitinag ako sa sinabi niyang iyon, nakow eh mas lumalala pa. Kahit hindi Linggo kukunin ko yung parang booklet na may apat na cassette at song book na nakasingit sabay buhay ng karaoke. Wahahahahaha ang mukha ng mga kasama ko sa bahay, parang uminom ng gallon gallon na suka.

Nang isang araw, nadinig ata ni Lord ang panalangin ng mga kasama ko sa bahay. Aba for the first time, ang mini-concert ko, inulan ng palakpak at hindi tsinelas. Ayun, lumaki ata ang ulo at inaraw-araw ko na ang pagkanta. Hanggang sa lumaki ako (ahem kelan ba ko lumiit?), ayun sinisigurado ko nang sa bawat kasiyahan o party ng mga kaibigan e hindi nawawala ang videoke machine at todo birit naman ang bata. May tinatawag na nga kaming pondohan eh. Ito yung mga kantang alam na namin na hindi mawawala sa playlist ng bawat isa at hindi na kailangan hanapin sa song book kasi yung number kabisado na.


Ilan sa mga kantang ito na nasa aking “pondohan” ay isshare ko sa inyo. Pasensiya na kung puro ilong ang maririnig niyo dahil galing ako sa pag-iyak nito (related sa dati kong post, mga June siguro). Yung iba ay wala lang, feel ko lang kantahin. Sana’y mabusog kayo sa katatawa at bumalik pa dito sa blog ko. :P
 
































***Ilang tulog na lang bente kwatro na ko!! Ahem ahem may ilan nang nagpadala ng pic greet, papahuli ka pa ba? Pasok na dito para malaman ang mechanics. :D

Thursday, September 16, 2010

Gusto ko paglaki ko...

Madaming pangarap, mga "gustong maging" sa buhay. Ngunit habang lumilipas ang panahon, sa pag-abot ng mga pangarap na ito ay may naiiwan na mumunting mga bagay na nais nating balikan. Balikan kasi hindi mo alam kung anong saya o lungkot ang maidudulot nito sayo o kaya naman iniisip mong baka nagbago ang takbo ng buhay mo kung hindi ka natakot na sumubok gawin ang mga bagay na ito. Na kung kelan huli na o yung kaya pa ng utak ngunit sinusukuan na ng katawan, saka pa natin gustong gustong gawin.

Kaya naman sa post kong ito, isusulat ko ang mga bagay na sa palagay ko eh sana matagal ko nang nagawa o naachieve at gusto kong maaccomplish habang kaya pa ng powers ko. Bucket List para sa karamihan pero ayaw kong tawagin na ganoon kasi lagi ko siyang naaassociate dun sa movie, na pag mamatay na eh eto ang magandang trip.

Kung nakakarelate kayo, baka naman pwedeng makisabay sa pagccross out nitong mga ito:

1.Magcartwheel

- ako lang ba ang tumanda na hindi marunong nito? Promise, hindi ko maimagine ang paa ko na nasa ere.

2. Magdrive

- actually nag-aral na kong magdrive 48 years ago. Matapos kong malampasan ang mga mamahaling sasakyan na nakaparada sa aming compound ay naisalpok ko ang aming jeep sa walang kamalay-malay na puno na nakatumba. Kamusta naman yun?

3. Wall climbing, zipline etc. basta yung parang adventure camp.

- inuna ko pa kasi yung labada sa bahay, ayan sayang libre pa naman ako ni sis. DI na nga naulet..waaaaaaaaaaaaah

4. Sumakay sa rollercoaster/space shuttle

- lagi akong naiiwan sa baba, tuwi kasing makikita ko na nakabaligtad yung mga tao, naiimagine ko na may malalaglag.ISKEYRI!

5. Mag-enroll sa dance class

- gusto ko sana e pole dancing, napaunod ko kasi nung minsan sa tv parang ang sexy sexy. Wish ko lang kayanin ako nung pole.

6. Learn a foreign language

- pwedeng Italian since may alam na rin naman akong mga salita gusto ko lang e yung matatas ako sa lenggwaheng iyon yung parang mamaniiin ko na lang.

7. Malasing

- hahaha weird ba? Litanya kasi ng barkada, ako daw ang last one standing lagi sa mga sessions.

8. Makatakbo ng ilang laps sa oval

- target ko na yung sports complex dito sa Marikina. Ano bang magandang outfit para dito? :D

9. Makapagluto ng dinuguan

- isa kasi ito sa mga paborito kong ulam. Baka may recipe kayo diyan, penge naman!

10. Mag make-up

- Natrauma yata ako nung grade three e, kaya hindi ako naging interesado sa mga cosmetics. Ganito kasi yun, nainggit ako dun sa kaklase ko na naka-eye liner e di naglagay din ako. Kaya lang pagtingin ko sa salamin, waaaaaaaaaa parang sinuntok ng limang beses. Tamang pulbo blush on at lip balm na lang tuloy. Sana lang may magturo jan para pag may party party hindi ako mukhang zombie :D

11. Makicrash sa isang party

- wala lang, parang gusto ko lang maexperience na kunwari kilala ko sila, feeling close tapos lakas pang tsumibog..hahahaha

12. Skinny dipping

- o sinong sasama? :))

13. Magpakulot ng buhok

- kausapin ko muna buhok ko tungkol dito baka magtampo, nakailang streyt na eh!

14. Makakain sa Kaffe Razzo

- wala pong bayad ito..hahaha Ang tagal ko na lang kasing gustong kumain dito lalo na pag tumitigil sa V. Mapa station yung LRT, natatakam ako. Kaso, lagi naman linggo ako may free time,amft.

15. Maggitara/Piano

- banduria lang kasi alam ko e, limot ko pa yung ilang nota. Paturo naman dyan!

16. Gumawa ng fondant cake

- frustrated baker here! Para ito na lang ang ireregalo ko sa mga inaanak ko sa bday nila! :P

17. Magsuot ng dress

- jeans and shirt gal kasi ako,mas kumportable kasi ako dun kaya naman di ko naiisipang bumili ng pambababeng damit. Ngayon, parang type ko lang magpakagirl kahit wala sa itsura. haha Pagbigyan mo na, minsan lang 'to :))

18. Magpatattoo

- hindi ko alam kung anong design pero gusto ko sa likuran ng tenga ilagay, para nakatago.

19. Umakyat sa Mt. Banahaw

- ay sus kahit taga- Quezon ako ni hindi pa ako nakakatapak man lang dito.

20. Kumanta kasama ng band.

- kahit barado na ang ilong ko kakakanta, go pa rin ako kapag may kumuha sa akin. kahit sa perya lang.hehe

21. Mag-alaga ng hayop

- pwede ka ba? :P

22. Pumunta sa Italy or magtravel sa Europe

- syempre after kong matutong mag-aral ng language, anong kasunod?? Learn their culture naman through experience. :) (ang totoo e magpapapiktyur lang sa leaning tower of Pisa)

23. Maligawan

- yung parang old times lang, instant tsimoy...hehe

24. Get married and have kids

- syempre ng kumalat naman ang lahi ko.. aba, sayang din. hahaha


O di ba konti lang naman sila, at wag mong sabihin na sinadya kong ganyan lang ang bilang dahil bubulungan kita at sasabihing Tamaaaa! Kung hindi mo ako masasamahan tuparin ang mga gusto ko paglaki ko, baka naman pwedeng ito na lang. Thanks in advance! :D

Wednesday, September 15, 2010

Nu name u?

Since this month is MY month (haha angkinin ba?), naisipan ko na gawin munang personal entries ang mababasa nyo dito sa aking munting bahay (di pa umaming tinatamad gumawa ng kwento :D). Kaya naman sisimulan ko ito sa unang itinatananong ng bawat taong nakikilala natin sa mundo. “ANONG PANGALAN MO?”


Kung ako ang tatanungin siguro ito ang isasagot ko. Ako nga pala si:


Maridel – ahahaha napapangiwi naman ako dito. Hindi lang siguro ako sanay na tawagin sa ganitong pangalan. Pag minsan nakakainggit nga kasi yung iba may history yung pangalan. Yung halimbawa pinagsamang pangalan ng nanay at tatay o kaya naman ito yung paboritong pagkain ng nanay nung naglilihi pa at marami pang ibang dahilan kung bakit sila tinawag na ganito at ganyan. Samantalang ako, no idea kung saan nakuha ni mudrakels ang aking name. Hindi naman ako nagrereklamo, hindi lang ako makapagyabang. :D


Pero siyempre dahil naiisip ng iba, lalo na ng aking family and friends na masyadong mahaba o kaya naman pormal ang pangalan ko, naisip nila itong paikliin o kaya naman ay gumawa ng panibago. Alam mo naman ang mga pipol gustong gawing cute at nakakatawa este nakakatuwa ang pagtawag sa akin. Kaya naman nagsimula ang mga palayaw na ito:


  1. Mutya – sabi nila, si papa daw ang tumawag sa akin nito. Ang explanation, ako daw kasi ang mutya sa buhay niya (SWEET!), nag-iisa niyang anak na babae. Sacred ang palayaw na ito sa akin. Sabi ko nga sa iba, mga kaclose ko lang at pamilya ko ang may karapatang tumawag sa akin nito (arte!)


  1. Tata, tati – ate ko ang salarin sa nick na ito. I’m guessing lambing niya ito sa akin kasi kapag nagagalit na siya bumabalik sa Mutya na ang tawag niya :D


  1. Mulaga, olags – naku dati kung iyakan ko kapag tinatawag akong ganito. Mga pinsan ko ang nagbansag sa akin ng ganitong pangalan. Kailangan pa bang iexplain kung bakit?Hahahah sige na nga. Ganito kasi yun, sabi nung pinsan ko nung ipinanganak daw ako e hindi daw ako umiiyak. Tapos nung pinalo daw ako sa wetpaks ng mabait ng doctor e nagulat daw ako kaya naman ganun na lang ang itsura ng aking mata. Nakow, lalo na nung nauso ang laruang trolls. I swear, hindi ko sila paborito. Buti na lang nagagandahan na sila ngayon sa ganitong klase ng mata, buti na lang kamo nauso ang anime..hahahahaha


  1. Akira, Hartlesschiq – eto ang siguradong itatawag sa akin ng mga nakikilala ko sa mundo ng internet. Mahilig kasi akong magchat kaya naman nag-iisip ako ng magandang chatname. Madalas mapagkamalan akong lalake sa Akira dahil sa Japan pala madalas sa lalaki ito pinapangalan. Hmmm bakit nga ba hartlesschiq? Hindi ko na matandaan ang history nito pero ito ang pinakamatagal na chatnick na ginamit ko.


  1. Madel – ayan may pinanggalingan talaga. Pinaikling Maridel. Sa school ito ang madalas na itawag sa akin. Yun lang.


  1. Mads/ Madz – ito ay pinaikling Maridel pa rin pero may konting dating.Haha wala lang feeling ko kasi ang lamya ng Madel (pasintabi sa may ganitong pangalan, sariling opinion lang po :D ). Friends ko yata ang nagbigay nito tapos ayun simula nung araw na iyon, ito na ang tinatawag ng lahat sa akin pati dito sa work.


Actually, hindi naman ako maselan. Ang mahalaga naman ay ang intensiyon mo sa pakikipagkilala sa akin.Siguro magsimula muna tayo sa Maridel. Hmmm malay mo sa susunod pwede na ang MUTYA :P



Ilang araw na lang BIRTHDAY KO NA!!! Celebrate it with me. PASOK KA DITO!

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design