Pages

Wednesday, February 2, 2011

Ngayon....Ikaw naman.


“Nay.. nay san po kayo?”

“Andito ako anak sa tagiliran. Kumain ka na muna diyan, may pansit akong binili mainit pa yan”

“Sige po nay, magpapalit lang po ako ng damit”

“Dalhin mo na dito yung pinagpalitan mo nang maisabay ko na”

“Nay wag na po, ako na pong maglalaba mamaya pagkakain.”

Siguradong may pinuntahan na naman itong anak ko. Akala yata niya ay hindi ko nahahalata na ilang araw na siyang ganyan. Umuuwi na parang nagsaka lang sa bukid samantalang andito naman kami sa siyudad. Kinatok ko siya sa kanyang kwarto at hindi nga ako nagkamali.

“Kyle san ka naman bang lupalop nagsusuot, nanlilimahid itong damit mo ah. Mahihirapan na naman akong magtanggal ng mantsa nito.Hindi na nga ako matapos-tapos sa mga nilalabhan ko…
“Nay, ako na lang….”
“Inuulit ko rin naman yang nilalabhan mo, nagsasayang ka lang ng tubig. Tumigil-tigil ka na diyan sa ginawa mo at ako’y nakukunsumi na”

Bago pa lumabas ay napansin ko ang bulaklak sa bag ni Kyle, napailing na lamang ako.

“Unahin mo muna yang pag-aaral mo, hindi yang mga babae. Makakapaghintay yan. Lumabas ka na diyan, lalamig yung pagkain. Mamaya na tayo mag-usap”

Ibinabad ko muna ang damit ni Kyle at pinapatuloy ang pagkusot ng damit nila Aling Guada. Nagbibinata na si Kyle, mukhang may napupusuan siyang dalagita. Naiintindihan ko naman na lahat ay dumadaan dito kaya lang parang gusto kong maiyak tuwing nakikita ko siyang pagod na pagod at maruming marumi ang kasuotan. Isa pa, nag-aalala na rin ako na baka mapabayaan niya ang kanyang pag-aaral.

Kung hindi pa ako napadaan sa shop ni Kadyo nung isang araw ay hindi ko malalaman na madalas palang tumambay dito si Kyle.

“Marissa, kilala mo na ba yung napupusuan ng anak mo ha.”
“Ano yun Kadyo?”
“ ‘Kako mukhang inlab yang anak mo. Aba’y nagprisintang tumulong dito sa shop ko eh. May sosorpresahin daw siya. Natuwa naman ako kaya pinayagan ko na. Aba, ay masipag din yang isa mo ano?”
“Kanya naman pala pag umuwi laging madumi ang damit. Mapagsabihan nga. Sige mauuna na ako Kadyo.”
“Naku Marissa hayaan mo na yung anak mo at nagbibinata. Maigi nga’t pinagttrabahuhan yung pambigay niya sa nililigawan”

Pakiramdam ko tuloy, kulang pa itong ginagawa ko para sa kanya. Wala naman kasi akong ibang alam gawin kundi ang maglabada. Ito lang ang bumuhay sa amin noon nila Inay. Kaya hangga’t kaya ko, tatanggap ako ng labada para lang mapagtapos ko si Kyle. Kung sana nakakaangat lang kami, ako na lang ang magbibigay ng panregalo niya sa kanyang nililigawan. Hindi yung magttrabaho pa siya sa vulcanizing shop para lang matugunan ang pangangailangan na ito.

Pagkatapos kong maglaba ay tinawag ko na si Kyle.

“Kyle, pumunta ka muna dito. Tulungan mo kong mag-sampay.”

“Saglit lang ‘nay may tinatapos lang po ako.”

“Tulungan mo muna ako dito, pag hindi ka bumangon diyan hindi ka na makakabalik kina Kadyo”

Mabilis pa sa kidlat na dumating si Kyle. Hindi na ako muling umimik at nagpatuloy sa pagsasampay ng damit.

“Alam niyo na po ‘Nay?”

“Makakapagsikreto ka ba naman sa akin ha, Kyle?”

Napansin kong namula si Kyle.

“Wala naman masama dun anak. Normal lang yun sa nagbibinatang tulad mo.”

“Nay…”

“Teka sino ba itong nililigawan mo ha anak?”

“Espesyal na tao lang po .Wala po yun ‘nay..”

“Anong wala, e sinabi sa akin ni Kadyo na may sosorpresahin ka daw kaya ka tumutulong doon.”

Napakamot na lang sa ulo si Kyle. “Ang ingay talaga ni Mang Kadyo”

“Basta anak ipangako mo lang na hindi mo pababayaan ang pag-aaral mo ha. Tsaka kung kinukulang ka, magsabi ka na lang sa akin baka magawan natin ng paraan. Marami namang gustong magpalaba diyan. Sige na tapusin mo nang mga ginagawa mo sa loob at baka makatanggap ng lantang bulaklak yung nililigawan mo.”

Inayos ko muna ang mga ginamit ko sa paglalaba bago tuluyang pumasok sa aming bahay. Hahakbang pa lamang ako sa may pinto nang biglang namatay ang ilaw. Nagtaka ako dahil hindi naman brownout sa kabilang bahay at sinugurado ko namang bayad na kami sa kuryente.

“Kyle anak, pakibuksan nga yung ilaw. Ano na naman kinukutingting mo diyan? Kyle…. Kyle….”

Walang akong sagot na narinig kaya naman kinapa ko na lamang ang daan hanggang makapasok ako ng bahay para buksan ang ilaw. Pagdating ko sa may kusina, ay napansin ko ang ilaw na nagmumula sa maliliit na kandila na nakatusok sa isang cake. Mula sa aking likuran ay biglang sumulpot si Kyle dala ang bulaklak na nakita ko kanina.

“Happy Valentine's Day po. Nay, pasensya na po kayo ha, ito lang nakayanan ko. Kaunti lang po kasi naging kostumer namin nila Mang Kadyo sa shop. Huwag po kayong mag-alala nakausap ko na po si Aling Gina, pupunta daw po siya bukas dito. Imamanicure-pedicure daw po niya kayo. ”

Niyakap ko si Kyle. Yung mahigpit na mahigpit. Proud na proud ako sa kanya at sa aking sarili. Hindi ko akalaing mapapalaki ko siya ng ganito. Sobrang saya ko ngayon.Parang lahat ng pagod ko sa paglalaba kanina ay nawala. Naramdaman ko na lang ang pag-agos ng aking mga luha. Ito pala ang pinaghahandaan niya. Ako pala ang sosorpresahin ng anak ko.

9 comments:

  1. basta istorya ng nanay at anak, nakakaluha... ang sweet naman ni Kyle sa nanay nya...Happy VDAy in advance!

    ReplyDelete
  2. SARAP NAMAN. HAVE A HAPPY HEARTS DAY.

    ReplyDelete
  3. wahahahahahahahaha umpisa pa lang alam ko na ang ending... ahahahhaha... palibhasa guilty! ahahahahahhaha... nagawa ko na rin yan noon... wehehehehehehe

    ReplyDelete
  4. Shet naman. Nagets ko yung storya dun sa bandang usapan nila sa sampayan. Haha. Tama nga ako. Pero nice Ate. Writer ka talaga. Nakss.. Ganto din ako sa nanay at ama ko dati, nagseset kami ng table sa kusina na parang candle light dinner tapos pagdedate-in namin sila. Haha.

    ReplyDelete
  5. weee.. siya na talaga ang sweet... kyle kung tutuo ka man.. sana bigyan mo rin nanay ko..wa hehe joke lang... grabe saludo ako...

    ReplyDelete
  6. at naiyak naman ako. wala kasi akong nanay eh

    ReplyDelete
  7. Wow.. ang shweeetttttttt!!!!!!!!

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design