Pages

Thursday, July 28, 2011

Luto ng Langit



Pagkagaling ko sa banyo ay diretso agad ako sa kwarto.

Andyan ka pala. Kanina ka pa ba? Pasensiya na hindi agad kita napansin kasi naman excited na ko sa pagdating ni husby. Biruin mo naman ilang linggo na siyang hindi umuuwi. Kaya ayun masyado akong naging abala sa paghahanda ng pagkain para sa kanya.

Nagulat ka ba? Oo nagluluto kaya ako, tinuruan ako ni ina noon. Natigil lang kasi nung makilala ko si husby, ayaw niya kong masyadong napapagod kaya sa labas na kami lagi kumakain. Nakuuu siguradong magugulat yun pag nakita niya ang inihanda ko para sa kanya. Sa sobrang sarap makakarating siya sa langit. 

Teka lang tulungan mo nga ako. Ano bang isusuot ko dito? Itong pula o itong isa?? Hmmm e kung wala na lang kaya?? Hahahaha Biruin mo masarap na luto tapos yummy na wifey pa. I’m sure hindi na siya aalis. Parang yung mga dating customer namin ni ina. Hindi na nakaalis sa sobrang sarap nung hinanda naming nung piyesta ng bayan.

O natahimik ka naman diyan, iabot mo nga yang lotion diyan sa may cabinet. Bakit ganyan ka makatitig? Para namang lalamunin mo ako. Dalian mo at mamaya andito na ang pinakamamahal kong asawa. Huiii anu ba? Sus ako na nga… Naiisip mo na naman si ina ano? Huwag kang mag-alala di ba nagkita naman kayo kahapon. Ok naman siya di ba? Masaya pa rin katulad ng dati. At tsaka nga pala….

Wait, nagtext si husby malapit na daw siya, kailangan ko nang dalian ang pagpapaganda, kailangan kong maghanda. Teka ikaw ba? Anong partisipasyon mo? Tatahimik ka na naman katulad nung dati? KJ mo talaga. Wala ka namang kasalanan dun. Pinaglingkuran naman natin sila noon, pero naniwala na lang sila agad sa sabi –sabi. Iniwan na lang tayo ng basta basta. Samantalang noong wala pa tayong karibal halos dumugin nila ang atin karinderya.

Huwag mo nang takpan yang tenga mo kasi alam mo naman yung sasabihin ko eh. Paulit ulit lang ako katulad ng paulit-ulit na pagngiti ko sa mga painasisilbihan ko na lamesa noon. Bawat ulam na inilalapag ko, wala pang ilang minuto ubos na agad. Yung iba tumatake two pa. Tapos ano, nung magsimula yung tsismis na may gamot daw na inilalagay si ina para bumalik ang mga tao tapos dinadagdagan pa na botcha daw yung ginamagamit na karne, ayun nag alisan sila. Nalugi ang karinderya, nawala lahat ng inimpok natin dahil sa nadepress si ina at natigil pa tayo sa pag-aaral.

Kung hindi ko pa makikilala si husby matapos nating umalis sa baryo, malamang wala tayong alam ngayon. Siguro kinakawawa pa rin tayo ng mga kapitbahay natin noon. Tumatak kasi sa isip nila yung bintang kay ina. Mula sa kanya, napasa sa atin ang sisi, ang pangungutya. Buti na lang talaga nabigyan din si ina na nang pagkakataon para makapagluto noon sa piyesta ano? Tignan mo naman hindi ba speechless sila sa sarap.

Anong ayaw mo? Hindi pwede, nakapagsabi na ako kay ina, naipagpaalam ko na ito. Paliligayahin ko lang naman si husby eh para hindi na siya humanap ng iba. Sabi niya kasi matanda na daw ako. Wala nang asim. Siya naman lahat sumimsim nito ah. Walang ibang nakatikim kundi siya lang. Bakit ngayon, iiwan niya ko para sa mas bata, para sa isang babae na naiinggit lang sa pagmamamahalan naming dalawa.

Ano pipigilan mo ko? Nagpapatawa ka ba? Paano? Nakakulong ka lang naman diyan.  Katulad ka rin ng dati, noong nilagyan ni ina nang lason yung mga pagkain hinanda niya noong piyesta. Wala ka ring nagawa. Hinayaan mo silang kainin yung pagkain. Oo nasarapan sila pero anong kapalit? Kamatayan. Oo yun ang nararapat sa kanila, mga taksil at walang awa kay ina. Matapos silang pagsilbihan, iiwan lang. Katulad ko, anong ginawa sakin ng butihin kong asawa? Matapos pagsawaan naghanap ng iba, yung bago yung akala niya eh mas masarap sa’kin.

Saglit wag kang maingay. Andiyan na siya. Naririnig ko na ang pagbubukas niya ng gate. Huwag na huwag kang mag-iingay ha kundi babasagin kita. Hinding hindi mo na ko makikita.  

Amuyin mo nga.  Mabango na ba ako?? Ayos na ba ang itsura ko?

Umikot-ikot muna ako bago ko tuluyan buksan ang pinto kwarto palabas. Pero bago ko tuluyan isara ang pinto ay tinitigan ko muna ang aking anyo sa salamin.

Sige diyan ka na, ikukuwento ko na lang mamaya sa’yo ang mangyayari. Kapag tapos na kaming magdinner.  Siguradong hindi niya makakalimutan ang luto ko. Dadalhin ko sa langit si husby.

13 comments:

  1. aw. panu nya pa matitikman ang luto ng langit kung malalason na sya sa luto mo?

    ReplyDelete
  2. Awwww. Manlalason naman.

    Kapag ang galit ang nanaig walang maitim o maputi sa plano, makaganti manlang

    ReplyDelete
  3. aw.. nababaliw na sya.. konsensya ang kausap... dahil sa pagmamahal, sana pati sya kumain din ng kanyang handa.

    Minsan nga naman ang ibang tao, nakagagawa ng di maganda dahil sa paghihiganti.

    ReplyDelete
  4. creepy wifey, kalurkey!

    ReplyDelete
  5. Huwaw! As in huwaw! Pwedeng i-monologue 'yang post mo sa talent portion ng Litol Miss Pilipins. Haha!

    ReplyDelete
  6. nawa'y maging masaya sya sa paghihiganti...

    ReplyDelete
  7. nako..ang panget ang sama ng bida. hahahaha

    ReplyDelete
  8. kala ko entry mo ito sa pa contest ni iya.. hehe! ganda..

    ReplyDelete
  9. lukaret si ate; nakawala siguro sa mental. hehe. seriously, nice narrative. ibang klaseng atake. i like!

    ReplyDelete
  10. gusto ko!(;

    ano yun, nag-se-self talk sya? hala, second person pa..

    ReplyDelete
  11. ang madness ni madz. nakakatuwang basahin yung ganitong uri ng sulatin. kumbaga, hindi nagpapalason yung creativity sa napaaraming 'common' na istio sa mga sulatin ng blog sa paligid.

    thanks, madz. at least alam kong marami pang baliw na gaya ko. whahaha! huhuhu!

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design