Pages

Wednesday, April 21, 2010

Sorry na...Please




“Tsk tsk, sino na naman kaya nangialam ng gamit ko.
Pati stationary ko pinakialaman oh. Pambihira paborito ko pa naman yun”


Salubong na ang mga kilay ni ate habang nag-iikot sa kwarto hanap-hanap ang nawawala niyang stationary. Sinasadya niya atang lakasan ang kanyang boses para marinig naming magpipinsan. Nagkakatinginan lang kami, yung parang nagtatanong sa isa’t isa kung sino ang salarin. Pero sigurado akong wala sa kanila ang aamin. Paano ba naman wala naman sa kanila ang kumuha. Dahil ako, ang nag-iisang kapatid at bunso ng ate ang siyang pasikretong umumit ng stationary niyang mabango.

Maganda ang stationary na iyon. May nakadrawing na pusong pula sa pagitan ng isang boy at girl. Feeling ko inlove sila sa isa’t isa. Tapos may nakasulat yata sa bandang itaas. Hindi ko nga maintindihan kasi parang stick lang na pinagdikit dikit o pinagpatong patong yung nakalagay. Bagay na bagay kasi kapag susulatan ko na ang crush kong si Darwin dahil kamukha ko yung babae sa papel. Para atleast pagkabigay ko kay Darwin lagi niya kong makikita sa stationary na yun. Kinikilig na tuloy ako kahit hindi ko pa nasisimulan yung sulat ko. Actually, nag iisa na lang ‘yun kaya nga kinuha ko na. Mukha namang makakalimutan na ni ate yun, last piece na nga di ba? Pwede ulit siya bumili ng bago.


“Sino ba kasi sa inyo ang kumuha nung stationary ko. Bakit hindi pa umamin. Nakakaasar e. Isusumbong ko kayo kay tita”

Wala pa ring natinag sa aming magpipinsan. Tuloy pa rin kami sa paglalaro ng bahay-bahayan. Mukhang walang naniniwala sa panakot ng ate ko. Palibhasa nasanay na kasi kaming si ate pa ang nasasabihan ng napakakalat kaya nawawalan ng gamit. Sa isang banda nakokonsensiya na ko habang pinapanuod ko si ateng naghahalungkat ng mga gamit niya. Kaya lang ayokong umamin baka kunin niya ulit sa akin yun. Medyo kinakabahan na nga ako kasi baka maghalungkat naman siya sa mga gamit namin. Patay, baka hindi na maamoy ni Darwin ang mabangong stationary ko. Buti na lang tinawag na kami ni tita para maghapunan.

Ate: Tita …
Tita C: O bakit?
Ate: Tita yung stationary ko po nawawala. May kumuha po sigurado nun sa mga ‘to
Tita C: Ang hilig mong magbintang, napakakalat mo kasi kaya hindi mo alam kung saan mo nilalagay.
Ate: E nawawala naman po talaga e. Hinanap ko na sa kwarto. Wala talaga.
Tita C: Hay naku kumain ka na nga lang. Bumili ka na lang ng panibago
Ate: Paborito ko nga po yun. (Nagmamaktol sabay tingin sa amin) Hay naku kung sino man kumuha ng stationary ko, pagdadasal ko na dalawin ng mumu at tsaka…
Tita C: Immaculada, tumigil ka na nga. Alam mo namang matatakutin yang mga yan, mapapalo kita eh
Ate: Basta! Malalaman ko kung sino kumuha nun mamayang gabi… awooooohh (sabay tawa)

Naku po. Sa lahat ng ipapanalangin ng ate ko, multo pa ang naisip niya. Ok lang sana kung mapaihi sa kama kasi pwede ko namang itago yung salwal ko pagkagising. Pero multo??? Siguradong hindi ako makakatulog nito. Isipin pa lang na mamaya may lalapit sa akin na babaeng nakalutang, pinaninindigan na agad ako ng balahibo.

Bigla akong nawalan ng gana sa pagkain. Sayang paborito ko pa namang munggo ang ulam. Umiiyak akong pumasok sa kwarto at inilabas ang stationary na inumit ko. Sorry Darwin ha, hindi mo malalaman na crush kita. Sana maging magkakklase na lang tayo sa susunod na pasukan. Hayaan mo tita ko naman ang titser, sasabihin kong gawin tayong magkagrupo. Pero teka paano ko ito isosoli kay ate? Kailangan maisoli ko na ito sa kanya bago kami humiga. Baka maipanalangin pa niya, natatakot na ako ngayon pa lang.

Naisipan kong gumawa ng sulat:

Dear Ate,

Sori, ako yung kumuha ng stationary mo. Sana mapatawad mo ako. At sana wag mo nang ipanalangin na dalawin ako ng multo. Ibabalik ko na naman sa’yo. Please. I Love you.

Love,

Mutya


Habang nanonood siya ng tv ay dali-dali kong tinapon sa harap niya ang sulat at nagtalukbong na ako ng kumot sa kwarto pagkasara ng pinto. Nag-antay ako ng sisigaw pero wala akong narinig. Pinakiramdaman ko kung may lalapit pero walang yabag ng paa o anumang kaluskos. Maya-maya biglang bumukas ang pinto, pero wala pa rin nagsasalita. Natatakot na ko, baka maagap nagdasal si ate ah. Nalate yata ako sa pag - amin. Katapusan ko na.


“Nagbigay na ko ng sulat kay ate, umalis ka na. Patulugin mo na ko. Maawa ka. Ibabalik ko na yung stationary niya” Umiiyak na ko nito kasi feeling ko lalapit na siya. Hindi nga ako nagkamali, lumapit nga siya. Nagsisigaw ako habang umiiyak, kasi naman eh, isosoli ko na naman.


“Sa susunod kasi magsasabi ka, ibibigay ko naman sa’yo ‘yun eh. Tignan mo tuloy natakot ka pa”

Pahikbi-hikbi pa rin akong nakatalukbong ng kumot kahit alam kong si ate na yun. Nakakahiya kasi, bistado na. Inantay ko pa ang kanyang susunod na sermon, pero sa halip niyakap niya ako at hinalikan sa noo. Matagal ding ganon ang itsura namin nang bumulong siya:


“Sa’yo na yung stationary ko, kunin mo na rin yung sobre na natitira. Huwag mong kalimutan dikitan ng sticker ha. Balitaan mo ako kung anong sasabihin ni Darwin.”


***** Para sa kapatid ko, alam kong pamilyar sa'yo ang istoryang ito. :P Ate Dimple Happy Birthday!!! I Love you!!! Mwaaaaaaaaaah

6 comments:

  1. nice...
    parang ako lang mahilig mambintang..

    Nawawalan ako ngaun ng gamit.. sino kayang aamin sa mga kapatid ko?

    Anyway... nice story... happy bday sa ate mo. :D

    ReplyDelete
  2. salamat po.. im sure mababasa niya greetings mo :P

    ReplyDelete
  3. galing naman ng magkapatid hehe ..ayos..happy b day sa ate mo..at binasa ko talaga siya ever nakaktuwa naman kasi..tingin ko kasaysayan na ito haha

    ReplyDelete
  4. thanks daw sabi niya :P haha grade four pa ko nito..hehehe

    ReplyDelete
  5. happy birthday to your ate.. sweet nyo naman..hehe

    ReplyDelete

 

A D.I.Y. Blogger Template by Sommerfugl Design